Wednesday, April 19, 2017

Proyektong tulay ng PAMANA-OPAPP, pinasinayaan sa Basud, Camarines Norte

From the Philippine Information Agency (Apr 19): Proyektong tulay ng PAMANA-OPAPP, pinasinayaan sa Basud, Camarines Norte

Pinasinayaan ang tulay ng barangay Caayunan sa bayan ng Basud sa isinagawang ribbon cutting and turn-over of Caayunan Bridge Project cum Multi-Services and Peace Caravan kamakailan dito.
 
Pinangunahan ito ni Asst. Secretary Rolando B. Asuncion ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) kasama sina Gobernador Edgardo A. Tallado, Board Member Jay Pimentel ng Sangguniang Panlalawigan, Mayor Adrian Davoco ng bayan ng Basud, Provincial Administrator Alvin Tallado, Provincial Health Officer Dr. Arnulfo Salagoste, Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP) at mga opisyal ng barangay.
 
Ito ay proyekto ng PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte.

Ayon kay Asst. Secretary Rolando B. Asuncion ng OPAPP, ang PAMANA ay programa ng OPAPP ay hindi lang layunin na paangatin ang kabuhayan ng mga mamamayan sa komunidad kundi kasabay ng pag-angat ng mga kabuhayan ay ang pagsusulong natin ng kapayapaan.

Aniya, habang ginagawa ang mga proyekto ay nararamdaman natin ang kahalagahan na dapat na maayos at mapayapa ang ating mga komunidad, at kung patuloy ang pag-aaway at hindi magtutuloy-tuloy ang kaunlaran.

Ayon pa kay Asuncion na kailangan rin na mayroong kapayapaan sa sarili at sa pamilya ganundin ang komunidad ay mayroong pagkakataon na ilabas kung ano ang kanilang kalagayan at dapat na nagkakaisa at nagtutulungan.

Dagdag pa niya na hangad ng PAMANA ang kaunlaran para sa mga komunidad at isang mataas na antas sa pagsusulong ng kapayapaan at mapalakas ang kakayahan ng mga barangay, lokal na pamahalaan at lalawigan na magawa nila ng maayos ang kanilang mga gawain.

Ang OPAPP ay may hangarin na makamit na makita ang isang mapayapang komunidad na may kakayahan na sabihin na ayaw na ng karahasan o kaguluhan at nais ng mapayapang buhay ayon pa rin kay Asuncion.

Ayon kay Gobernador Tallado, ang ilang mga kalsada sa mga barangay ng bayan ng Basud ay madali na ring mapapakonkreto sa tulong ng OPAPP at may nakalaan na proyekto para dito na may pondong P53 milyon at madali na rin itong umpisan.

Sa pahayag naman ni Mayor Davoco, ang bagong tulay ng Caayunan ay matagal ng hinahangad na magkaroon nito dahil kapag umuulan ay hindi sila makadaan dahil sa taas ng tubig at magbibigay rin itong oportunidad sa mga mag-aaral na makapunta sa paaralan kahit tag-ulan dahil hindi na nila mararanasan ang pagbaha.

Sinabi rin ni Barangay Kagawad Orlando Garido, noong panahon na wala pa silang tulay ay nahihirapan ang kanilang mga estudyante na nasa sekondarya dahil kapag dumating ang panahon ng tag-ulan ay hindi sila nakakapunta sa paaralan dahil sa baha ganundin ang mga sasakyan ay hindi na rin nakakatawid at maayos na rin s ngayon ang kanilang kalsada dahil sa proyektong farm-to-market road.

Sa panayam kay Janet Raro, punong-guro ng Caayunan Elementary School na napakaimportante ang ibinigay ng OPAPP sa barangay lalo na sa mga guro dahil mula pa sa ibang lugar ang mga nagtuturo sa paaralan dito at malaking tulong ito sa kanilang pagbibiyahe tuwing pupunta sa paaralan.

Dagdag pa niya na ligtas na makakarating ang mga estudyante sa paaralan hanggang sa pag-uwi, katulad ng dati ay inaabutan sila sa loob ng klase at hindi rin nakakapasok dulot ng baha at malaking obligasyon rin ito sa mga guro dahil hindi makakauwi ang mga mag-aaral kung hindi sila susunduin ng kanilang mga magulang.

Ayon kay Henry Rada, 56 taong gulang, may asawa at siyam na anak at Jeanette Abierta, 52 taong gulang, may asawa at apat na anak na kapwa magsasaka ng niyog at pinya na maayos na silang nakakatawid at malaking tulong ito dahil madali na nilang nailalabas ang kanilang mga produkto.

Ang mag-aaral na si kay Jimboy Abo na nasa ika-anim na baitang ng naturang paaralan na nagsasabi na hindi na siya mahihirapan at ang kanyang mga kamag-aral at kaibigan dahil maayos silang makakatawid kahit pa panahon ng tag-ulan.

Samantala, kaalinsabay rin nito ang peace education ng OPAPP kung saan ang mga bata ay iminulat sa konsepto ng kapayapaan at ang mga ina naman sa karapatan ng mga kababaihan at ang mapayapang komunidad.

Matapos ang pagpapasinaya ay isinagawa ang Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan na nagbigay serbisyo sa pamamagitan ng libreng medikal at dental, libreng gupit, cosmetology, pamimigay ng salamin sa mata, pamamahagi ng mga bitamina at gamot ganundin ang iba pang serbisyo ng caravan.

Ang naturang tulay ay may sukat na 4x40 metro kuwadro na may pondong P20 milyon mula sa OPAPP-PAMANA sa ilalim ng proyektong Construction of Concrete Bridge ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

http://news.pia.gov.ph/article/view/881492483155/proyektong-tulay-ng-pamana-opapp-pinasinayaan-sa-basud-camarines-norte

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.