Ang Bayan editorial posted to the Communist Party of the Philippines Website (Nov 21): Mga hakbanging paurong ni Duterte
Sa nagdaang mga araw, paatras nang paatras ang mga hakbangin at pahayag ni President Duterte ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), partikular na kaugnay ng ipinangangalandakan niyang nagsasariling patakarang panlabas.
Sa halip na mga kongkretong hakbanging pasulong sa landas ng pambansang kalayaan, mga hakbanging paurong ang kanyang isinagawa. Bunga nito, lumalakas ang pag-aalinlangan ng bayan kung kaya nga bang pangatawanan ni Duterte ang mga binitiwan niyang deklarasyong patriyotiko.
Sinimulan ni Duterte na itanghal ang bandila ng nagsasariling patakarang panlabas nitong kalagitnaan ng Setyembre. Binatikos niya ang pakikialam ng US at nagbalik-tanaw sa kasaysayan ng pananakop at brutalidad nito. Pinakamatindi ang pagbatikos niya sa pakikialam ng gubyernong US sa pamamagitan ng paggigiit ng usapin ng karapatang-tao kaugnay ng malawakang mga pagpatay sa takbo ng kanyang “gera laban sa droga.”
Sinundan pa ito ni Duterte ng mga deklarasyon tulad ng “dapat nang umalis” ang mga tropang Amerikano sa Mindanao, na “wala nang magaganap na war exercises” ang US sa Pilipinas matapos ang Phiblex at na posibleng mabasura na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa loob ng dalawang taon. Sa pagbisita ni Duterte sa China, idineklara niyang “hihiwalay na ako sa US” sa usaping militar at ekonomya.
Pinaasa ni Duterte ang mamamayan na ipatutupad niya ang mga hakbanging magtataguyod sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas. Hinintay ng sambayanang Pilipino na pangatawanan niya ang kanyang mga salita at ipatupad ang malalaking pagbabago para tapusin na ang presensya ng militar ng US sa Pilipinas, ang panghihimasok nito sa panloob na usapin sa bansa at ang paggamit sa bansa bilang lunsaran ng mga gerang panghihimasok laban sa ibang bansa.
Subalit sa loob lamang ng ilang araw, sunud-sunod namang binawi ni Duterte ang kanyang mga deklarasyon kaugnay dito. Pinakamalaki sa kanyang mga hakbang paurong ay ang pagbibigay ng pahintulot na ituloy ang Balikatan exercises, ang taunang malaking ehersisyong militar na kinasasangkutan ng libu-libong mga tropa ng US kasama ang AFP.
Kamakailan, muling pinahintulutan ni Duterte ang militar ng US na isagawa ang isa na namang pinagsanib na pagsasanay militar kasama ang AFP. Nakatakdang magtagal ng isang buwan (Nobyembre 14 hanggang Disyembre 14) ang Balance Piston Exercises sa Palawan na kinasasangkutan ng hindi tukoy na bilang ng mga sundalong Amerikano.
Nais ni Duterte na gawin itong katanggap-tanggap sa pag-uulit ng sinasabi ng US na ang mga ito ay itutuon sa mga pagsasanay sa mga operasyong “humanitarian” at “tulong sa panahon ng sakuna.” Ang gayong mga katawagan o paglalarawan ay pantabing ng US sa panghihimasok militar nito sa Pilipinas at iba’t ibang bansa. Nagpapakat ito ng mga “pansagip” at iba pang kagamitang pangkaligtasan upang gawing katanggap-tanggap ang pagmamantine ng mga base at iba pang pasilidad militar ng US, gayundin ng mga gamit-militar.
Ang pagbabagong-isip ni Duterte na pahintulutan ang pagpapatuloy ng pagpasok sa bansa ng mga tropang Amerikano para sa mga ehersisyong militar ay sinasabing pagsang-ayon diumano niya sa mga rekomendasyon ng Department of National Defense. Ang DND ay pinamumunuan ng kalihim nitong si Delfin Lorenzana, na mula’t sapul ay tagapagtanggol ng pananatili ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas.
