Wednesday, December 27, 2017

CPP/CPP-NCMR: Patuloy na sumulong sa gitna ng pakanang dudurugin ang rebolusyunaryong kilusan ng pasistang rehimeng US-Duterte!

CPP-North Central Mindanao Region propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 26): Patuloy na sumulong sa gitna ng pakanang dudurugin ang rebolusyunaryong kilusan ng pasistang rehimeng US-Duterte!

Ka Norcen Mangubat, Spokesperson
Regional Committee
CPP-North Central Mindanao

26 December 2017

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas – North Central Mindanao Region (PKP-NCMR) sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan para sa mga tagumpay na nakamit ngayong 2017 sa mabilis na pag-unlad ng rekrutment, pagpapalawak ng baseng masa, paglunsad ng iba’t-ibang kampanyang masa, at higit sa lahat ang higit pang pagsulong ng armadong pakikibaka sa rehiyon.

Sa loob ng isang taon, tumaas ng 17% ang bilang ng mga baryong kinilusan. Kasabay nito ang pagtaas din ng bilang ng miyembro na kabilang sa pangmasang organisasyon ng 21% mula sa dating bilang. Nadagdagan din ng 7% ang bilang ng mga milisyang bayan sa mga baryong kinikilusan. Patuloy ding sumusulong ang ligal-demokratikong kilusang masa sa kasyudaran sa harap sa batas militar at iba pang pasismo ng estado.

Nakapaglunsad din ng 22 na serye ng aksyong masa sa pagpatupad ng rebolusyong agraryo at iba pang mga laban para sa karapatan sa lupa, trabaho, at iba pa. Anim nito ang ginawa sa buong baryo, ang 14 ay sa loob ng iba’t-ibang pinagsanib na baryo, at ang dalawa ay pinatupad sa loob ng mga munisipalidad na naglingkod sa libu-libong pamilya. Habang naging aktibo rin ang ligal-demokratikong kilusang masa sa kasyudaran sa Lakbayan ng Pambansang Minorya sa pagpropaganda sa isyu ng mamamayang Lumad at Moro at sa Baktas BTL sa paggiit sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa.

Sa aspeto ng militar, matagumpay ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa NCMR na itaguyod ang tungkulin nitong lansagin ang pampulitikang kapangyarihan ng kaaway. Nitong buong taon, umabot sa 131 na opensibang militar, na nasa inisyatiba ng BHB, ang nailunsad sa rehiyon. Habang higit sampung aksyong depensiba naman ang natamo laban sa kaaway. Sa pagsuma, umabot sa 250 ang bilang ng mga kaswalidad ng kaaway, 141 ang killed-in-action (KIA) habang ang 109 ay wounded-in-action (WIA). Sa kabilang banda, 12 na BHB ay nag-alay ng kanilang buhay bilang mga pulang martir habang 15 naman ay nasugatan mula sa mga engkwentro. Nadagdagan ng 107 na rifles ang nasamsam mula sa mga matagumpay na aksyong militar ng BHB.

Sa ideolohiya, nakapaglunsad ng mga pag-aaral hinggil sa kurso sa partido sa gitna ng kaliwa’t-kanan na atake ng reaksyonaryong estado. Sa pagsuma, naglungsad ng 43 na serye ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) na nangangahulugan ng 49% ng buong Partido ang nakapagtapos ng pag-aaral. Pito na serye ng Intermedyang Kurso ng Partido (IKP) at dalawang serye ng Abanteng Kurso ng Partido (AKP) ay nilunsad din.

Sa takbo ng tagumpay at paghihirap, nalampasan ang pagrekluta ng mas maraming mga rebolusyonaryo galing mismo sa mga nasabing kilusan. Tumaas ng 9% ang personnel ng BHB kaysa sa nakaraang taon. Tumaas din ng 13% ang mga naging miyembro sa Partido.

Napatunayan ng ating Partido na hinog na ang rebolusyonaryong sitwasyon para sa paglungsad ng kampanyang masa laban sa pang-aagaw ng lupa sa magsasaka, kontraktwalisasyon, laban sa madugong gera-kontra-droga, laban sa terorismo ng estado, at ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng US-Duterte. Dahil ginagabayan ng Partido ang pagplano at ang rebolusyonaryong pagkilos, ang kilusan ay siguradong lalakas pa. Sa lalong pagpapabangis ng diktadurya ng rehimeng US-Duterte, ang mamamayan na handa na lumaban sa pang-aapi at pagsasamantala ay nagsisigurado ng pagtagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa paglaban sa diktadurya.

Mabuhay ang ika-49 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Ka Norsen Manggubat
Tagapagsalita
PKP-NCMR

https://www.philippinerevolution.info/statements/20171226-patuloy-na-sumulong-sa-gitna-ng-pakanang-dudurugin-ang-rebolusyunaryong-kilusan-ng-pasistan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.