Thursday, March 17, 2022

Kalinaw News: Enkwentro; nangyari sa pagitan ng tropa ng Gobyerno at CTG sa Labo

Posted to Kalinaw News (Mar 17, 2022): Enkwentro; nangyari sa pagitan ng tropa ng Gobyerno at CTG sa Labo (Encounter; occurred between Government troops and CTG in Labo)



CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur-Nakasagupa ng pinagsamang tropa ng 9th Infantry Batallion (9IB) at PNP ang di lalampas sa labinlimang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Kanapawan, Labo, Camarines Norte dakong alas-syete ng umaga nitong ika-16 ng Marso, taong kasalukuyan.

Ayon sa report, nakipagpalitan ng putok ang Scout Platoon ng 9th Infantry Battalion sa mga terorista matapos ang isinagawang combat at security operation sa lugar, kasunod ng sumbong ng mga residente ukol sa pananakot at extortion activites ng mga nagtatagong terorista sa kanilang barangay.

Ang engkwentro ay nagresulta sa pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang CTG member na basta na lamang iniwan ng kanyang mga kasamahan at nagsitakas matapos ang insidente.

Isang sundalo naman ang nag-buwis ng kanyang buhay sa ginawa nitong kabayanihan matapos bigyang proteksyon ang mga taong barangay sa gitna ng bakbakan.

Kaugnay nito, kinilala ni Lieutenant Colonel Clito R. Lelina, Commander ng 9th Infantry Battalion ang kabayanihang ginawa ng namayapang sundalo.

“Kabayanihan po ang ginawa ng ating tropa, isang patunay ito na hindi kami takot na harapin ang mga terorista kahit ano man ang kapalit nito. Lahat ng ito ay para sa pagtatanggol ng sambayanan. Hindi sana ito ang ating ninanais na mangyari, kaya hindi rin kami napapagod na manawagan sa mga miyembro ng CTG at mga pamilya nila na magbalik loob na lamang at mamuhay ng mapayapa para matapos na ang tunggaliang ito”, ani Lt. Col. Lelina.

Pinasalamatan naman ni Col. Edmund G. Peralta, Commander ng 902nd Infantry Brigade ang mga residente sa lugar sa pagpapaabot ng impormasyon.

“Pinapasalamatan ko ang mga taong barangay dahil sa patuloy na kooperasyon nila na maitaboy ang mga miyembro ng teroristang grupo na ito sa kanilang lugar. Isa itong malaking dagok sa mga kalaban na patuloy nang itinataboy ng sambayanan”, ani Col. Peralta.

Samantala, binigyang diin ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Police Regional Director ng PRO5 na patuloy ang kanilang suporta sa kampanya kontra insurhensiya.

“Hindi po titigil ang kapulisan na magbigay aksyon laban sa mga maling gawaing ito ng mga terorista at paglabag nila sa mga karapatang pantao at batas. Patuloy po naming tutugisin ang mga CTG lalo na at kumokonti na ang kanilang mga miyembro at patuloy ang pagkawasak ng kanilang mga pinagtataguan”, ani PBGen. Estomo.

Nagbigay naman ng pahayag si Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia matapos ang naganap na engkwentro.

“Isa itong pahiwatig na maliit na lamang ang pwestong ginagalawan ng mga terorista. Pinapakita nito na malaki ang implikasyon ng partnership ng Army sa mga lokal na komunidad gaya ng pakikipag-ugnayan natin sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga lokal na serbisyo at komunikasyon ukol sa mga problema na karaniwang ginagamit ng mga terorista sa mga mapanlinlang nilang propaganda”, ani Maj. Gen Luna.

Dagdag pa rito, binigyang diin din ng Division Commander sa mga natitirang miyembro ng CTG sa rehiyon na magbalik loob na lamang sa puder ng gobyerno at yakapin na ang pangmatagalan na kapayapaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).

Matatandaan, nitong ika-10 ng Marso, nagkaroon rin ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng CTG sa Barangay JMA Alberto, San Miguel, Catanduanes na nagresulta sa pagkasawi ng isang hindi pa nakikilalang CTG member at pagkakarekober ng isang baril at sari-saring mga maka-teroristang kagamitan.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/enkwentro-nangyari-sa-pagitan-ng-tropa-ng-gobyerno-at-ctg-sa-labo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.