Wednesday, June 12, 2024

CPP/NDF-Rizal/NDF-Southern Tagalog: Ipagtagumpay ang bagong tipo ng rebolusyong pambansa-demokratiko upang kamtin ang tunay na kalayaan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 12, 2024): Ipagtagumpay ang bagong tipo ng rebolusyong pambansa-demokratiko upang kamtin ang tunay na kalayaan! (Win the new type of national-democratic revolution to achieve true freedom!)
 


Arman Guerrero
Spokesperson
NDF-Rizal
NDF-Southern Tagalog

June 12, 2024

Nananawagan ang National Democratic Front-Rizal sa lahat ng mamamayang Pilipino na nagmamahal sa ating bansa na patuloy na sumuporta at lumahok sa isinusulong na bagong-tipo na demokratikong rebolusyong bayan ng CPP-NPA-NDF. Ito lamang ang tanging paraan upang makamit ang ganap na kalayaan mula sa di-tuwirang paghahari ng imperyalismong US sa pamamagitan ng kanilang mga lokal na alipures na mga burukrata kapitalista at malalaking burgesya kumprador na syang nagpapanatili sa ating lipunang nakatanikala sa malakolonyal at malapyudal na sistema. Dahilan upang magpahanggang ngayon ay hindi ganap na malaya ang ating lipunan sa pagsasamantala ng mga naghaharing uri.

Ang digmaang ito ay rebolusyonaryo, makatarungan at makatwiran sapagkat ipinaglalaban nito ang rebolusyonaryong interes ng malawak na pinagsasamantalahang mamamayan. Ipinatutupad nito ang rebolusyong agraryo at hinahangad ang pambansang industriyalisasyon na mag-aahon sa laksang magbubukid sa kawalang ng lupa at pagsasamantalang pyudal. Nilalayon nitong makumpleto ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan. Itinatayo rin nito ang demokratikong gubyernong bayan. Hindi ito magagawa kung hindi mag-aarmas ang mamamayan at kung walang tunay na hukbo ang mamamayan na dudurog sa kapangyarihan ng mga naghahari upang maagaw ang kapangyarihang pampulitika.

Ang ating rebolusyon ay pagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino noong 1896 subalit ito ay isang bagong tipo na nasa pamumuno ng proletaryado at may perpesktibang sosyalista. Kakaiba na ito sa lumang tipo ng rebolusyong burges-kapitalista na isinulong noon nina Andres Bonifacio. Baguks, ito ay bahagi na ng proletaryo-sosyalistang rebolusyon mula nang pumutok noon ang unang imperyalistang digmaan at nagtagumpay ang sosyalistang Rebolusyong Oktubre sa Rusya.

Mula nang tayo ay sakupin ng Espanya sa loob ng mahigit tatlong daang taon ay isinulong pangunahin nina Andres Bonifacio ang Rebolusosyong 1896. Halos napagtagumpayan na ng mga Pilipino ang rebolusyon sa buong kapuluan maliban na lamang sa Intramuros. Subalit inagaw ng US ang tagumpay na ito sa pakikipagkasundo ni Emilio Aguinaldo sa pakana ng US na makabalik siya sa Pilipinas (mula sa pagpapatapon nito sa Hongkong at pagsuko kapalit ng $800,000 sa kasunduan sa Biak na Bato), upang papasukin ang pwersang ng US sa Manila Bay (Battle of Manila Bay) at linlangin ang mga Pilipino na sila ang nagpalaya sa atin dahil sa kanila sumuko ang Espanya. Nais palabasin ng US na sila ay maasahang kaibigan subalit ang totoo’y binili nila ang Pilipinas sa Espanya sa halangang $20 milyon. Kung kaya’t ang deklarasyong ng kasarinlan noong Hunyo 12, 1898 na ating ipinagdiriwang ngayon ay hindi natin ganap na natatamasa dahil sa pananakop sa atin ng US hanggang Huly 4, 1946 at mula dito’y di-tuwirang pangongolonya sa ating bansa hanggang kasalukuyan.

Habang tumitindi ang kahirapan, kagutuman at kawalang katarugnan sa mga malakolonyal at malapyudal na lipunan dulot ng tumitinding krisis ng mga imperyalistang bansa na nauuwi ngayon sa hindi na maitagong ribalan, agawan ng pamilihan, hatian ng mga rehiyon sa daigdig at pagpapakita ng kani-kanilang lakas militar tulad ng US at China, ay napakataba ng lupa upang isulong at itaas sa mataas na yugto ang ating digmang bayan.

Sa tagisang ito ng US at China, ang US pa rin ang nangungunang imperyalista na kumukubabaw at kumokontrol sa ating bansa. Kung tutuusin sa bagong 17 base militar ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) ay halos katumbas na ito ng panunumbalik ng US military bases noon bago pa matagumpay na napalayas ito ng mga Pilipino taong 1991. Patuloy nitong sinasanay, isinasailalim sa indoktrinasyon at inaarmasan ang Armed Forces of the Philippines na isa sa pinakamasugid na tuta nito mula nang kanyang itayo noong 1903 upang supilin ang mga Pilipinong patuloy na nakikipaglaban para sa kalayaan. Malalim na nakatamin ang mga tagapayong militar ng US sa AFP sa pamamgitan ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG). Ang US din ang bumabansot sa ating ekonomiya upang manatiling murang hilaw na materyales lamang ang ating malikha para sa kanilang pangangailangan at tambakan naman tayo ng mas mahal na mga yaring produktong imported. Katuwang ang papet na mga rehimeng kanyang binabasbasan upang mailuklok, ang US ang pangunahing utak ng mga kontra-insurhensiyang mga pakana upang supilin ang paglaban ng mamamayan at paghahangad ng tunay na kalayaan. Sa pamamgitan nito, binabansagan nilang terorista at kaaway ng estado ang mga rebolusyonaryong nagsusulong ng armadong pakikibaka at maging ang mga aktibista at mga legal na mga samahang pambansa-demokratiko na ang tanging pinaglalaban ay ang karapatan para sa lupa, kabuhayan at tunay na kasarinlan.

Ganundin naman nararapat na tutulan at kundenahin ang mga agresibong aksyon at iligal na pag-angkin ng China sa halos 90% ng South China Sea. Lalu’t higit ang paggamit ng US sa usaping ito upang manghimasok, lalung mang-upat ng gyera at ipagkait ang independyenteng kapasyahan ng Pilipinas na iresolba sa mapayapa at diplomatikong pamamaraan ang usapin sa West Philippine Sea.

Kilalanin natin ang ating tunay na kaaway. Huwag magpalinlang sa mga nagpapanggap na mga kaibigan tulad ng US. Umasa sa sariling lakas. Tanging sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at sa pagtatagumpay nito makakamit ang tunay na kasarinlan ng ating bansa na ipinagdiriwang natin ngayong ika-126 taon na araw diumano ng kalayaan.

https://philippinerevolution.nu/statements/ipagtagumpay-ang-bagong-tipo-ng-rebolusyong-pambansa-demokratiko-upang-kamtin-ang-tunay-na-kalayaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.