Thursday, October 16, 2014

CPP/NDF/KM:Ibayong palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng magbubukid at kabataan!

NDF/KM propaganda statement posted to the CPP Website (Oct 16): Ibayong palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng magbubukid at kabataan!
Logo.km
Rizalina Bonifacio (Ka Iza)
Spokesperson
KM Laguna Chapter (Kabataang Makabayan - Laguna)
 
Nakikiisa ang Kabataang Makabayan (KM) sa malawakang pagkilos ng mamamayan sa okasyon ng Linggo ng Magbubukid. Kasabay nito, salubungin at ipagdiwang natin ang ika-50 taong anibersaryo ng pagtatatag ng KM at ang ginintuang kasaysayan ng kabataan bilang tunay na pag-asa ng ating bayan.

Bukod sa tagapagmana ng kinabukasan, ang kabataan ay tagapagpatuloy ng rebolusyon. Ayon sa dakilang Mao, ang kabataan ay rebolusyonaryo kapag “siya’y kusang sumasanib sa malawak na masa ng magsasaka’t manggagawa at ginagawa ito sa praktika”.

Mula Nobyembre 30, 1964, itinayo ang KM sa hanay ng magsasaka, mangingisda, manggagawa, maralita, out-of-school youth, estudyante’t propesyunal sa buong kapuluan. Inspirasyon nito ang Katipunan at limampung taong karanasan sa puspusang pagmumulat, pagoorganisa at pagpapakilos sa mamamayan para wakasan ang Imperyalismong United States (US), Pyudalismo’t Burukrata Kapitalismo. Patuloy nitong pinapanday ang mga bagong usbong na mandirigma at rebolusyonaryo sa daluyong ng kilusang masa’t aksyong protesta.

Binabati natin ang masang magbubukid at kabataan sa tagumpay na kanilang nakakamit sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Bigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang mga martir na nagbuwis ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan.

Noynoy Aquino: salot sa magbubukid at kabataan

Dito sa Laguna, halos isang milyon ang tinatayang bilang ng kabataang may edad na 15 hanggang 34 taon.

Pasanin nila ang napakalubhang kawalan ng lupa, trabaho, dagdag na sahod, pabahay, edukasyon at kalusugan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Problema nila ang kolonyal, komersyalisado’t mapaniil na sistema ng edukasyong kontrolado ng mga ganid na kapitalistang edukador. Biktima rin sila ng surveillance, tortyur, panggagahasa, pagdukot at pagpaslang.

Wala pang sandaang araw sa pagkapangulo ang hasyenderong si Aquino, dinahas ng kapulisan ang mga magsasakang tumututol sa kumbersyon ng 560-ektaryang lupa sa Sityo Buntog sa Canlubang, Calamba sa pangunguna ng sabwatang Yulo-Ayala.

Bukod sa kontra-mamamayang kapit-tuko sa poder, si Aquino ay sagad-saring papet ng US nang lagdaan niya ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na tahasang yumuyurak sa pambansang soberanya, integridad sa teritoryo at karapatan ng mga Pilipino. Katunayan, planong gawing base militar na ala-“mini-Subic” ang Oyster Bay sa Palawan. Patitindihin ng EDCA ang panghihimasok ng militar ng US at brutal na panunupil nito sa adhikain ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Habang di napapanagot si Aquino at mga alipores niya sa pagnanakaw sa bilyun-bilyong pisong pondo ng pork barrel at Disbursement Allocation Program (DAP), milyun-milyong pamilyang may anim na miyembro ang nabubuhay sa mas mababa sa sanlibong piso kada araw, at higit na marami ang nabubuhay sa mas mababa sa sandaang piso kada araw.

Maghimagsik ay makatarungan

Sa halip na mangibabaw ang takot, lalo pang umiigting ang pagkakaisa’t pakikibaka ng masang magbubukid at kabataan, sa kanayunan man o kalunsuran, sa anupamang paraan o anyo. Walang ibang solusyon sa krisis, pambubusabos at kaapihan kundi ang isulong ang digmang bayan sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo).

Kabaligtaran sa inaasahan ng bulok at reaksyunaryong estado, sunod-sunod ang matatagumpay na armadong opensiba ng BHB laban sa pasistang kapulisan at militar sa kabila ng pananalasa ng Oplan Bayanihan.

Lipos ng hangaring paglingkuran ang sambayanan, masiglang tinutupad ng KM ang gawaing propaganda, edukasyon, pangkultura, pagpapalawak at pagkokonsolida. Aktibong isinasagawa ang programa ng panghihikayat na boluntaryong sumapi sa BHB at sumuporta sa armadong pakikibaka upang tuluy-tuloy na naipapasa sa susunod na henerasyon ang sulo ng rebolusyon at itaas ang antas ng digmang bayan patungo sa tagumpay.


Magbubukid at kabataan, sumapi sa tunay na hukbo ng mamamayan, ang BHB!
Isulong ang rebolusyong agraryo!
Ibagsak ang diktaduryang US-Aquino!
Mabuhay ang KM at Rebolusyong Pilipino!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141016_ibayong-palawakin-at-palakasin-ang-rebolusyonaryong-pakikibaka-ng-magbubukid-at-kabataan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.