Sunday, September 30, 2018

CPP/NDF-Bicol: Red October Plot, Paghahanda Upang Isailalim ang Buong-bansa sa Batas Militar

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 28): Red October Plot, Paghahanda Upang Isailalim ang Buong-bansa sa Batas Militar

Maria Roja Banua
Spokesperson NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
September 28, 2018

Wala nang pagpapanggap pa – nasa bingit na ng pagbulusok ang rehimeng US-Duterte. Desperado na ang nag-uulol na diktador na gawin ang lahat upang walang sagkang maipagpatuloy ang neoliberal na atake sa mamamayan ayon sa atas ng kanyang imperyalistang amo. Sa pagtindi ng pandaigdigang krisis ng mga kapitalistang bansa, nagkukumahog ang US na maisalba ang sarili sa pamamagitan ng pagpapasa ng krisis sa mamamayan ng mga malakolonyal na bansang tulad ng Pilipinas. Alam ni Duterte at ng imperyalistang US na hindi nila ito maisasakatuparan habang nariyan ang paglaban ng sambayanang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan. Kaya hindi nakapagtatakang hakbang-hakbang na ipatupad ng papet na rehimeng Duterte ang doktrina ng paninindak at terorismong ginagamit ng imperyalistang US upang mabusalan ang nagngangalit na mamamayan. Kinakailangan na niyang lumikha ng klima ng kaguluhan sa pamamagitan ng pagpapakalat na mayroong linulutong planong destabilisasyon kabilang ang rebolusyonaryong kilusan nang mabigyang katwiran ang pagsaklaw ng Batas Militar sa buong bansa hindi lamang sa Mindanao. Sa pagpapakalat ng balita tungkol sa pakanang destabilisasyon na tinagurian nilang Red October Plot, linalayon ni Duterte na mailusot ang ibayo pang panunupil sa mamamayang nangangahas tumuligsa sa kanyang pasismo at neoliberal na patakaran. Upang makapanatili sa poder, hinahabol niyang manyutralisa o makabig ang pampulitikang oposisyon ng paksyon ng naghaharing-uring tumutuligsa sa kanya. Gayundin, pinipilit niyang pigilan ang demoralisasyon sa hanay ng militar at kapulisan sa ginawa niyang paghuli kay Sen. Trillanes at pagbabanta sa iba pa nitong kasamahan sa Magdalo na naging lantad na oposisyon kay Duterte.

Ang totoo, natatakot ang panig ni Duterte sa sarili nilang multo sa gitna ng kanilang kainutilang harapin ang mga kahingian ng masa at tugunan ang kaliwa’t kanang krisis na bumabayo sa lipunan. Matapos niyang talikuran ang usapang pangkapayapaan kung kailan ang mga sosyoekonomikong repormang para sa kapakinabangan ng mamamayan ang pag-uusapan, sunud-sunod namang umarangkada ang mga pahirap na batas. Wala silang maibigay na solusyon sa mamamayan hinggil sa krisis sa bigas at sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin dahil sa mapanggipit nilang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na siyang unang pakete ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP). Nagbabanta rin ang hagupit ng kasunod na panukalang Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO) na hahambalos sa kabuhayan ng mamamayan kapag naisabatas. Wala na silang maipagyabang na pag-unlad ngayong subsob na sa kahirapan ang mamamayan habang ang kanilang inaatupag ay sinisingil ang panlilibak sa kapwa nila burukrata kapitalista na hindi nila makaisa. Sa Kabikulan, malaking kalokohang pumipila pa ang masang Bikolano sa NFA rice sa kabila ng sobrang produksyon ng bigas sa rehiyon sa pangunguna ng Camarines Sur. Kahapon, tumaas na rin ang minimum na pamasahe ng piso dahil sa patuloy na epekto ng TRAIN at sa bawat pagtaas ng mga imperyalistang kartel sa mga produktong petrolyo.

Hindi maipagkaila ni Duterte na umaani ng paglaban at pagtuligsa sa loob at labas ng bansa ang kanyang kontra-mamamayang gera. Nauubusan na ng idadahilan ang panig ni Duterte kung bakit patuloy na dumarami ang bilang ng pinapatay ng kapulisan at kasundaluhan gayong wala namang nahuhuling malalaking druglords at patuloy ang pagpasok ng droga sa bansa. Ito na ang huling paraan niya upang maisalba ang sarili at maipagpatuloy ang pagiging papet sa imperyalistang US- ang lumikha ng kaguluhan upang bigyang daan ang pagsaklaw ng Batas Militar sa buong bansa.

