Wednesday, June 29, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Ang Masaker sa Guinayangan, Quezon

Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda articles posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 28, 2022): Ang Masaker sa Guinayangan, Quezon (he Guinayangan Massacre, Quezon)





June 28, 2022

Bago pa man mangyari ang mga masaker sa Daet, Camarines Norte at sa San Rafael, Bulacan, ginimbal na ang bansa at ang mundo ng madugong mga insidente ng maramihang pagpatay at pagkasugat ng mga inosenteng sibilyan kagaya sa prubinsya ng Quezon. Ano “mga kasalanan” nila? Nais lamang nilang iparating sa rehimeng US-Marcos I ang kanilang mga lehitimong hinaing at solusyon sa kaaba-aba nilang kalagayang sosyo-ekonomiko.

Nangyari ang mga masaker at iba pang pang-aabusong militar sa panahong “inatras” na ng pasistang diktadurang Marcos ang Batas Militar noong 1981. Ayon pa sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr, nasawata o kundi ma’y kontrolado na ang “sabwatan ng mga maka-Kanan at maka-Kaliwa” na ibagsak ang kanyang pamahalaan, kaya balik na sa “normal na pamumuhay” ang mamamayan.

Ngunit pampabango lamang ang idineklarang pagbatak sa Batas Militar at ang pagbalik sa “normal na pamumuhay”. Dahil noon lamang 1981, may naitalang mga masaker kabilang ang sa Sag-od, Las Navas, Northern Samar; sa Culasi, Antique; sa Tedula, Misamis Occidental; at sa Guinayangan, Quezon.

Sa kabila ng pagbabatikos ng mga nagtataguyod sa karapatang-tao tulad ng Amnesty International at mga demokratikong personahe at sektor sa loob at labas ng bansa, walang awat pa rin ang mga pang-aabuso ng Philippine Constabulary (PC), Philippine Army, Civilian Home Defense Force (CHDF), at iba pang mga armadong grupo na inaarmasan o kinukunsinte ng pasistang estado. Noong matapos ang 1982, 14 ang naitalang mga masaker kung saan 174 ang napatay at mahigit isang libo ang mga sugatan.

Pinalala ng mga pang-aabusong militar na ito ang abang kalagayan ng mayoryang mamamayan, laluna ng mga magniniyog. Nakakita ng pagkakataon ang mamamayan at kanilang tagasuporta na mag-organisa ng kilos protesta noong paparating sa bansa si Pope John Paul II. Sinimulan nila ang pagtatambol ng kanilang mga reklamo at hinihinging mga solusyon sa pambabarat ng presyo ng kopra at ang mga iskandalo kaugnay sa Cocofed at Coco Levy Fund (buwis na kinukuha ng gubyerno sa bawat kilo ng koprang ibinibenta at napupunta lamang sa mga kroni na tulad nina Danding Cojuangco, Maria Cristina Lobregat at Juan Ponce-Enrile).

Kaya noong Pebrero 1, 1981 humugos sa mga kalsadang patungo sa Guinayangan ang aabot sa 6,000 magsasaka at mga tagasuporta nila. Nanggaling sila sa limang bayan ng Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon, na ang karamihang ikinabubuhay ay nakasasalay sa niyog.

Bagsak sa pandaigdigang pamilihan ang presyo ng langis mula sa niyog at dagdag dito, sobrang binabarat naman ng mga komersyante ang presyo ng kopra. Umaabot lamang sa ₱1.00 at minsan ay animnapung sentimo (₱0.60) ang kilo ng kopra. At kung dadalhin pa ito sa pamilihan sa bayan, kukutongan pa ang mga magniniyog at mga komersyante ng mga abusadong militar at paramilitar na CHDF.

Mula sa iba’t ibang direksyon, binagtas ng mga inaapi at pinagsasamantalahan ang daan tungo sa sentrong bayan ng Guinayangan. Plano nilang ihayag sa kilos protesta ang kanilang mga reklamo at kahilingan upang itambol ito sa midya na nakaantabay sa pagdalaw ng Santo Papa sa bansa.

Pero bago pa sila makarating sa plasa ng bayan, walang habas na silang niratrat ng mga tropang PC. Dalawang nagmamartsa ang kaagad na namatay. Naiulat na 100 ang nasugatan, subalit maaring umabot ito sa 1,000.

Mahigit apat na dekada na ang nakaraan ngunit walang nanagot na upisyal o naparusahan sa mga berdugong sundalo ng PC. Walang ginawang pormal na imbestigasyon ang diktadurang Marcos sa malagim na pangyayari.

Sabi nga ng mga nakaligtas sa masaker: “(L)aging payo sa atin ng mga kaibigan at kapamilya ay magpatawad. Maaaring may punto sila… Ngunit sa isang banda, mayroon tayong hindi dapat ikubli at yun ay ang makalimot. Laluna kung wala naman tayong natatamong katarungan na dahilan na rin ng kawalan ng kapayapaan. Bunsod nito, mas dapat ang pagpapatuloy ng ating paggiit ng ating mga karapatan.”

https://cpp.ph/angbayan/ang-masaker-sa-guinayangan-quezon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.