Sunday, November 11, 2018

CPP/Ang Bayan: Militarisasyon sa Samar, nilalabanan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Nov 7): Militarisasyon sa Samar, nilalabanan

MULA OKTUBRE 30 hanggang Nobyembre 5, nagkampuhan ang 2,000 magsasaka sa plasa ng Barangay San Miguel upang ipanawagan ang pagpapalayas sa militar sa kanilang mga komunidad sa Las Navas at Catubig, Northern Samar.

Sa harap ng walang tigil na panggigipit, ipinamalas ng mga magsasaka ang mahigpit nilang pagkakaisa at kahandaang lumaban. Anila, sigurado na kung magmamatigas ang militar, hindi na lamang mga taga-Las Navas at Catubig kundi pati ang mga residente sa iba pang mga bayan ay lalahok sa lumalaki at lumalawak na paglaban sa militarisasyon.

Mula nang bumisita si Rodrigo Duterte sa prubinsya noong Setyembre, dinagdagan ng AFP ang dati nang mga tropa nito sa lugar. Dati nang may mga detatsment at kampo militar sa mga barangay ng San Miguel, Poponton at Taylor sa Las Navas, at sa mismong loob ng Barangay Carawag sa Lao-ang. Nagsasagawa naman ang AFP ng mga operasyong kombat sa ngalan ng operasyong “peace and development” sa mga barangay ng San Miguel, San Francisco, Quirino, Perez, Magsaysay, San Antonio, Imelda, Capotoon, Cuenco, Avelino, Victory at Lakandula sa Las Navas; Tubang at Gibunawan sa Silvino Lobos; Rumbang, Lanubi at Tangbo sa Lao-ang; at Capacujan sa Palapag.

Tuluy-tuloy na tinututulan ng mga magsasaka ang umiigting na militarisasyon sa kanilang lugar na nakakadagdag sa kahirapan at kagutumang dinaranas nila.

Noong Oktubre 18, humigit-kumulang 100 katao mula sa walong baryo ang tumungo sa munisipyo ng Las Navas para isumite ang kanilang petisyon para palayasin ang mga sundalo sa kanilang lugar.

Samantala, may 30 magbubukid at kasapi ng Northern Samar Small Farmers’ Association (NSSFA) na dadalo sana sa dayalogo sa pagitan ng mga residente at ng meyor ng Las Navas ang hinarang ng mga elemento ng 20th IB. Naghapag din sila ng petisyon at resolusyon sa Commission on Human Rights sa Tacloban City.

Ayon sa mga residente, labis na nagdudulot ng takot at nakaaapekto sa kanilang kabuhayan ang pagkakampo ng AFP sa kanilang komunidad. Walang tigil rin ang atake at malisyosong paratang ng mga militar sa mga kasapi ng Katungod Sinirangang Bisayas at NSSFA.

Samantala, noong Nobyembre 7, dinala ng mga elemento ng 803rd IBde si Alfredo Pajanilla, upisyal ng Barangay San Francisco, Las Navas, sa kanilang kampo upang diumano’y makipag-usap kay Major General Raul Farnacio, ang kumander ng 8th ID. Hinarang naman ng tropa ng 20th IB ang mga delegado mula sa Northern Samar na dadalo sana sa pagkilos na ipinatawag ng People Surge sa Tacloban City. Tinakot din at pinagbantaan ng mga sundalo ang mga kanilang mga drayber kung kaya’t napilitan silang bumalik na lamang.

Sa Bicol, okupado ng 31st IB ang hindi bababa sa siyam na barangay sa mga bayan ng Casiguran, Gubat at Barcelona sa prubinsya ng Sorsogon. Ayon sa mga residente, nagtayo ng Barangay Defense System ang mga sundalo kung saan sapilitang pinagbabantay ang mga residente. Tinitipon din ng mga sundalo ang mga kabataan upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan, at ipinapailalim sa interogasyon ang mga pinagbibintangang sumusuporta sa BHB. Laganap ang paglalasing at pagsasabong ng mga sundalo na dagdag na ikinadidismaya ng mga residente.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/2018/11/07/militarisasyon-sa-samar-nilalabanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.