From ABS-CBN (Mar 25, 2022): US Navy aircraft carrier na nag-ensayo sa West PH Sea, muling dumayo sa Pilipinas (US Navy aircraft carrier that practiced in the West PH Sea, returned to the Philippines) (By Anjo Bagaoisan)
Sa gitna ng sigalot sa West Philippine Sea, patuloy na nagsasagawa ng joint at combined exercises sa dagat ang militar ng Estados Unidos at mga kaalyado nito, kabilang ang Pilipinas.
Pinasilip sa ilang taga-media ang operasyon ng aircraft carrier na USS Abraham Lincoln, na dumayo malapit sa Maynila nitong linggo.
Ang barko ay ang flagship ng Carrier Strike Group 3 ng US Navy at lumayag mula US noong Enero papuntang Asya.
Pinangunahan ng USS Abraham Lincoln ang large-scale training exercise sa Philippine Sea kasama ang Japanese Maritime Self-Defense Force.
Kabilang din sa mga pagsasanay na ginawa ng mga tauhan nito ang pakikibagay sa iba pang carrier ship, jungle warfare, at pagpapalipad ng mga eroplano mula rito tuwing gabi.
Nakahanda rin ang barko na tumulong sa humanitarian operation, gaya ng pagresponde sa nasalanta ng kalamidad.
"Our presence and engagement demonstrates our commitment to the region as we continue to protect our collective interests, enhance our security and safeguard our shared values," ani Rear Admiral Jeffret Anderson.
Sa mahigit 5,000 na tauhan sa barko, hindi bababa sa 16 ang mga Pinoy dito.
Sabik na rin sila makabisita sa Pilipinas, lalo’t ang ilan sa kanila ay aabot ng 3 dekada nang hindi pa nakakauwi.Inaabangan din nila ang pagkain ng lutong Pinoy.
May isa pang koneksyon ang USS Abraham Lincoln sa Pilipinas dahil sa unang naging misyon nito—ang paglikas ng libo-libong tao at maging alagang hayop noong pumutok ang bulkang Pinatubo noong 1991.
Sa Lunes magsisimula na ang Balikatan 2022 exercises ng Pilipinas at US na tinaguriang pinakamalaki sa kasaysayan dahil sa paglahok ng halos 9,000 sundalo ng 2 bansa.
https://news.abs-cbn.com/news/03/25/22/us-navy-aircraft-carrier-muling-dumayo-sa-pilipinas
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.