Wednesday, March 26, 2014

CPP/PKM: Kagyat na palayain sina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria! Isulong ang Armadong Pakikibaka!

Propaganda statement posted to the CPP Website (Mar 26): Kagyat na palayain sina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria! Isulong ang Armadong Pakikibaka!
Andres Agtalon
Spokesperson
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid

Mariing kinukundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM), alyadong rebolusyonaryong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang iligal na pag-aresto at detensyon ng rehimeng US-Aquino kina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria, mga pangunahing lider ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at lima (5) pang mga kasama.

Ang iligal na pag-aresto at detensyon ng rehimeng US-Aquino kina Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Austria, mga konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, ay tahasang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG) na nilagdaan sa pagitan ng NDFP at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH). Isa itong aksyon ng pananabotahe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa usapang pangkapayapaan na inaayudahan at binabasbasan mismo ni Benigno Simeon Cojuangco-Aquino.

Bago ang iligal na pag-aresto sa kanila, gumagampan sina Kasamang Benito at Wilma ng direktang pagsisiyasat at konsultasyon sa mga magsasakang pangunahing mga nasalanta at biktima ng superbagyong Yolanda. Ang kanilang pag-alam sa kalagayan, pamumuno at pangunguna sa pagtulong sa gawaing relief at rehabilitasyon sa mga magsasakang naging biktima ay mga gawaing tuwirang may kinalaman sa kanilang ginagampanang papel bilang mga consultant sa usapang pangkapayapaan laluna sa usapin ng nakabinbing substantive agenda para sa isang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER). Ang substantive agenda hinggil sa CASER, na naglalaman ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon – mga usaping ayaw pag-usapan ng GPH, ang tunay na dahilan kung bakit tusong sinasabotahe ng hacienderong rehimeng Aquino ang usapang pangkapayapaan.
Gayunpaman, ang pagkakadakip kina Kasamang Benito at Wilma ay hindi makakadiskaril sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino. Hindi nilulutas ng iligal na pag-aresto sa kanila ang mga ugat ng armadong labanan. Sa halip, lalong titindi ang digmang bayan na pangunahin ay digmang magsasaka, bunga ng tumitinding pangangamkam ng lupa at monopolyo sa lupa ng uring panginoong maylupa, at ng matinding kahirapan at kagutuman na nararanasan ng sambayanang Pilipino.

Iginigiit ng mga rebolusyonaryong magsasaka sa ilalim ng PKM-NDFP sa rehimeng Aquino na igalang at tupdin ang JASIG at kagyat na palayain ng walang kundisyon sina Kasamang Benito at Wilma. Iginigiit din namin na kagyat na simulan ang usapang pangkapayapaan, laluna ang susunod na substantive agenda hinggil sa CASER na siyang lulutas sa mga ugat ng armadong labanan.

Kasabay nito, ipinapaabot ng PKM-NDFP ang aming pinakamarubdob na pagbati sa ika-45 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Mahigpit ninyong kaisa ang PKM-NDFP para paigtingin ang armadong pakikibaka at dalhin ang digmang bayan tungo sa bago at mas mataas na antas at sa layuning abutin ang estratehikong pagkakapatas sa malapit na hinaharap hanggang sa tagumpay.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang uring magsasaka!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140326_kagyat-na-palayain-sina-kasamang-benito-tiamzon-at-wilma-austria-isulong-ang-armadong-pakikibaka

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.