Thursday, June 13, 2024

CP/NPA-Mindoro/Southern Tagalog ROC: Mamamayang Mindoreño, dalhin sa tagumpay ang Rebolusyong 1896 sa bago nitong tipo! Mag-armas para sa kalayaan laban sa imperyalismong US!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 12, 2024): Mamamayang Mindoreño, dalhin sa tagumpay ang Rebolusyong 1896 sa bago nitong tipo! Mag-armas para sa kalayaan laban sa imperyalismong US! (People of Mindoreño, bring the Revolution of 1896 to victory in its new type! Take up arms for freedom against US imperialism!)
 


Madaay Gasic
Spokesperson
NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

June 12, 2024

Ngayong araw, Hunyo 12, ginugunita ng mga naghaharing uri at ng mala-kolonyal na estado ang ika-126 taon mula nang ideklara ng palasukong uring burgesya, sa pamumuno ng taksil na si Emilio Aguinaldo, ang pagkakatatag ng “nagsasariling” Republika ng Pilipinas. Higit isang siglo ang lumipas, nanatiling papet at mala-kolonya ng US ang Pilipinas. Ang tumitinding kontrol ng US sa ekonomiya, pulitika at militar ng bansa ay siyang puno’t dulo ng kahirapan at karahasang humahagupit sa masang anakpawis ng Mindoro at sa buong kapuluan.

Mula nang pumihit patungong Asya noong 2011, tuloy-tuloy ang paghahanda ng US sa Pilipinas bilang teatro ng pakikidigma laban sa Tsina, ang bagong imperyalistang kapangyarihang karibal nito sa Asya. Umiigting ang tensyon sa West Philippine Sea kung saan pamalagian na ang panghihimasok ng mga pwersa ng US sa tabing ng pag-suporta sa Philippine Coast Guard. Pinararami sa kasalukuyan ang mga bagong base militar ng US na tinatawag nitong EDCA site (Enhanced Defense Cooperation Agreement site) para ikatwiran na walang umiiral na base militar ng US sa bansa. Nitong Marso lamang, isiniwalat ng isang senador na sa aktwal, 16 ang itinatayo at pinauunlad na base militar ng US sa Pilipinas. Dalawa sa 16 na ito ang matatagpuan sa kalapit na isla ng Palawan. Inilunsad din mula Abril hanggang Mayo ngayong taon ang pinakamalaking Balikatan Exercise sa pagitan ng AFP at ng militar ng US. Nilahukan ito ng 14 pang bansang alyado ng US bilang mga observer. Malaking balakid ang Tsina sa dominasyon ng US sa buong mundo at walang pakundangan na isinasapanganib ng pang-uupat ng gyera ng US ang buhay at kaligtasan ng milyun-milyong Pilipino para ipagtanggol ang interes nito sa Asya-Pasipiko.

Dito sa Mindoro, inilunsad nitong Enero ang ehersisyong militar na “maritime cooperative activity” (MCA) ng tropang Amerikano at Pilipino sa Cabra Island, Occidental Mindoro. Matatagpuan din sa Lubang Island, Occidental Mindoro ang misayl na inilagak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ilang ektarya ng lupain na inilaan para gawing kampo-militar.

Palalalain ng dagdag presensya ng militar ng US ang militarisasyon sa Mindoro. Itinalaga ang Mindoro bilang “eye of the storm” sa rehiyong TK ng Joint Campaign Plan Kapanatagan (JCP Kapanatagan), isang programa sa kontra-insurhensya na binalangkas ng rehimeng US-Duterte sa turo ng imperyalistang amo nito. Nagpapatuloy ang madugong programang ito sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nabubuhay ang masang Mindoreño sa ilalim ng matinding terorismo ng estado. Biktima ang mga Mindoreño ng paniniktik, pananakot, pwersahang pagpapasuko, iligal na detensyon, pagpaslang at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao. Nakagawian na ng mga pwersang AFP-PNP at paramilitar na mamalagi o magtayo ng kampo sa mga komunidad para ipataw ang klima ng matinding takot at pagdududahan ng masa sa isa’t isa. Walang habas na binobomba at ini-istraping ang mga komunidad ng mga magsasaka at katutubong Mangyan sa kanayunan. Ang teroristang paghahari ng mga pwersa ng estado sa Mindoro at sa buong bansa ang naghahawan ng daan para malayang madambong ng imperyalistang US at ng mga dambuhalang negosyo ng mga monopolyo kapitalista ang yaman ng Pilipinas.

Nasa plano ng US na gamiting pambanat na pwersa ang AFP-PNP laban sa Tsina kung kaya tinakdaan nito ng dedlayn ang huli upang madaliin nitong tapusin na ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino na pinangungunahan ng CPP-NPA-NDFP. Kung babalikan ang aral sa kasaysaysan, ang pagbira ng AFP-PNP sa mga pwersang rebolusyonaryo ngayon ay maihahalintulad sa atas ni Aguinaldo na paslangin sina Gat Andres Bonifacio at Antonio Luna upang bigyang luwag ang todong pagpapakuta nito sa dayuhang US. Ang pagkakanulo ng uring burgesya na kinatawan ni Aguinaldo sa rebolusyong Pilipino ang nagtakda kung bakit hindi nalubos ang tagumpay ng Rebolusyong 1896. Tungkulin ng kasalukuyang henerasyon at nang mga susunod pang rebolusyonaryong Pilipino na lubusin ang tagumpay ng nagpapatuloy na paglaban na ito. Ang ibagsak ang reaksyunaryong rehimen na nakatayo sa bansa na ngayon ay nasa kontrol ng rehimeng US-Marcos II ang dapat nating pagpunyagian ngayon.

Sa Araw ng Huwad na Kalayaan, panawagan ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa masang anakpawis at mga Mindoreño na tumangan ng armas para labanan ang teroristang AFP at ang amo nitong imperyalistang US. Marapat at makatwiran na tayo ay maglunsad ng armadong rebolusyon para palayain ang ating mga sarili mula sa tanikala ng imperyalistang US at mga papet nitong diktador katulad ni Ferdinand Marcos Jr.

Dapat panatilihing buhay at patambulin ng masang anakpawis ang panawagan ng Rebolusyong 1896 laban sa kolonyalistang Espanyol sa pamamagitan ng paglaban sa imperyalismong US sa balangkas ng bagong tipong pambansa demokratikong rebolusyong pinamumunuan ng uring manggagawa at maghahawan ng daan tungong sosyalismo. Ang demokratikong rebolusyong bayang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang tanging paraan hindi lang para lumaya ang sambayanan mula sa mga dayuhang mananakop kung hindi para rin ganap na lumaya ang masa mula sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi.

Mamamayang Mindoreño, mag-armas para ibagsak ang imperyalismong US at labanan ang agresyon ng China!

Palakasin ang rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa bagong tipong Pambansa-demokratikong rebolusyon!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/mamamayang-mindoreno-dalhin-sa-tagumpay-ang-rebolusyong-1896-sa-bago-nitong-tipo-mag-armas-para-sa-kalayaan-laban-sa-imperyalismong-us/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.