Thursday, June 13, 2024

CPP/NDF-KM: Pahayag ng Kabataang Makabayan para sa 126 taon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 12, 2024): Pahayag ng Kabataang Makabayan para sa 126 taon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas (Declaration of Kabataang Makabayan for 126 years of false independence of the Philippines)
 


Maria Laya Guerrero
Spokesperson
Kabataang Makabayan (KM)
National Democratic Front of the Philippines

June 12, 2024

Sa paggunita ng ika-126 na taon ng huwad na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, pinapaalala ng araw na ito sa ating mga kabataan na hindi pa tunay na malaya ang ating bayan hangga’t hindi pa napapawi ang tatlong ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino: ang Impyeralismo, ang Pyudalismo, at ang Burukrata-Kapitalismo.

Lantarang paninikluhod ang isinasagawa ng rehimeng Marcos Jr sa Imperyalistang Estados Unidos. Hindi mamaliw ang tutang Marcos Jr. na paunlakan ang lahat ng kagustuhan at interes ng amo nitong US mula sa pagpapaigting ng okupasyong militar nito muli sa bansa, patuloy na pandarambong sa ating likas na yaman at panlilinlang sa mamamayang Pilipino. Dagdag pa dito, may pagtutulak muli ang US katuwang ang reaksyunaryong estado ni Marcos Jr na lalong sikilin ang demokratikong karapatan ng kabataang Pilipino at gamiting kasangkapan sa binuburong digma laban sa Tsina.

Sa gitna ng nagpapatuloy na sosyo-ekonomikong krisis na kinakaharap ng kabataang Pilipino, nagpapatuloy at tumitindi rin ang militarisasyon sa mga paaralan at unibersidad sa buong bansa. Nandyan rin ang banta ng muling panunumbalik ng mandatory ROTC upang paramihin ang reserbang hukbo ng bansa para sa imperyalistang interes. Nagpapatuloy ang pagbabanta, surbeylans, intimidasyon, harasment hanggang pagdakip sa mga kabataang militante at progresibo na nanawagan sa makatarungang sistemang panlipunan.

Sa tabing ng patriyotismo, diwang makabansa at pagdedepensa ng ating teritoryo ay tusong tinutulak ng US at ng rehimeng Marcos Jr, ang kabataang Pilipino at mamamayan nito palapit patungo sa probokasyon laban sa Tsina na walang tunay na hakbangin na iresolba ang alitan ng West Philippin pe Sea. Ito ay isang digmaan na tinutulak ng imperyalismo US para sa kaniyang sariling interes at para sa malakihang kita ng iilang mga kumpanyang US na nagbebenta ng armas at kagamitang pandigma.

Malinaw na hindi interes ng kabataang Pilipino ang hakbangin tinutulak ng rehimeng US-Marcos Jr at tanging nagsisilbi ito sa pansariling interes patungo sa isang giyera na maglulubog sa ating bansa sa isang panahon ng matinding lagim! Nararapat na kumilos ang kabataan nang buong giting, lakas at panahon upang tutulan ang probokasyon ng US laban sa Tsina.

Nararapat lamang na magbalik-aral, palalimin, at palawakin ang kaalaman ng kabataan patungkol sa kasaysayan ng mamamayang Pilipino upang maipakita at maipamalas na tanging sa demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba natin makakamtan ang tunay na kalayaan at mapapawi ang tatlong ugat ng kahirapan ng mamamayang Pilipino! Higit pa rito, dapat nating kilalanin na ang mga pakikibaka ng ating mga ninuno, hindi lamang laban sa dayuhang mananakop kung di laban din sa mga lokal na naghaharing-uri na sa kanilang pagkaganid sa kapangyarihan at yaman ay nagtaksil sa pinaka buod ng ating laban para sa kalayaan. Ngayon nahaharap tayo sa katulad na pagtataksil ng rehimeng Marcos Jr habang inuuna ng naghaharing uri ang kanilang pakikipag-alyansa sa mga imperyalista kaysa sa kapakanan at kinabukasan ng sambayang Pilipino.

Alalahanin at paalabin ang makabayang diwa ni Andres Bonifacio, Jose Rizal, Jose Maria Sison, at ang mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng mamamayang Pilipino!

Kabataan, wala tayong kinabukasan sa ilalim ng naaagnas na malakolonyal at malapyudal na sistema na pinapapalala ng kasalukuyang krisis ng sistemang kapitalismo. Piliin ang landas ng militanteng pakikibaka, isang landas na pinanday na ng higit 400 na taong paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa kolonyalismo at imperyalismo! Pinapatunayan ng kasaysayan na tanging sa pagtangan ng armas para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba makakamit ang tunay na kalayaan at kasarinlan para sa ating bansa!

https://philippinerevolution.nu/statements/pahayag-ng-kabataang-makabayan-para-sa-126-taon-ng-huwad-na-kalayaan-ng-pilipinas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.