Monday, March 28, 2022

CPP/NDF-RCTU-Southern Tagalog: Isang taong kawalang-hustisya sa walang-awang pagpaslang kay Dandy Miguel! Singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Duterte at berdugong NTF-ELCAC!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 28, 2022): Isang taong kawalang-hustisya sa walang-awang pagpaslang kay Dandy Miguel! Singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Duterte at berdugong NTF-ELCAC! (Injustice in the ruthless murder of Dandy Miguel! Charge the US-Duterte regime and butcher NTF-ELCAC!)



Fortunato Magtanggol
Spokesperson
Revolutionary Council of Trade Unions-Southern Tagalog
NDF-Southern Tagalog | National Democratic Front of the Philippines

March 28, 2022

Kasama ng buong hanay ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan, mariing kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Union – National Democratic Front – Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) ang patuloy na kawalan ng hustisya makalipas ang isang taon ng pamamaslang ng rehimeng US-Duterte at berdugong NTF-ELCAC sa lider manggagawang si Dandy “Pang Dandy” Miguel!

Naitulak lamang ng malakas na pagkundena ng mga manggagawa, organisasyong masa, mga kaibigan, alyado sa loob at labas ng bansa ang pakitang tao na isinagawang imbestigasyon ng binuong Special Investigating Team (SIT) sa ilalim ng AO35. Tunay na inupuan lamang ng SIT ang imbestigasyon nito at walang ginawang seryosong paghahabol at pagpapanagot sa may kagagawan ng brutal na pagpaslang kay Dandy Miguel – ikalawang tagapangulo ng PAMANTIK-KMU at pangulo ng unyon sa pagawaan ng Fuji Electric sa Canlubang, Calamba, Laguna.

Paano nga naman hahabulin at paparusahan ng Department of Justice(DoJ) sa ilalim ng AO35 SIT ang mga pumaslang kay Dandy Miguel, kung ang mga nasa likod nito ay mismong si Duterte at mga berdugo sa NTF-ELCAC? Kahalintulad ng mga taktikang ginagawa nila sa iba pang mga pinaslang na aktibista, pinaratangan din nila si Dandy Miguel bilang banta sa pambansang seguridad, kaaway ng estado. Matatandaang dumanas muna ng araw-araw na pagbabanta sa buhay at red-tagging bago siya brutal na pinaslang ng mersenaryong AFP at PNP noong gabi ng Marso 28, 2021 habang papauwi sa kanilang bahay galing sa trabaho.

Hindi pwedeng maghugas-kamay ang rehimeng US-Duterte at NTF-ELCAC sa kanilang mga krimen na tigmak ng dugo mula sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga lider-masa’t aktibista sa bansa gaya ng karumal-dumal na pagpaslang kay Pangulong Dandy. Isinagawa ang pagpaslang kay Dandy Miguel, tatlong linggo matapos ilunsad ng NTF-ELCAC ang “Bloody Sunday” na pumaslang sa siyam(9) na mga aktibista at lider masa sa rehiyon, dalawang araw, matapos ipag-utos ni Duterte na “patayin ang lahat ng mga rebeldeng komunista”.

Para bigyan pa ng lakas ng loob ang kanyang mga asong ulol na berdugong militar at pulis na palawakin pa ang pamamaslang, pagmamayabang niyang sinabi sa isang pagpupulong ng NTF-ELCAC noong March 18 sa Tacloban City na “wag mag-alala ang mga sundalo at pulis dahil sagot ko kayo! Patay human rights? Okay pasok ako sa kulungan? Tutal matanda na ako, hindi ako magtatagal sa preso na yan”.

Walang awang pinaslang si Dandy na ang tanging hangad ay makamit ang kahingian ng manggagawa na pambansang minimum na pasahod na P750.00, paglusaw sa lahat ng tipo ng kontraktwalisasyon at pagkilala sa karapatan na magtayo ng unyon. Siya ang ika-31 aktibistang pinaslang sa rehiyong Timog Katagalugan sa anim na taong panunungkulan ng rehimeng US-Duterte at itinaon sa mismong araw ng pagdiriwang sa ika-76 na kaarawan ni Pangulong Duterte, bilang regalo. Kaya habang nagluluksa ang pamilya at buong hanay ng mga manggagawa sa rehiyon ay nagdiriwang at lubos-lubos ang katuwaan ng mga pasistang militar at pangkating Duterte sa Malakanyang.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang terorismo ng estado sa pangunguna ng NTF-ELCAC sa rehiyon. Direkta nilang pinangungunahan ang sapilitang pagpapa-disaffiliate ng mga unyong nasa ilalim ng militanteng pederasyon at militanteng sentrong unyon. Araw-araw din ang ginagawa nilang panghaharas, pagbabanta sa buhay ng mga lider manggagawa na kapag hindi tumigil at hindi nakipagtulungan sa kanilang buhong na layunin ay magagaya sila sa sinapit ng mga biktima ng “Bloody Sunday”.

