Posted to Kalinaw News (Apr 14, 2022): Mga Sundalo at Pulis Napalaban, Dalawang Teroristang NPA Patay sa Camarines Sur (Soldiers and Police Fight, Two NPA Terrorists Killed in Camarines Sur)
CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Dalawang miyembro ng Communist NPA Terrorist (CNT) ang nasawi sa naitalang engkwentro sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis laban sa teroristang grupo sa Barangay San Vicente, Garchitorena, nitong 4:30 ng hapon araw ng Miyerkules, Ika-13 ng Abril 2022.
Magsasagawa sana ng negosasyon ang tropa ng 83rd Infantry (MATIKAS) Battalion at mga pulis sa naiulat na aktibong supporter ng Communist Terrorist Group (CTG) na kumukubkob sa teroristang grupo kasunod na rin ng sumbong at pakiusap ng mga residente sa lugar ngunit bigla silang pinaputukan ng anim (6) na armadong CNT habang papalapit sa lugar.
Layunin sana ng tropa na hikayatin ang nasabing supporter na putulin na ang suporta sa CTG at makipagtulungan sa gobyerno na himukin din ang mga miyembro nito na sumuko na lamang sa pamahalaan.
Nauwi sa halos limang (5) minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig na nagresulta sa agarang pagkasawi ng dalawang (2) miyembro ng CNT .
Samantala, nakuha naman sa mga kalaban ang isang (1) M16 rifle, isang (1) 9mm pistol, sari-saring mga kagamitang pang komunikasyon, at maka-terorista at personal na kagamitan.
Labis naman ang pasasalamat ni Lt. Col. Clark R. Dalumbar, Battalion Commander ng 83IB dahil walang nasugatan sa tropa gayundin sa mga taong barangay sa nangyaring sagupaan.
“Nagpapasalamat tayo at walang nasugatan sating mga tropa. Gayun din, taos puso rin po ang ating pasasalamat lalong lalo na sa mga residente ng barangay San Vicente, Garchitorena sa kanilang patuloy na pakikipagtulungan sa atin upang sugpuin ang mangilan-ngilan pang natitirang miyembo ng CTG. Nais sana nating idaan sa mapayapang pamamaraan ang lahat ngunit sa kasamaang palad ay dahas pa rin ang isinalubong sa atin ng mga kalaban,” ani Lt. Col. Dalumbar.
Binigyang diin naman muli ni Col. Edmundo Peralta, Commander of the 902nd Infantry (FIGHT AND SERVE) Brigade na kailanman ay walang maidudulot na mabuti ang impluwensiya ng terorista sa buhay ng bawat Pilipino.
“Dahil sa komunismong paniniwala ay dalawang buhay na naman ang nasayang, dalawang buhay na maari pa sanang nabago at nabigyan ng pag-asa. Patunay ang pagkamatay ng dalawang miyembro ng CNT na walang naidudulot na kabutihan sa buhay at maging sa mga pamilya nila ang maka-teroristang impluwensiya ng CTG,” ani Col. Peralta.
Bukod dito, binigyang diin ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Police Director Region 5 ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga kasundaluhan sa pagpapatupad ng mas pinaigting na security at civil operations upang mas lalo pang mapahina ang teroristang grupo.
“Laging magkaagapay ang pulisya at ang kasundaluhan sa pagpapatupad ng mga operasyon kontra sa CTG. Mas pinaiigting natin ang pagbibigay impormasyon sa mga tao kung ano nga ba talaga ang imahe na meron ang teroristang grupong ito,” ani PBGen. Estomo.
Samantala, tiniyak ni Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at ng Joint Task Force Bicolandia na patuloy na gagampanan ng Spear Division ang mandato nito upang mapanatili ang kapayapaan at mapigilan ang anumang banta ng terorista sa Bicolandia.
“Patuloy ang mandato ng JTF Bicolandia sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsalag sa anumang masasamang plano ng mga CTG sa rehiyong Bikol. Ang naganap na engkwentro ay malaking pinsala sa teroristang grupo dahil sinasalamin nito na patuloy ang pakikipagtulungan ng mga residente ng barangay sa pagbibigay impormasyon sa presensya ng mga kalaban. Sinasalamin din nito na well-informed na ang mga tao sa mga kamalian at karahasan na ginagawa ng CTG,” ani Maj. Gen. Luna.
Kung maalala, nitong Marso 10, ay nagkaroon din ng engkwentro sa pagitan ng 83IB kontra CTG sa Barangay JMA Alberto, Catanduanes sa tulong na rin ng impormasyon na nagmula sa mga residente.
Nagresulta ang nasabing engkwentro sa pagkasawi ng isang (1) miyembro ng CNT at pagkakarekober sa isang (1) M14 rifle, 17 anti-personnel mines, at ilan pang mga maka-teroristang kagamitan.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/mga-sundalo-at-pulis-napalaban-dalawang-teroristang-npa-patay-sa-camarines-sur/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.