Wednesday, March 26, 2014

CPP/NPA: Ambus laban sa pwersa ng 201st Brigade, matagumpay na nailunsad ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command

NPA propaganda statement posted to the CPP Website (Mar 25): Ambus laban sa pwersa ng 201st Brigade, matagumpay na nailunsad ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command
Logo.bhb
Armine De Guia
Spokesperson
NPA Quezon Provincial Operations Command (Apolonio Mendoza Command)
 
Matagumpay na nailunsad ngayong umaga ng Marso 24, 2014 ang isang ambus ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command laban sa 15 kataong mersenaryong pwersa ng 85th IBPA, 201st Brigade, Philippine Army na nakasakay sa hammer type jeep. Naganap ang ambus sa Brgy. Ilayang Cogorin, Lopez, Quezon na tumagal lamang ng 39 minuto. Ganap na alas-8:06 ng umaga nang umalingawngaw ang unang putok at natapos ng bandang alas-8:45 ng umaga ring ito. Nagmula ang mersenaryong pwersa sa kanilang company headquarters sa Crossing ng Brgy. San Miguel Dao, Lopez, Quezon.

Nasapol ng mga putok ng riple at mga nakatanim na anti-personnel command detonated explosives ng nakapakat na pwersa ng Bagong Hukbong Bayan ang papalapit na hammer-type jeep lulan ang 15 tropa ng kaaway. Resulta nito, tiyak na nalipol ang 10 kaaway habang nakaya pang makapanlaban ng iba pang natirang buhay. Ang 5 sa mga sugatang ito ay kasalukuyang dinala sa Holy Rosary Hospital sa bayan ng Lopez. Sa kabilang banda, ligtas na nakaatras ang mga pwersa ng AMC na nagsagawa ng matagumpay na ambus.

Ang matagumpay na ambus ay pamamarusa sa mga pwersa ng 85th IBPA at ng 201st Brigade na nagsagawa ng pamamaslang kay kasamang Roberto Campaner (Ka Brando), isang hors de combat, noong Marso 1, 2014 sa Baranggay Sto Nino Ilaya, Lopez Quezon na halos katabi rin lamang ng baranggay Ilayang Cogorin na pinangyarihan ng nasabing ambus. Pinaslang si Ka Brando matapos na masugatan, malagay sa katayuang hors de combat at mahuli ng mga pwersa ng 201st Brigade.
Ang matagumpay na ambus ay panandang putok sa nagpapanibagong sigla at tuloy-tuloy na paglakas ng armadong pakikibaka, ng Bagong Hukbong Bayan, ng Partido Komunista ng Pilipinas sa South Quezon-Bondoc Peninsula.

Ang matagumpay na ambus ay kasagutan sa kasalukuyang mainit na usapin ng bagong pagkakahuli ng mag-asawang Kasamang Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon. Malinaw na ang pagkakahuli sa dalawang konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan ay hindi magiging dahilan ng pag-atras ni pagkawasak ng rebolusyong Pilipino na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Bagamat malaking kawalan sa rebolusyon ang kanilang pagkadakip, sapat ang dami ng kasalukuyang mga makaranasang matatanda at batang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas upang pamunuan at dalhin sa estratehikong pagkakapatas at tagumpay ang rebolusyong Pilipino. Higit sa lahat, ang sambayanang Pilipino, laluna ang masang manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, pambansang minorya at iba pang demokratikong uri at sektor ang nagsusulong ng rebolusyon sa araw-araw. Ang walang kapantay na krisis, kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi na dinadanas ng mamamayan ang panloob na kundisyon sa Pilipinas para sa katiyakan ng tagumpay ng rebolusyon.

Ang matagumpay na ambus ay mainit na salubong na putok ng Bagong Hukbong Bayan sa SQBP sa darating na ika-45 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa ika-29 ng Marso, 2014.

Sa pamamagitan nito, ipinapaabot namin ang pinakamainit na pulang pagpupugay at pagbati sa mga kasama at masa na naging dahilan ng materyal na tagumpay ng ambus na ito.

Higit pang mag-iibayo ang pagsulong ng armadong pakikibaka sa mga darating na buwan at taon sa SQBP. Magmamartsa itong kasabay ng dakilang pag-igpaw pasulong ng rebolusyong Pilipino sa pambansang saklaw mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkakapatas.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140325_ambus-laban-sa-pwersa-ng-201st-brigade-matagumpay-na-nailunsad-ng-isang-yunit-ng-apolonio-mendoza-command

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.