Friday, March 3, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Hindi makasasama sa ekonomya ang dagdag-sahod!

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 3, 2023): Hindi makasasama sa ekonomya ang dagdag-sahod! (The wage increase will not harm the economy!)
 





March 03, 2023

Malaking panloloko ang sinabi kamakailan ng kalihim ng National Economic and Development Authority na si Arsenio Balisacan na “makakasama” sa ekonomya ang hiling ng mga manggagawa na dagdagan ang kanilang sahod.

“Kaninong ekonomya?” tanong ni Sonny Africa ng Ibon Foundation. “Napakalaki ng bentahe ng dagdag-sahod sa mga manggagawa,” aniya, at ang tanging kasamaang idudulot nito ay sa sobra-sobrang kita na kinokopo ng mayayaman.

Sa dekada 2012-2021, ayon kay Africa, tumaas ang produktibidad ng mga manggagawa nang 42%, habang 18% lamang ang itinaas sa sahod. Bumagsak pa ang tunay na halaga ng sahod nang 5%. Gayundin, sa loob ng panahong ito, tumaas nang 68% ang kita ng nangungunang 1,000 korporasyon sa bansa, at 89% sa 40 pinakamayayamang Pilipino.

Tinawag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno, si Balisacan na “sinungaling at manloloko” sa isang video message noong Marso 1.

“Hindi totoo yan,” diin ni Adonis. “Katunayan, makakatulong pa nga sa ekonomya ang dagdag sahod ng mga Pilipino.” Paliwanag niya, kung itataas ang sahod, magkakaroon ng pambili ang mga manggagawang Pilipino, laluna ng pinakabatayang mga pangangailangan. Nasa 70%-80% ng sahod ng mga manggagawa ay napupunta sa pagbili ng pagkain, aniya.

Hamon naman ng mga manggagawa sa Cebu, subukan ni Balisacan na mabuhay sa minimum na sahod ng mga manggagawa.

“Madali lamang kay Secretary Balisacan na sabihin yan kasi di naman minimum ang sahod niya,” ayon kay Jaime Paglinawan, pinuno ng AMA-Sugbo-KMU. “Mas maganda subukan niyang mabuhay sa minimum na ₱435 kada araw sa Central Visayas o kahit ₱570 kada araw na minimum sa NCR.” Iginiit ni Paglinawan na makatarungan ang iginigiit ng mga manggagawa na dagdag-sahod, laluna matapos ianunsyo ng Bangko Sentral na maaring pumalo sa 9.3% ang implasyon noong Pebrero.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/hindi-makasasama-sa-ekonomya-ang-dagdag-sahod/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.