Wednesday, May 18, 2016

36 troop carrier, 4 military ambulance dagdag pwersa sa mga kasundaluhan ng 7ID

From the Philippine Information Agency (May 18): 36 troop carrier, 4 military ambulance dagdag pwersa sa mga kasundaluhan ng 7ID

FORT RAMON MAGSAYSAY, Nueva Ecija -- Nasa 36 na mga bagong troop carrier at apat na yunit na military ambulance ang tinanggap ng Army 7th Infantry Division o 7ID bilang karagdagang pwersa sa pagbabantay ng kapayapaan.

Ayon kay 7ID Commander Major General Angelito De Leon, ito ay bahagi pa din sa isinusulong na Modernization Program at Transformation Roadmap ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Maliban sa mga makabagong sasakyan ay nauna na ding natanggap ng mga yunit ng Hukbong Katihan ang mga kagamitang pandigma gaya ng R4 na mas makabago kumapara sa dating ginagamit na M16 rifle.

Dagdag pa ni De Leon, hindi lamang Army ang nakikinabang sa programang modernisasyon ng pamahalaan kundi maging ang mga kasamahan sa Navy at Air Force.

Kagaya aniya ang pagdating sa bansa ng kauna-unahang strategic vessel ng Navy na maaaring gawing alternate command at control vessel gayundin ang dalawang FA 50 Lead-in Fighter Jets ng Air Force.

Ang mga bagay na ito ay patunay na ang pamahalaan at ang liderato ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay pinahahalagahan at pinangangalagaan ang mga kasundaluhan.

Malaking bahagi aniya ang mga kagamitang ito sa combat operation ng bawat yunit na nasasakupan pati na ang pagtulong sa mga nangangailangan lalo sa panahon ng kalamidad at tuwing may emergency.

Kaya’t ang naging paalala sa mga kabaro ay pakaingatan at ayusin ang paggamit nito, akuin ang pagmamayari upang mapakinabangan ng mahabang panahon.

Ngunit ang pinakamahalaga aniya ay magsimula ang modernisasyon o pagbabago sa sarili sa pagiging makabagong sundalo tungo sa inaaasam at maipagmamalaking world class Philippine Army.

http://news.pia.gov.ph/article/view/1961463568516/36-troop-carrier-4-military-ambulance-dagdag-pwersa-sa-mga-kasundaluhan-ng-7id

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.