Monday, March 28, 2022

CPP/Central Committee: Itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa! Magpunyagi at sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 28, 2022): Itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa! Magpunyagi at sumulong sa landas ng matagalang digmang bayan! (Raise the resistance of the NPA and the masses! Strive and move forward on the path of protracted people's war!)

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Marso 29, 2022

Puspos ng rebolusyonaryong alab at sigla, ipinagdiriwang ngayong araw ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasama ang sambayanang Pilipino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa, ang ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Ipagdiwang natin ang mga tagumpay sa nagdaang taon at ang naipong nagawa nito sa nagdaang limang dekada ng armadong paglaban.

I. Lalong patatagalin ng inter-imperyalistang armadong tunggalian ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo

1) Patuloy na lumalala ang di malulutas na matagalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista habang kinakaharap ng mga monopolyo kapitalista ang problema ng sobrang produksyon at kaakibat na pagtaas ng antas ng di mabentang imbentaryo at pagsadsad ng presyo ng mga kalakal at tantos sa tubo.

2) Mula nang maging solong superpower nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991, nagkumpyansa ang US na dalhin ang manupaktura sa China, itaas ang pamumuhunan at maglipat ng teknolohiya at hindi lang maliliit na pagawaan. Hindi sinasadya, pinahina nito ang sariling pagmamanupaktura at pag-empleyo sa mga manggagawa.

3) Sumiklab ang gera ng US/NATO sa Ukraine laban sa Russia matapos ang walong taon ng agresyon ng mga pasistang Ukraine laban sa rehiyong Donbass mula noong kudeta ng 2014, ilang buwan pagtitipon ng mga tropang militar sa hangganan ng mga republikang bayan doon at walang habas na panganganyon sa mga imprastrukturang sibilyan.

4) Sa estratehikong pananaw, ito ay tugon (ng Russia) sa agresibong pagtulak kapwa ng imperyalistang US, ng papet na rehimen at mga alyadong pasista sa Ukraine mula noong kudetang sinuportahan ng US noong 2014, na ipaloob ang Ukraine sa Russia na lalong magpapalakas sa pagkaka-entrensera ng mga baseng militar at pasilidad paniktik na itinayo ng US, UK at NATO malapit sa Russia.

5) Muling pinatutunayan ng proxy war sa Ukraine na ang imperyalismo ay katumbas ng gera.

6) Habang nagbibigay ng armas at ayudang militar sa Ukraine, nagpataw din ang US at mga alyado nito sa NATO ng masaklaw na mga hakbanging panggigipit sa pinansya at kalakal laban sa Russia.

7) Ang panggigipit ng US ay ikinasasama rin ng loob ng mga bansa sa Europe na nag-aangkat ng 50% ng suplay nito ng natural gas mula sa Russia.

8) Ang panggigipit sa langis ng Russia ay nagresulta sa pagkapatid ng suplay at sinasamantala ng mga monopolyong kumpanya sa langis, mga bansang prodyuser ng langis, mga mamumuhunang pampinansya at hedge funds na sangkot sa ispekulasyon sa langis para itaas ang presyo ng krudo at mga produktong petrolyo.

9) (M)uli na naman ngayong kumukubabaw ang kapitalistang krisis. Ang pumapaimbulog na presyo ng mga produktong petrolyo ay nagtutulak sa gastos sa produksyon at nagbabantang patagalin lalo ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

10) Ang mga pandaigdigang sentro ng kapitalismo ay sadlak pa rin sa krisis at batbat ng problema ng mahinang produksyon at sumisirit na utang.

11) Nasa kaibuturan ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang di malulutas na problema ng sobrang produksyon, sobrang suplay ng kalakal at sobrang akumulasyon ng kapital ng mga dominanteng monoopolyong burgesya bunsod ng kapitalistang kompetisyon at anarkiya sa produksyon.

12) Patuloy ang pagbaling ng US at iba pang pandaigdigang sentro ng kapitalismo sa Keynesianismong militar para magpatuloy ang produksyon.

13) Ang pundamental na kapitalistang kontradiksyon sa pagitan ng produksyong panlipunan at pribadong akumulasyon ng labis na halaga ay patuloy na umiigting, habang ang yaman at kapital ay lalong nakokonsentra sa kamay ng iilang monoopolyong kapitalista.

14) Sa kabilang panig, dumaranas ang masang manggagawa at anakpawis ng mas malalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi at parami nang parami ang nasasadlak sa kagutuman, sagadsaring kahirapan at kalunus-lunos na kalagayang panlipunan.

15) Ang papalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ay nagluluwal ng malawak na protestang masa sa iba’t ibang dako ng mundo para labanan ang mga pang-ekonomyang hakbanging neoliberal, pasistang panggigipit at digmaang imperyalista.

16) Lalong nagiging paborable ang kalagayan para sa pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

II. Pinalubha ng impeyalistang mga patakaran ang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Duterte

1) Sa nakalipas na anim na taon, lumubha ang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at tumindi ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino dahil sa mga hakbanging neoliberal, kakumbina ang militarisasyon ng estado at mga patakaran ng terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.

