New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 13): Hindi dapat isabalikat ng mamamayan ang gastusin ng gobyerno
Jaime “Ka Diego” Padilla
Tagapagsalita
Melito Glor Command
NPA-Southern Tagalog
13 January 2017
Sa napipintong maintenance shutdown ng Malampaya natural gas fields sa Palawan mula Ene. 28 – Peb. 16, maling ipapasan sa balikat ng mamamayan ang mga gastusin ng gobyerno sa pagsasaayos ng maintainance nito.
Hindi dapat pagbayarin ang mamamayan sa anumang kakulangan ng reaksyunaryong gobyerno sa bawat serbisyong panlipunang tungkulin nilang ibigay.
Sapilitang naipapataw ang dagdag singil sa kuryente at langis sa mamamayang Pilipino dahil sa pagpasok ng reaksyunaryong gobyerno sa mga neo-liberal na polisiyang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon na pawang mga patakrarang anti-mamamayan at pro-imperyalista.
Anti-mamamayang kalakarang pumapatay sa kabuhayan
Malinaw na hindi maglilingkod sa interes ng sambayanang Pilipino ang mga neoliberal na patakarang minana ng kasalukuyang rehimen sa mga nagdaang rehimeng nagpakatuta sa Imperyalismong US.
Pinatataas nito ang singil sa mga serbisyong panlipunang dapat ibinibigay ng libre ng reaksyunaryong gobyerno. Dahil pribadong pagmamay-ari ng mga dayuhan ang kumpanya, lalo iyong mga nagbibigay ng mga serbisyong panlipunan sa bansa, hindi kontrolado ng administrasyon ang anumang mga dagdag-singil na hihingin nito.
Pinatutustos nito sa mamamayan ang mga pagsasaayos ng mga pasilidad sa anyo ng mga buwis sa mamamayan na matagal nang bahagi sa mga inaambag nilang lakas-paggawa sa araw-araw nilang paghahanap-buhay.
Sinisira nito ang kabuhayan ng mga mamamayan. Sa Timog Katagalugan pa lamang, kaliwa’t kanang demolisyon ang kinaharap ng mga maralita sa bawat itinatayong mga imprastraktura tulad ng mga coal-fired power plants, dam sa Laguna, Cavite, Batangas, Quezon, Mindoro at Palawan na magsisilbing daluyan ng enerhiyang magmumula sa Malampaya. Inaagawan ng lupang pagtatamnan ang mga magsasaka sa buong Timog Katagalugan sa pamamagitan ng Land Use Conversion kung kaya’t nananatiling pito sa sampung magsasaka dito ang walang sariling lupa at tatlo sa apat na magsasaka ang napipilitang magbenta ng kanilang lakas-paggawa dahil sa kawalan ng sariling lupang masasaka. Inaagawan nito ang mga mangingisda ng kanilang pook-pangisdaan kung saan itinayo ang mga tubo.
Pro-imperyalistang kalakarang nakakasira sa kalikasan, kaunlaran
Hindi lingid sa ating kaalamang itinabing sa kaunlaran ng Malampaya natural gas fields ang pagkawasak sa ating kalikasan. Bukod pa ito sa mga itinatayong mga dam at coal-fired power plants na pansuporta sa daluyan ng enerhiya nito.
Nanganganib ang ating karagatan dahil sa mga tubong itinayo sa ilalim ng Malampaya. Isa itong deklaradong protected area na pinayagan ng reaksyunaryong gobyerno noong Rehimeng US-Macapagal-Arroyo na mamina. Ikinatatakot ng mamamayan ang panganib na guguho ang lupa dahil sa ilalim ng lupa nagaganap ang pagmimina.
Malaking bahagi ng mga imperyalistang kumpanya ang nakikinabang rito tulad ng Shell (Royal Dutch) na maging ang royalties nito ay napupunta sa kanila habang maiiwang tagibang ang kalikasan ng bansa at ninakawan ng kaunlaran ang sambayanang Pilipinong maiiwanan nito kapag buung-buong nagatasan na nila ng yamang-mineral ito.
Kung kaya’t malaking kahungkagang isabalikat pa ng mamamayang Pilipino ang mga gastusin sa pasilidad nito. Lalong ginigisa nito sa sariling mantika ang buong sambayanan. Malaking bagay kung tutuparin ng gobyernong Duterte ang pangako nitong iwaksi ang mga neoliberal na polisiya nito, kabaliktaran sa ipinupursige nito ngayon.
Kung tunay na makamamamayan si GRP President Rodrigo Duterte, hinahamon namin siyang iwaksi na ang mga mapang-aliping neoliberal na polisiyang ipinataw sa atin ng Imperyalistang US at ng mga nagdaang administrasyon.
Inaasahan ng mamamayan ng Timog Katagalugan na papakinggan ang kanilang tinig at mga hinaing na siya ring laman at iginigiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER). Ang problema sa Malampaya ay isa sa maraming mga hinaing ng mamamayan sa Timog Katagalugan na marapat na bigyang kalutasan alinsunod sa CASER.
https://www.philippinerevolution.info/statements/90/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.