Propaganda statement from Kabataang Makabayan (KM-Nationalist Youth) posted to the CPP Website (Mar 28): Pamarisan ang rebolusyonaryong buhay ng mga Tiamzon! Pagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan!
National Capital Region Kabataang Makabayan (Lucille Gypsy Zabala Brigade)
Mariing kinukundena ng Kabataang Makabayan-Brigadang Lucille Gypsy Zabala ang pag-aresto at pagkulong ng reaksyunaryong pamahalaang US-Aquino sa mga lider ng Partido Komunista ng Pilipinas na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria at sa mga kasamahan nila. Wala nang pagtatanggi sa lantarang pambabalasubas at desperasyon ng rekasyunaryong pamahalaan na pahinain at durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa pagkakadakip ng dalawang lider komunista.
Sa dinaloy ng usapang pangkapayapaan, ang estadong ito mismo ang nagsasara ng pintuan upang mapag-usapan ang makatwiran at pangmatagalang kapayapaan sa bansa. Tinatalikuran nito ang ugat kung bakit mayroong armadong pakikibakang nagaganap at minamadali ang proseso. Sa halip na unahin ang Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms na naglalatag ng lahat ng demokratikong kahilingan ng mamamayan tulad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon ay inuuna nito ang pagpapababa ng armas o kapitulasyon ng digmang bayan, hinuhuli at kinukulong ang mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines.
Tumatandang paurong ang reaksyunaryong pamahalaang US-Aquino sa pag-aasta nitong kolektor ng mga susing lider sa rebolusyonaryong kilusan sa pagnanais na idemoralisa at pilayin ang ating hanay. Wala na siyang pinagkatandaan at natutunan sa mga nakaraang mga pamahalaan na ubos kayang nagtangka at sa kadulu-duluha’y nilamon ng kanilang kabiguan. Patunay dito ang kawastuhan ng matapang na pahayag ni Ka Wilma Austria habang naka-posas na “Binabati ko ang ika-45 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Patuloy na lumalakas. Hindi matalo-talo ng AFP!”
Ipinakilala ng reaksyunaryong pamahalaang US-Aquino sa mga kabataang Pilipino ang buhay na halimbawa ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka para sa interes ng mamamayan. Higit na nagkahugis at nagkamukha ang mga ehemplong dapat pamarisan ng mga kabataan sa katauhan ng mag-asawang Tiamzon. Parehong mga intelektwal mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ang mga Tiamzon. Kapwa sila produkto ng Kabataang Makabayan na unang nagpabugso sa bagong tipo ng pambansa demokratikong kilusan hanggang sa tuluyang umanib sa Bagong Hukbong Bayan at buong panahong inalay ang kanilang kabataan, talino at lakas para sa pagtatagumpay ng rebolusyong magwawakas ng pagsasamantala ng tao sa tao. Kahit ang kanilang relasyon bilang magkasintahan hanggang mag-asawa ay binuo nila at hindi ipinagkait upang pagsilbihin ito sa interes at kagalingan ng mamamayan.
Sa tiwala ng at sa masa, naiabante nila ang rebolusyonaryong kilusan sa katayuan nito ngayon – matibay na nakaugat sa masa, matayog sa mga pagsubok at patuloy na yumayabong dahil nagtatagumpay. Pinanday sila sa pagkabihasa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang paglalapat nito sa praktika at sa malakolonyal at malapyudal sa kaayusang panlipunan kung kaya mahusay na nadidireksyunan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang lahat ng kasapi at di kasapi nito sa pagsusulong ng makatwirang rebolusyon.
Taliwas sa inaasahan ng estado na mapapahina o kaya’y matutuldukan na ang digmang bayan dahil sa pagkakakulong ng mag-asawa, sinabuyan nito ang naglalagablab na rebolusyonaryong diwa ng kabataan at mamamayan. Higit nitong pinagtibay ang katumpakan ng prinsipyo’t paninindigan na tangan ng Kabataang Makabayan.
Gabundok na mga tungkulin ang nakaatang sa ating mga balikat lalo pa’t tinatanaw nating maabot sa nalalapit na panahon ang pag-abante ng digmang bayan sa estratehikong pagkapatas. Bukas ang mga balangay ng Kabataang Makabayan sa papalaking bilang ng mga nais sundan ang yapak ng mga Tiamzon patungo sa mga larangang handang tumanggap sa mga kabataang rebolusyonaryo.
Lubos na ipinagmamalaki ng Kabataang Makabayan na magkaroon ng mga kasapi na tulad ng mag-asawang Tiamzon. Walang pagtatangging kaya nating pagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa isang komunistang lipunan kung ang ganitong rebolusyonaryong buhay at kasikhayan ang pamamarisan ng lahat ng kasapi at magiging kasapi ng Kabataang Makabayan. Ating iwagayway ang bandilang pula at sumulong sa landas ng digmaang magwawaksi sa lahat ng pagsasamantala sa inaaping uri!
Palayain ang mag-asawang Tiamzon!
Kabataan, Paglingkuran ang Sambayanan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
http://www.philippinerevolution.net/statements/20140328_pamarisan-ang-rebolusyonaryong-buhay-ng-mga-tiamzon-pagtagumpayan-ang-demokratikong-rebolusyong-bayan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.