Simeon Magdiwang
Spokesperson
NDF-Cavite
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines
March 29, 2024
Sa araw na ito, mainit nating salubungin at gunitain ang ika-55 anibersayo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ipinapaabot ng National Democratic Front-Cavite at ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa lalawigan ang pinakamataas na pagpupugay at pulang pagsaludo sa lahat ng pulang kumander, pulang mandirigma at milisya na nag-aalay ng kanilang buhay para sa ubos-kayang pagsusulong at pagtataguyod ng digmang bayan sa kanayunan.
Sa okasyon din ito, marapat lamang na mag-alay tayo ng ating pinakamataas na pagpupugay at pulang pagsaludo kina Jose Maria “Ka Joma” Sison, Benito at Wilma Tiamzon, Jorge “Ka Oris” Madlos, at Josephine “Ka Sandy” Mendoza bilang mga proletaryong lider na nagsilbi bilang mga tanglaw ng rebolusyong Pilipino. Muling inaalayan ng NDF-Cavite ng pinakamataas na pagpupugay sina Robert “Ka Hassan” Dolleton, Joy “Ka Kyrie” Mercado, Jay-ar “Ka Sander” Mercado, Jun Eric “Ka Japs” Perey, Armando Alvarez Jr., Amado “Bong” Montes, Ronald “Ka Recca” Malijan, Armando Maala, Alipio “Ka Boy-C” Hernandez, Carl “Ka CJ” Labajata, Marjorie “Ka Fort” Manto, Jayson “Ka Udyr” Pagalan at maraming pang iba. Sila ay mga magigiting na bayani at martir ng lalawigan na namatay sa labanan.
Limang dekada nang sumusulong, nagpapatuloy at nagpapanibagong-lakas ang BHB. Kailanman ay hindi ito nagapi at hindi ito natalo kundi tumagal pa ng limampu’t limang taon dahil sa mahigpit na gabay ng Partido at malawak na suporta ng masa. Nakapagkamit ang BHB ng malalaki at maliliit na tagumpay sa lahat ng larangan ng digma kahit nasa gitna ng matinding mga operasyong militar ng kaaway, panganganyon, strafing, at demonisasyon. Sa harap ng lahat ng kasinungalingan ng rehimeng US-Marcos, napatunayan at naipatupad ng BHB ang kanilang tungkuling magsilbi bilang tunay na hukbo ng mamamayan. Ngayong tumitindi ang agresyon ng mga Imperyalistang bayan at ang operasyon ng kaaway upang “durugin” ang rebolusyon, may mas mabigat at mahigpit na tungkulin ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa upang magpanibagong-lakas at higit na sumulong.
Umiigting ang krisis at pasan-pasan ito ng mamamayan. Lubog na lubog sa krisis ang ating ekonomiya habang binabalikat ng mamamayan ang bigat nito. Ang mga mamamayan sa probinsya ng Cavite ay nakakaranas ng pananalasa sa kanilang kabuhayan sa pangunguna ng mga lokal na naghaharing-uri tulad ng pamilyang Revilla-Remulla at pamilyang Tolentino na patuloy ang paghahari sa lalawigan. Sa tabing ng pagpapaunlad ng lalawigan bilang commercial center, pinahihintulutan ng mga malalaking pamilya ang dambuhalang proyekto ng mga dayuhang kumpanya sa iba’t ibang distrito na sumisira sa kalikasan at sumisira sa kabuhayan ng mga mangingisda, maralita at magsasaka.
Isa rito ang mga talamak na banta ng demolisyon at panununog sa mga komunidad ng maralita at pamayanan ng mga mangingisda sa tabing-dagat upang mabilisang palayasin ang mga naninirahan sa mga eryang saklaw o matatamaan ng proyekto. Talamak rin ang pangangamkam ng lupa at land-use conversion projects (LUC) na sumisira sa kalupaan at nagbabanta na pumatay sa agrikultural na produksyon sa Cavite.
Samantala, patuloy ang AFP-PNP sa kanilang pangrered-tag, pagkakampo, pambabanta, harrassment at paniniktik sa mga maralita, mangingisda at magsasaka kung saan nagdadala ng madilim na lagim at matinding takot sa loob ng kanilang mga komunidad. Pilit na pinapasok ng mga kapulisan at militar ang mga komunidad. Sa likod ng lahat ng ito, walang ginagawang aksyon ang Provincial Government para sa kapakanan ng ating mamamayan. Ito ang mga dahilan na nagtutulak sa mamamayan upang lumaban. Ito ang mga pangunahing dahilan upang humawak ng armas ang mamamayan.
Ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Cavite ay nagluwal na ng maraming Pulang mandirigma na sumampa sa NPA at nag-alay ng kanilang buhay upang palayain ang sambayanang Pilipino. Iginuhit na sa kasaysayan ang mayaman at matagal na karanasan ng mamamayang Kabitenyo sa rebolusyonaryong pakikibaka magmula sa panahon pa ng pananakop ng kolonyalistang Espanyol hanggang sa kasalukuyan. Ngayong tumitindi ang Imperyalistang agresyon laban sa mamamayang Pilipino at tumitindi ang pasistang atake at terorismo ng rehimeng US-Marcos, hinihimok namin ang mamamayan na sumampa sa kanayunan at sumapi sa New People’s Army.
Sa diwa ng panawagan ng Komite Sentral ng Partido para sa paglulungsad ng kilusang pagwawasto, ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa lalawigan ay nasa yugto ng pagwawaksi at pagwawasto sa kanilang mga pagkakamali at pagkukulang sa pamamagitan ng pag-iibayo ng kanilang mga tungkulin sa rebolusyon. Pangunahin dito ay ang pagbabalik-aral sa mga akda ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at mga turo ni Ka Joma na isasalin sa praktika sa paglulungsad ng mga kampanyang masa at pagpapaigting ng gawaing masa sa mga eryang kinikilusan.
Samantala, ang mga pagsisikap upang itaguyod ang kilusang pagwawasto sa lalawigan ay nagbibigay-diin sa pagpapalawak ng rebolusyonaryong kilusang lihim. Mula rito ay sinisikap nitong muling buhayin ang sigla ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kalunsuran upang makaani ng malaking suporta para sa armadong pakikibaka. Inaasahan sa proseso ng pagtataguyod ng kilusang pagwawasto ay iigting rin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa lalawigan.
Higit lalo ngayong muling pumirma ang GRP-NDFP sa isang Oslo Joint Statement na nagsasaad sa muling pagbubukas para sa usapang pangkapayapaan, marapat lamang na itulak ang rebolusyonaryong pakikibaka sa mas mataas na antas upang makamit ang demokratikong interes ng mamamayan. Sa usapang pangkapayapaan, hindi isusuko ng Partido ang lampas limang dekadang simulain. Hindi ibababa ng NPA ang kanilang mga armas. Hindi titigil ang sambayanan na lumaban.
Ang limampu’t limang taon ay lampas limang dekadang punong-puno ng maniningning na karanasan at aral. Ang limampu’t limang taon ay bata pa kumpara sa siglo nang umiiral na pandaigdigang kapitalistang sistema. Mamamayang Kabitenyo, ipagtanggol ang karapatan, kabuhayan at kalayaan ng bayan! Sumapi sa New People’s Army!
https://philippinerevolution.nu/statements/ipagbunyi-ang-ika-55-anibersaryo-ng-bagong-hukbong-bayan-itaguyod-ang-kilusang-pagwawasto-at-itulak-sa-mas-mataas-na-antas-ang-ating-rebolusyonaryong-pakikibaka/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.