Kanina lamang ay muling umatake ang mga tauhan ng NTF-ELCAC nang harasin at pagbantaan sa kanyang sariling bahay ang pangulo ng unyon sa Techno-8. Ganito din ang kanilang ginawa sa iba pang mga unyon na nasa ilalim ng KMU sa probinsya ng Laguna. Kabilang dito ang mahigit 70 lider-manggagawa at mga karaniwang kasapi ng unyon sa isang semiconductor company sa Cabuyao na halos araw-araw ding hinaharas at pinupuntahan ng mga sundalo at pulis upang pwersahin silang i-disaffiliate ang kanilang unyon sa kinaaanibang pederasyon.

Wala ding tigil sa ginagawang red-tagging sa mga kasapi at lider ng Anakpawis Partylist ang sinungaling na tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si PCOO Usec. Lorraine Badoy. Maging ang kilalang tagapagtanggol ng NTF-ELCAC na si Sen. Panfilo Lacson at Cong. Boying Remulla ay nakikorus na din sa pagreredtag sa mga dumalo sa malaking political rally ng grupo ni Vice Pres. Leni Robredo sa Cavite, ito ay sa kabila ng kanilang deklarasyon na ang Cavite ay solid ang suporta sa anak ng diktador na si BBM at Sara Duterte. Matapos ito, iligal na pinaghuhuli ang 10 kasapi at lider ng Anakpawis sa Talaba-7 sa Bacoor, Cavite, isang lider-kabataan sa Silang, Cavite habang sa Cabuyao ay hinaras din sa kanyang bahay ang Anakpawis Partylist coordinator sa probinsya ng Laguna.

Naniniwala tayong hindi kailanman mabibigyan ng hustisya at katarungan ng rehimeng US-Duterte ang mga biktima ng karumaldumal na krimen ng malawakang pagpaslang sa mga aktibista at lider masa na kagagawan mismo ng kanyang berdugong NTF-ELCAC. Kinakailangang singilin at panagutin natin ang rehimeng US-Duterte sa malawakang pagpaslang kahit tapos na ang kanyang termino. Dapat hadlangan na manalo ang mga kandidato ni Duterte na sina Marcos at Sara Duterte sa halalan 2022 na magpagpatuloy lamang ng kanyang legasiya ng kawalang pananagutan at impyunidad. Ilinaw at hikayatin nang maliwanagan ang mga nalinlang na suporter ng Botong-Boto sa Magnanakaw (BBM).

Wala ring maaasahang katarungan at tunay na panlipunang pagbabago ang mamamayan sa darating na eleksyon. Tanging sa pamamagitan ng paglulunsad ng Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) lamang makakamit ang tunay na hustisya sa lahat ng mga buktima ng rehimeng US-Duterte. Bukas na bukas na tatanggapin sa mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ang mga biktima ng panunupil ng estado upang dito nila ipaglaban at kamtin ang katarungang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Kaya nananawagan ang RCTU-NDF-ST sa uring manggagawa na tumungo sa kanayunan at magsulong ng armadong pakikibaka. Taos puso kayong tatanggapin upang makasama ang iba pang uring anakpawis sa pagsusulong ng DRB sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

HUSTISYA PARA KAY DANDY MIGUEL!
SINGILIN AT PAGBAYARIN ANG NTF-ELCAC SA KANILANG WALANG HABAS NA PAMAMASLANG SA MGA AKTIBISTA AT LIDER MASA!

https://cpp.ph/statements/isang-taong-kawalang-hustisya-sa-walang-awang-pagpaslang-kay-dandy-miguel-singilin-at-pagbayarin-ang-rehimeng-us-duterte-at-berdugong-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.