Friday, June 2, 2017

CPP/NDF-Mindoro: Aerial bombing sa Marawi City, Martial Law ni Duterte—tunay na terorismo laban sa mamamayan, kundenahin!

NDF-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 2): Aerial bombing sa Marawi City, Martial Law ni Duterte—tunay na terorismo laban sa mamamayan, kundenahin!

Ka Maria Patricia Andal
Spokesperson
NDFP Mindoro

2 June 2017

Mariing kinukundena ng rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro ang walang habas na pagbobomba ng Armed Forces of the Philippines sa Marawi City na nagdudulot ng walang katumbas na pang-aapi at kahirapan sa ating mga kapatid na Moro, at iba pang mamamayan sa Mindanao.

Nailalantad mismo ng AFP ang sarili nitong kahibangan sa pinakahuling pagkakapaslang ng 11 nilang tropa at pagkasugat ng ilang iba pa dahil sa miskalkuladong pagbagsak ng bombang nagmula sa kanilang aircraft.

Sa katunayan, hindi na mabilang ang mga sibilyang napapaslang at nasusugatan dahil sa aerial bombing at iba pang anyo ng paglapastangan ng mga sundalo sa karapatang tao mula pa noong unang araw ng Martial Law sa Mindanao. Pilit na ikinukubli ng mga opisyal na ulat ng AFP-PNP ang mga kaswalting ito. O kaya naman, ibinibintang nila ang mga ito sa bandidong grupo.

Ang aerial bombing, ang strafing, ang maraming anyo ng pang-aabusong militar sa Marawi City na dulot ng Martial Law ni GRP President Rodrigo Duterte ang tunay na terorismo laban sa mamamayan.

Kinukundena rin ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro ang paghahasik ng lagim ng bandidong grupong tinaguriang “Maute group”. Hindi natin kailanman kinukunsinti o pinahihintulutan ang paglapastangan sa mamamayan upang isulong ang kanilang pampulitika o pang-ideolohiyang adhikain.

Ngunit sa halip na mawakasan ang paghahasik ng lagim na ito ng mga bandidong grupo, prinoklama ni Duterte ang Martial Law na nagpapasidhi ng kaguluhan sa Mindanao.

Sa Mindoro, isang de facto Martial Law ang umiiral mula nang ideklara ni Duterte ang all-out war laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga inosenteng sibilyan ang silang labis na inaatake ng mga berdugong militar sa paniniwalang masusugpo umano nila ang armadong pakikibaka ng mamamayan kung maghahasik sila ng takot sa kanilang hanay.

Tampok rito ang kaliwa’t kanang paglapastangan sa karapatang tao sa serye ng mga todo-todong operasyong militar noong Pebrero hanggang Mayo: pagdukot at pagpaslang sa isang sibilyan sa Bgy. Pinagturilan, Sta. Cruz, Occidental Mindoro noong Peb. 4-5; todo-todong operasyong kombat sa Victoria, Oriental Mindoro noong Pebrero na nagdulot ng sapilitang paglikas ng 43 pamilyang katutubong Mangyan-Tadyawan; aerial bombing sa Bulalacao, Oriental Mindoro noong Marso 30 na malubhang nakaapekto sa humigit-kumulang 250 pamilya ng mga katutubong Mangyan-Hanunuo;
todo-todong operasyong militar sa Bgy. Barahan, Sta. Cruz noong Mayo 8; at ang pinakahuli ay ang pagpaslang sa isang sibilyan na si Mario Versosa sa So. FF Cruz, Bgy. Cambunang, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Mayo 21.

Dapat salubungin ng dumadagundong na protesta ang pakanang Martial Law ni Duterte. Singilin siya sa pangako niyang pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan. Dapat na itulak ito na humarap sa peace talks sa NDFP at kagyat nang pag-usapan ang substantibong adyenda para sa sosyo-ekonomikong reporma.

Nagiging karagdagang ang Martial Law ni Duterte sa arsenal ng dahilan ng rebolusyonaryong kilusan upang mapukaw, maorganisa at mapakilos ang mamamayan para palakasin ang armadong rebolusyon.

Sa nayon at sentrong urban ng Mindoro, dapat na masinsing ipatupad ang pakikidigma laban sa AFP-PNP upang parusahan sila sa kanilang krimen sa mamamayan. Pabukadkarin ang mga rebolusyong agraryo sa buong isla. Padagundungin ang pakikibakang masa ng mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, katutubo, sektor ng transportasyon, kababaihan, kabataan at estudyante at iba pang aping sektor sa mga sentrong pampulitika sa kabayanan. Palakihin ng ilang ulit ang ilampung libong baseng masa ng rebolusyon sa isla ng Mindoro.

Sa tumitinding terorismo ng estado, hinog ang mga kalagayan upang mag-ambag ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa pagtataas ng antas ng digma sa buong kapuluan.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.