Ngunit hindi palilinlang ang mamamayan. Kasama ng masang Bikolnon ang NDF-Bikol sa pagkundena sa rehimeng US-Duterte at sa AFP sa kanilang paglustay sa milyun-milyong pondo ng bansa para lang makapanatili sa poder. Mas mainam pang ilaan na lamang ang pondo sa mga serbisyong pampublikong mapakikinabangan ng mamamayan. Ilan lamang ang pag-apula sa presyo ng bilihin, pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, pagbibigay prayoridad sa agrikultura at pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa mga isyung dapat pinagtutuunan ng pansin ng gubyerno. Kung tunay ngang pagbabago at pag-unlad ng sambayanan ang nasa isip ni Duterte, hindi siya magsasayang ng panahon sa pagtugis at paglulubid ng mga kwento ng sabwatan laban sa lahat ng kanyang kritiko. Ang dapat pagkaabalahan ng rehimeng US-Duterte ay ang pagtugon sa kahirapan at kagutuman sa lipunan.

Walang katotohanan ang ipinapakalat ng AFP na mayroong sabwatan ang CPP-NPA-NDFP, Liberal Party, grupong Magdalo at iba pang kritiko ni Duterte. Lalo nang malayo sa reyalidad ang mga pahayag ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at 9th IDPA na ang mga taktikal na opensibang ilinulunsad ng BHB sa Kabikulan at sa ibang bahagi ng bansa ay paghahanda para sa planong ito. Ang totoo, ang mga taktikal na opensiba ng BHB ay ambag nito sa pagbabalikwas ng sambayanan laban sa terorista at inutil na rehimeng US-Duterte at hindi dahil sa kung anupamang gawa-gawang sabwatan. Ang mga aksyong militar na ilinulunsad ng pulang hukbo laban sa mga lehitimong target nito ay paniningil sa patung-patong na krimen ni Duterte at ng kanyang mersenaryong hukbo sa rehiyon. Nito lamang Setyembre, walang awang pinaslang ng mga elemento ng 83rd IBPA at 22nd IBPA sina Herminio Aragdon, 69 taong gulang at Soledad Aragdon, 60 taong gulang sa Brgy. Malabog sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur. Bahagi rin ba ng planong destabilisasyon ang dalawang matanda at walang labang sibilyang kanilang pinatay?

Habang nagsasayang ng pondo at oras ang reaksyunaryong gubyerno sa pagtugis sa mga kaagaw nito sa kapangyarihan, abala ang buong rebolusyonaryong kilusan sa patuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mamamayan upang matugunan ang kanilang mga suliranin. Sa mga sonang gerilya, patuloy na nagpapakahusay ang masa at kasama sa pagpapagana ng mga kooperatiba, grupong tulungan sa mga taniman at mga proyektong sosyoekonomiko. Tuluy-tuloy ang paglulunsad ng pulang hukbo ng mga pagsasanay medikal at misyong medikal upang mapahusay ang kalagayang pangkalusugan ng masa. Habang nagkakandarapa ang militar sa pagpatay ng mga sibilyan, patuloy na pinapanday ng rebolusyonaryong kilusan ang kakayahan ng masang pamunuan ang kanilang sarili.

Hindi maitatanggi ng rebolusyonaryong kilusan na dapat nga lamang mangatog ang tuhod ng rehimeng US-Duterte. Nalalapit na ang kanyang pagbagsak. Ngunit hindi ito dahil sa sabwatan ng kanyang mga kritiko at kapwa burukrata kapitalista. Ibubunsod ito ng malawak na sambayanang nagngangalit sa kanyang kainutilan at pasismo. Nagkakamali siya kung inaakala niyang masisindak ang mga tao habang hinahanda niya ang entablado ng kanyang diktadurya. Hindi siya magtatagumpay sa paggamit na mailusot ang Batas Militar. Malinaw sa mamamayang ang dapat pag-usapan ngayon ay ang krisis na hinaharap nila sa araw-araw. Malinaw sa kanilang ito ang panahon upang singilin at panagutin ang teroristang rehimeng wala nang ibang ginawa kundi mang-upat at lumikha ng kaguluhan. Sasambulat ang galit ng mamamayan sa napakalapit nang hinaharap sa maagang bahagi pa lamang ng panunungkulan ni Duterte. Hindi na niya magagawang mapalawig ito sa ilalim ng kanyang diktadurya at pro-imperyalistang Pederalismo. Bumabaling lamang sa higit na kahibangan ang rehimen sa paggamit ng Batas Militar upang makapanatili sa poder at sa paghahanda para rito sa pamamagitan ng Red October Plot. Naninindigan at nagtitiwala ang NDF-Bikol sa kakayahan ng masang Bikolnon at buong sambayanan na harapin nang buong tatag ang todo-largang gera at walang humpay na krisis na dala ni Duterte. Sa pagkakaisa ng mamamayan, kasabay ang hukbong buong-pusong naglilingkod sa kanila, tunay ngang mapula ang kinabukasan.

https://www.philippinerevolution.info/statement/red-october-plot-paghahanda-upang-isailalim-ang-buong-bansa-sa-batas-militar/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.