Sunday, October 22, 2017

Militar sinisikap na tapusin ang Marawi siege

From the Mindanao Examiner (Oct 21): Militar sinisikap na tapusin ang Marawi siege

Sinisikap pa rin ngayon ng militar na tapusin na ang labanan sa Marawi City na pumasok na sa ika-anim na buwan ngayon araw, ngunit hirap pa rin ang mga sundalo na lipulin ang mga natitirang ISIS fighters, kabilang dito ang tinatayang 8 mga dayuhang jihadists.

Kabilang sa mga lumalaban ngayon ay pawang mga kaanak ng mga napaslang na ISIS militants. Patuloy naman ang paglapit ng mga tropa sa mga gusaling hawak pa rin ng mga jihadists. Sinugurado ng militar na hindi umano makakatakas ang mga militants dahil napapaligiran na umano ang mga taguan nila.

Ilang beses na rin nagbigay ng deadline si Western Mindanao Command chief General Carlito Galvez sa pagtatapos ng giyera, ngunit maraming beses na rin itong sumablay.

Ayon sa militar, umabot na sa 897 ISIS militants ang kanilang napatay mula pa noon Mayo 23 ng magsimula ang sagupaan, subali’t karamihan sa mga ito ay pawang naka-base lamang sa intelligence reports at hindi sa mga bilang ng bangkay na nabawi ng mga sundalo. Nasa 164 mga sundalo at 47 sibilyan ang napaslang rin, dagdag pa ng militar. Nabawi rin sa ibat-ibang lugar sa Marawi ang 850 mga armas na iginigiit ng mga opisyal eh pagaari ng ISIS.

Mahigit sa 200,000 residente ang nawalan ng tahanan at hanap-buhay dahil sa kaguluhan ng magtangka ang ISIS na gawin lalawigan nito ang Marawi na siyang kabisera ng Lanao del Sur sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na liberated ang Marawi matapos na mapaslang ng mga tropa kamakailan ang pinuno nitong si Isnilon Hapilon at commander na si Omar Maute at Malaysian jihadist Dr Mahmud Ahmad.

http://mindanaoexaminer.com/militar-sinisikap-na-tapusin-ang-marawi-siege/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.