Friday, January 13, 2017

CPP/NPA: MGC-NPA: dapat nang ibigay ang Coco Levy Funds sa mga magsasaka

New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 14): MGC-NPA: dapat nang ibigay ang Coco Levy Funds sa mga magsasaka (MGC-NPA should give the Coco Levy Funds to farmers)

Jaime “Ka Diego” Padilla
Tagapagsalita
Melito Glor Command
NPA-Southern Tagalog

14 January 2017
           
Magandang bagay na ipapamahagi na ang nabalam na Coco Levy Funds sa mga magniniyog. Matagal na itong hinihiling ng mga magniniyog mula nang ipataw ito ng diktador na si Ferdinand Marcos upang pakinabangan at huthutan ng pamilya Marcos ang hirap at pagod ng mga magniniyog.
Bilang pagtupad sa kanyang pangako, aantabayanan ng rebolusyonaryong kilusan ang seryosong pagtugon ng gobyernong Duterte sa pamamahagi ng naturang pondo sa mga maglulukad.

Subalit, pinakamaganda kung ipapaubaya na ng gobyernong Duterte sa mga magsasaka ang pamamahala sa Coco Levy Funds. Hindi maaaring isagubyerno o isapribado ito dahil kolektibo itong pinaghirapan ng mga maglulukad kung kaya’t lehitimo ang karapatan nila rito. Dapat kilalanin ng gobyerno ang kakayanan ang mga magsasaka na mamahala ng kanilang pinansya at kooperatiba na tunay na maglilingkod sa kanilang interes.

Malaki ring kaalwanan ito sa mga maglulukad matapos ang sunud-sunod na taong pagkakasalanta ng bagyong Glenda, Lawin at nitong nagdaan, ang bagyong Nina. Mayor na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo ang mga coconut-producing regions. Sa Timog Katagalugan pa lamang, milyun-milyong puno ng niyog ang nakatanim at nilulukad na, 600,000 nito ay nasa Quezon.

Kailangan ring maayos na matukoy ang tamang halagang marapat na mapapunta sa mga maglulukad. Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), P75.4 bilyon na ang inabot ng naturang pondo, subalit nakaltas na rito ang daang bilyong halagang ninakaw na ng pamilya Cojuangco. Umabot na sa P246 bilyon ang totoong halaga nito ayon sa daang libong maglulukad.
Dapat papanagutin ng administrasyong Duterte si Eduardo “Danding” Cojuanco sa pagnanakaw ng Coco Levy Funds na ipinuhunan sa mga negosyo ng San Miguel Corporations, mga kumpanya ng pagmimina tulad ng VIL Mining Company na pumerwisyo sa mga niyugan sa hangganang Quezon-Bicol at pagbili ng ilang mga pribadong ari-arian. Habang nananatiling nagtitiyaga sa P20 kita kada araw ang pamilya ng mga magniniyog.

Kung maipapatupad ito ni GRP President Rodrigo Duterte, ikauusad ito ng kabuhayan ng maglulukad at makakamit nila ang apat na dekadang karapatang ipinagkait sa kanila. Susi ang pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka, sa pagkakamit ng isang tunay, pangmatagalan at makatarungang kapayapaan.

Sa kabilang banda, nakasalalay sa kamay ng mga magniniyog ang pagsasakatuparan ng kanilang mga mithiin. Buong diwang susuportahan sila ng Melito Glor Command na makamit ito.#

https://www.philippinerevolution.info/statements/91/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.