Sa pangunguna ni Lorenzana at mga tauhang maka-US sa gabinete, itinulak ang pagpapawalang-saysay ng lahat ng binitiwang salita ni Duterte laban sa presensya at pakikialam ng militar ng US sa Pilipinas.
Hanggang ngayon, nananatili pa rin sa Camp Navarro sa Zamboanga City ang humigit-kumulang 100 sundalong Amerikano sa ilalim ng US Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) na sangkot sa madugong operasyon sa Mamasapano noong Enero 2015. Wala pang nangyayari sa sinabi noon ni Duterte na dapat nang “umalis” ang JSOTF-P. Wala ring nangyari sa banta niyang muling bubuksan ang imbestigasyon sa Mamasapano upang halungkatin ang papel rito ng mga upisyal ng US.
Sa pagkapanalo ng ultra-Kanang si Donald Trump bilang bagong presidente ng US nitong Nobyembre 8, sinambit ni Duterte na ang US at Pilipinas ay mananatiling “magkaibigan at magkaalyado” at igagalang niya ang lahat ng kasunduang pinirmahan sa US. Sa ganitong pagbabago ng tono ni Duterte, mistula niyang itinali sa personal niyang pakikitungo sa presidente ng US ang patakarang panlabas ng Pilipinas.
Dapat alalahanin ni Duterte na ang tunay at pantay na pakikipagkaibigan sa US ay hindi makakamit sa pamamagitan lamang ng kanyang salita. Hindi magiging tunay na kaibigan ang imperyalismong US hangga’t nakatali ang Pilipinas sa mga tagibang na kasunduang militar na nagbibigay-daan sa pagtatayo ng mga baseng militar, malayang naglalabas-masok ang mga sundalong Amerikano sa soberanong teritoryo ng bansa at nakikialam sa mga panloob na usapin nito.
Lalong hindi maituturing na tunay na kaibigan ang US hangga’t pinaiiral ang mga neoliberal na patakaran sa ekonomya na pumapabor sa mga dayuhang malalaking kapitalista at sa di-pantay na kalakalan ng Pilipinas sa imperyalismong US at iba pang malalaking bansang kapitalista.
Dapat payuhan ng sambayanang Pilipino si Duterte na pangatawanan ang kanyang mga salita at isagawa ang mga kongkretong hakbangin para ibasura ang EDCA, Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty, lansagin ang lahat ng mga base at pasilidad ng US tulad ng himpilan ng JSOTF-P at wakasan ang paglalabas-masok ng mga sundalong Amerikano, mga barko at eroplanong pandigma at paglulunsad sa Pilipinas ng mga ehersisyong militar.
Kung sa halip na tuparin ang mga hakbanging ito ay magpapatuloy si Duterte sa mga hakbanging paurong, lalabas na hungkag ang mga deklarasyon niya para sa nagsasariling patakarang panlabas.
Labis na ikadidismaya ito ng sambayanang Pilipino. Kung patuloy na tatanggi si Duterte na pangatawanan ang kanyang mga patriyotikong deklarasyon at hindi didinggin ang demokratikong mga hinaing ng bayan, mauunsyami ang pakikipag-alyansa niya sa mga patriyotiko at demokratikong pwersa ng sambayanang Pilipino. Kung magkagayon, tiyak na magpapatuloy at lalamunin lamang siya ng dati nang kaayusang neokolonyal at walang magbabago sa kalagayan ng sambayanang Pilipino.
For a full copy of the November 21, 2016 edition of Ang Bayan go to the following URL:
https://docs.google.com/viewerng/viewer?url=https://www.cpp.ph/wp-content/uploads/2016/11/20161121pi.pdf&hl=en_US
https://www.cpp.ph/mga-hakbanging-paurong-ni-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.