Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
November 28, 2015
Bilang Tagapangulo, malugod na ipinapaabot ko ang pakikiisa ng International League of Peoples’ Struggle sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukidsa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) sa okasyon ng inyong Ikapitong Kongreso. Marapat na ipagbunyi at konsolidahin ang mga tagumpay! Ibayong paigtingin ang militanteng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang demokrasya!
Napanatili ninyong pinakamalawak na pambansa demokratikong organisasyon ang KASAMA-TK. Masagana ang ani ninyo ng mga tagumpay magmula pa ng Ikaanim na Kongreso noong Nobyembre 23, 2005. Napapangibabawan ninyo ang dalawang rehimeng kontra-magsasaka at berdugo, ang rehimeng US-Arroyo na naglunsad ng Oplan Bantay Laya at US-Aquino na naglulunsad ng Oplan Bayanihan.
Naisakatuparan ninyo ang inyong pangunahing layunin na ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at mga karapatan ng magsasaka sa gitna ng papatinding pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pananalasa ng imperyalismo sa agrikultura, at mga salakay ng pasismo, laluna na ang militarisasyon sa kanayunan.
Ang mga tagumpay na nakamit ninyo sa rehiyon ay bunga ng hindi matatawarang pakikibaka para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga demokratikong karapatan at interes ng uring magbubukid at ng sambayanan. Itinayo ninyo ang kilusang magsasaka para isulong ang reporma sa lupa at baguhin ang lugmok na kalagayan ng masang magsasaka sa balangkas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Ang paglutas ng problema sa lupa ay pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon ng sambayanan.. Sa tatlong dekada magmula itayo ang KASAMA-TK, nagsilbi itong ilaw ng pag-asa at mitsa ng pagbabago sa kanayunan at sa buong rehiyon. Walang lubay na isinusulong ang interes ng magsasaka at ng mamamayan. Ang militanteng katangian ng pakikibaka ng KASAMA-TK ang nagpalakas sa organisasyon para kamtin ang mga makabuluhang tagumpay. Nakapagpalawak at nakapagkonsolida kayo sa iba’t ibang saklaw.
Ang mga tagumpay ninyo sa kilusang masa ng mga magbubukid ay bunga ng mga pangrehiyong koordinadong kampanya at pamumuno sa mga lokal na pakikibakang masa ng mga balangay ng KASAMA-TK. Umani kayo ng suporta mula sa iba’t ibang sektor, nakapagbuo ng mga alyansa hindi na lang sa usapin ng mga magsasaka kundi maging sa mga isyung pambansa.
Bigo ang rehimeng US-Aquino at ang mga naunang rehimen na durugin ang inyong organisasyon. Maliwanag na tinutulan ninyo at militanteng nilabanan ang mga kontra-magsasakang patakaran at programa ng gobyerno. Matagumpay na hinadlangan ninyo ang pagpapalawig sa ikatlong pagkakataon ng anti-magsasakang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) habang tuluy-tuloy ninyong itinutulak ang panukalang batas na Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) bilang malinaw na alternatibo at solusyon sa kawalan ng lupa. Masigasig din ninyong nilabanan ang panukalang Charter Change (Cha-cha) na magpapalala sa pangangamkam ng lupa sa kanayunan.
Dahil sa inabot na lakas ng ilang mga balangay ng KASAMA-TK ay mapangahas nang naipapatupad ninyo ang tunay na reporma sa lupa. Patunay dito ang mga okupasyon ng lupa na may maunlad na kolektibong pagsasaka sa pangunguna ng inyong mga lokal na balangay. Patuloy ninyong nailalantad at nalalabanan ang mga salakay ng pasismo sa mga magbubukid. Ang malalaking ambag ninyo sa mga kilusang talsik at pagtataguyod ng pagbabagong panlipunan ay nakaukit na sa kasaysayan.
Mayaman sa mga aral ang mahabang karanasan ng KASAMA-TK. Patunay ang pananatili ng lakas ng organisasyon na kaya nitong pangibabawan ang mga panloob na kahinaan at harapin ang mga salakay ng kaaway. Batay sa karanasan at lakas na inabot ninyo, kayang-kaya ninyong harapin at tugunan ang mga hamon.
Nananatili at tumitindi ang suliranin sa kawalan ng lupa, kagutuman, at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Lalong lumubha ang krisis sa ekonomya at pulitika ng lipunang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng patakarang neoliberal. Ipinapasa ang pasanin ng krisis sa mga magsasaka at mamamayan sa kanayunan. Tumitindi pa ang monopolyo at kontrol sa malalawak na lupain at asyenda ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at ng mga lokal at dayuhang agro-korporasyon. Mabisa ninyong nahuhubaran at nailalantad ang mga pagpapanggap ng kontra-magsasakang rehimeng US-Aquino at naihihiwalay ito.
Higit kailanman, dapat ninyong isulong ang pakikibaka at tuparin ang mga tungkulin ng KASAMA-TK. Lalong isakatuparan ang pangunahing layunin ng kilusang magbubukid na kamtin ang tunay na repormang agraryo, ang pagbuwag sa monopolyo sa lupa, at pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal na masang magsasaka. Ang problema ng pyudal at mapalyudal na pagsasamantala ay hindi malulutas kung wala ang pampulitikang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan, demokratikong lakas ng anakpawis at industriyal na pag-unlad na kaakibat ng reporma sa lupa.
Dapat matatag at militante ninyong itaas ang pambansa demokratikong kamalayan ng masang magbubukid, at tuluy-tuloy na ilunsad ang mga anti-pyudal na pakikibaka na mahigpit na nakakawing sa anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Karapat-dapat na pundasyon ng pambansang kasarinlan at demokrasya ang alyansa ng mga magsasaka at uring manggagawa.
Nakikiisa at sinusuportahan namin ang inyong layunin na gawing paraan ang ika-7 Kongreso ng KASAMA-TK para sa ibayong konsolidasyon ng pangrehiyong organisasyon ng mga magbubukid, pagtatampok ng mga lokal na pakikibakang masa at mga tagumpay na bunga ng sama-samang pagkilos, pagbibigay-pugay sa mga martir at bayani ng organisasyon, at higit pang pahigpitin ang pagkakaisa ng masang anakpawis kasama ng iba’t ibang sektor.
Mabuhay ang KASAMA-TK!
Isulong ang kilusang magbubukid at tunay na reporma sa lupa!
Mabuhay ang pambansa demokratikong kilusan ng sambayanang Pilipino!
http://josemariasison.org/pakikiisa-sa-katipunan-ng-mga-samahang-magbubukid-sa-timog-kartagalugan-kasama-tk-sa-ikapitong-kongreso-nito/
It would appear that there is little doubt that the Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK-Confederation of Peasant Organizations in Southern Tagalog) is a Communist Party of the Philippines (CPP) peasant front. The founder and chief ideologue of the CPP, Jose Maria Sison sends his greetings and congratulations to the KASAMA-TK on the occasion of the group's seventh congress.
ReplyDeleteKASAMA-TK is a regional chapter of the Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP-Peasant Movement of the Philippines), the main CPP umbrella peasant front organization in the Philippines. The KMP, in turn, is a charter member of the Bagaong Alyansang Makabayan (BAYAN-New Patriotic Alliance) the main CPP multisectoral umbrella front group with chapters active throughout the country.