Thursday, March 17, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Ika-27 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, ginunita

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 17, 2022): Ika-27 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, ginunita (27th anniversary of the death of Flor Contemplacion, commemorated)
 





March 17, 2022

Nagmartsa ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Migrante International kaninang umaga, Marso 17, sa Mendiola sa lunsod ng Maynila para gunitain ang ika-27 taong anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, isang migranteng manggagawa na pinarusahan ng kamatayan sa Singapore.

Si Contempacion ay namasukan noon na isang katulong sa Singapore na idinawit sa pagpaslang sa isang kapwa Pilipina na katulong at anak ng isang Singaporean at hinatulan ng kamatayan ng gubyerno ng Singapore noong 1995. Binitay siya noong umaga ng Marso 17, 1995.

Nagtulak ng malawakang mga protesta at demonstrasyon kapwa sa Pilipinas at Singapore ang kontrobersyal na pagbitay kay Contemplacion. Kinundena noon ng mga Pilipino ang rehimeng Ramos sa pagpapabaya nito sa mga migrante at pagtutulak sa mga Pilipino na dumayo sa ibayong-dagat para magtrabaho.

“Kinikilala at inaalala namin si Flor sa panahong ilampung libong Pilipino ang patuloy pa ring natutulak na lumisan sa bansa araw-araw para lamang matugunan ang kani-kanilang mga pamilya,” ayon sa Migrante International.

“(S)umasailalim sila sa hindi makataong mga kundisyon sa paggawa, diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aabuso sa trabaho at hindi makatarungang detensyon o deportasyon, pagpupuslit at iligal na rekrutment,” dagdag ng grupo.

Matapos ang tatlong dekada, ayon sa Migrante, nagdurusa pa rin ang mga Pilipino sa parehong kapalaran ni Contemplacion. Binigyang-diin ng grupo na ang pagkamatay ni Contemplacion ay matingkad na paalala sa mamamayan ng malubhang kalagayan ng mga migranteng manggagwa.

“Sa ilalim ng rehimeng Duterte, dumami ang bilang ng mga migranteng namamatay, inaabuso, ikinukulong at nasa death row, biktima ng trafficking at paglabag sa karapatan sa paggawa. Marami sa kanila ang hindi nabigyan ng kagyat at kumprehensibong pagkalinga at ligal na tulong at buong proteksyon sa kanilang mga karapatan mula sa gubyerno,” ayon sa Migrante.

Sa kasalukuyan, 92 migranteng manggagawang Pilipino ang nasa death row sa iba’t ibang bansa.

Lumahok sa protesta sa Mendiola ang mga kinatawan ng Bayan Muna Partylist at kandidato pagkasenador ng Makabayan na si Elmer Labog. “Hustisya para sa lahat ng mga biktima ng Labor Export Program!” panawagan ni Labog.

Para sa Migrante International, kinikilala nila si Contemplacion sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga migranteng manggagawa para sa kanilang karapatan, kabuhayan, dignidad, serbisyo at proteksyon.

“Bitbit namin ang sulo ng hustisya para kina Jakatia Pawa, Constancia Dayag, Joanna Demafelis, Mary Jean Alberto, Jeannelyn Villavende, Grace Santos at lahat ng mgiranteng biktima ng pagsasamantala,” pagtatapos ng grupo.

https://cpp.ph/angbayan/ika-27-taong-anibersaryo-ng-pagkamatay-ni-flor-conemplacion-ginunita/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.