Posted to Kalinaw News (Mar 29, 2022): Isang miyembro ng CTG patay, dalawang iba pa naisalba; mga dekalibreng baril nasamsam sa engkwentro sa Oas, Albay (One CTG member dead, two others rescued; high caliber guns were also seized during the encounter in Oas, Albay)
CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur- Sa gitna ng naitalang engkwentro sa pagitan ng Communist Terrorist Group (CTG) at pinag-isang pwersa ng 49th Infantry (GOOD SAMARITANS) Battalion at ng Police Regional Office 5 (PRO5) mas piniling isalba ng tropa ng gobyerno ang dalawang miyembro ng CTG habang ang isa nitong kasamahan ay hindi pinalad na mabuhay sa nangyaring palitan ng putok sa bayan ng Oas, Albay dakong alas singko ng umaga nitong Marso 27.
Una rito, nauwi sa halos dalawampung (20) minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng mga terorista matapos ang isinagawang combat at security operation, kasunod ng sumbong ng mga residente ukol sa presensya ng mga terorista sa Barangay Badbad.
Matapos ang engkwentro, isang bangkay ang iniwan ng mga nagsitakas na mga CTG kung saan nakuha rin sa pinangyarihan ang ilang mga kagamitan, kabilang na ang dalawang (2) M16 na baril, (2) anti-personnel at isang (1) anti-vehicle mines, sari-saring mga kagamitang pampasabog, ilang mga bala, mga kagamitang pang komunikasyon, dalawang (2) laptop at isang (1) printer, at ilan pang mga personal at pampropagandang kagamitan ng mga terorista.
Kaugnay nito, muling nagkapalitan ng putok ang CTG at tropa ng gobyerno kasunod ng ikinasang blocking operation sa Barangay Bangiawon sa parehong bayan na nagresulta sa pagkakasalba sa dalawang CTG member.
Ayon kay Lieutenant Colonel Benjamin A. Tapnio, Battalion Commander ng 49th Infantry Battalion, agad na inilagay sa ligtas na lugar ang dalawang nakuhang CTG member.
“Kailanman po ay hindi tayo tumingin sa kulay ng sinuman, kalaban man o hindi, mas mahalaga ang buhay ng bawat isa. Pagpapakita lamang ito na ang Armed Forces of the Philippines ay nirerespeto at pinapahalagahan ang karapatang pantao ng bawat inbidwal, mapakalaban man o hindi”, ani Lt. Col. Tapnio.
Kaugnay nito, kinilala ni Colonel Edmundo G. Peralta, Brigade Commander ng 902nd Infantry Brigade ang tagumpay ng mga sundalo at ang pagpapakita ng tiwala ng mga residente sa mga kasundaluhan.
“Malugod ko pong pinapasalamatan ang mga residente ng Oas sa pagbibigay ng tiwala sa ating mga tropa, naging matagumpay po ang operasyon hindi lang po dahil sa ipinakitang husay ng ating mga tropa, kundi dahil na rin sa inyong pagtitiwala at kooperasyon sa amin”, ani Col. Peralta.
Samantala, tiniyak naman ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Police Director ng PRO5 ang patuloy na operasyon ng mga sundalo at kapulisan laban sa mga terorista.
“Hindi po titigil ang inyong kapulisan at kasundaluhan na tumugon sa anumang bantang dala ng mga teroristang grupo at hindi palalampasin ng batas ang lahat ng paglabag nila sa mga karapatang pantao”, ani PBGen. Estomo.
Muli namang nanawagan si Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia sa mga terorista na sumuko na lamang upang hindi masayang ang kanilang buhay, gayundin ang pakiusap sa mga kamag-anak nito na makipagtulungan sa pamahalaan.
“Maaring nagapi natin ang kalaban sa operasyong ito, ngunit hindi rito nagtatapos ang patuloy nating pagtugis sa humihina nang pwersa ng CTG sa ating rehiyon. Sa kabila nito, patuloy din ang aming panawagan sa teroristang grupo na sumuko na lamang at mamuhay ng mas matiwasay kasama ang inyong mga pamilya”, ani Maj. Gen. Luna.
Kaugnay nito, binigyang diin din ng Division Commander sa mga natitirang miyembro ng CTG sa rehiyon ang mga programa ng gobyerno na nakaabang sa kanila, ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Matatandaan, nitong Marso 16, nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at ng miyembro ng CTG sa Labo, Camarines Norte, kung saan isang miyembro nito ang nasawi at nagresulta naman sa pagkakarekober ng ibat-ibang mga maka-teroristang kagamitan.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/isang-miyembro-ng-ctg-patay-dalawang-iba-pa-naisalba-mga-dekalibreng-baril-nasamsam-sa-engkwentro-sa-oas-albay/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.