2) Tumatalima ang mga hakbanging pang-ekonomya ni Duterte sa mga patakarang dikta ng gubyernong US, mga imperyalistang institusyong pampinansya at dayuhang credit rating agency (naggagrado sa mga bansa batay sa kakayahang magbayad), gayundin ng lokal na American Chamber of Commerce at kanilang mga kasosyo. Ang mga ito ay nakatuon sa pagpapalawak ng interes ng malalaking dayuhang banko at korporasyon at ang sunud-sunurang lokal na uring malalaking burgesya kumprador, malalaking panginoong maylupa, pati ang mga burukratang kapitalista.

3) Hinatak pa ni Duterte nang palalim sa krisis ang bayan. Sa nagdaang anim na taon, dumoble ang utang ng bansa mula sa wala pang ₱6 trilyon noong 2016 tungong mahigit ₱12 trilyon noong Marso, at inaasahag lalupang lolobo tungong ₱13.42 trilyon sa katapusan ng taon.

4) Hinayaan ng rehimeng Duterte ang mga imperyalista na lalupang higpitan ang kontrol at dominasyon sa lokal na ekonomya sa bisa ng inamyendahang Foreign Investments Act, ang Retail Trade Liberalization Act at ang Public Service Act

5) Bilang pagtalima sa mga iginiit ng dayuhang mga kapitalista at kanilang lokal na mga kasosyo sa negosyo, pinagtibay ni Duterte ang batas na CREATE. Ibinasura niya rin ang pagbabawal sa pagmiminang open-pit at iba pang operasyong mina at pinagtibay ang Rice Import Liberalization Law

6) Pinasidhi ng kontra-mamamayan at konta-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Duterte ang kalagayan ng mamamayang Pilipino. Sa ilalim ng batas na TRAIN, ipinataw sa balikat ng mamamayan ang pabigat na pagbubuwis sa mga kalakal at serbisyo. Ginamit ni Duterte at mga alipures niya ang kanilang kapangyarihan para magpayaman. Patuloy na lumubha ang korapsyon sa anyo ng mga kikbak at suhol kapalit ng mga pabor ng gubyerno sa mga kontrata at mga proyektong walang-pakinabang sa bayan

7) Pasan rin ng mamamayang Pilipino ang bigat ng sobra-sobrang gastusing militar at pulis ni Duterte para sa labis-labis na pagbili ng mga sarplas na kagamitang militar mula sa US, at para itaas higit sa pamantayan ang sweldo ng mga upisyal ng AFP at PNP upang bayaran ang kanilang katapatan. Dahil sa sobrang paggasta sa militar, dumanas ng kakulangan ng pondo at pagkaltas sa badyet ang pampublikong edukasyon at pampublikong kalusugan. Resulta nito, pinagdurusahan ng mga estudyante, ng kanilang mga magulang at guro ang kakulangan sa mga klasrum at guro, sweldong alipin, at kakulangan ng imprastruktura para sa distance learning at mga pasilidad para sa ligtas na pagbabalik sa harapang mga klase.

8) Hirap na hirap ang malawak na masa ng mga manggagawa at magsasaka sa tumataas na presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan at yutiliti habang nagkakamal ng dambuhalang kita ang mga kumpanya ng malalaking burgesya kumprador.

9) patuloy na pinalalakas ng imperyalismong US ang mga pwersang pangmilitar at panseguridad ng papet na estado nito. Ang US ang tunay na kumokontrol sa operasyon ng AFP na bulag na tumatalima sa doktrina sa kontrainsurhensya ng US, sa kabila ng pagkatalo ng US sa pinanghimasukan nitong mga kontrainsurhensya sa iba’t ibang bansa sa nagdaang pitong dekada.

10) Upang pahigpitin ang koordinasyon at kontrol sa operasyon ng AFP, naglunsad ang US sa nagdaang anim na taon ng 1,300 aktibidad militar kasanib ang Pilipinas, at 850 beses na nagdaong sa bansa ng kanyang mga barkong pandigma.

11) Nireorganisa ang burukrasya ng gubyerno upang ipailalim ang mga sibilyang ahensya ng estado sa kontrol ng National Task Force-Elcac, na katunaya’y isang huntang sibil-militar na siyang aktwal na nagmamando sa buong gubyerno. Pinagtibay ang batas sa terorismo ng estado (tinaguriang Anti-Terrorism Law).

12) Talamak ang mga abusong militar at pulis sa buong bansa, kapwa sa mga syudad at kanayunan.

13) Binubura ng kaaway ang lahat ng pag-iiba sa mga kombatant at sibilyan.

14) Sa lahat ng dako ng bansa, buu-buong mga barangay o kulumpon ng mga barangay ang ipinaiilalim sa batas militar na nagpapahirap sa mga komunidad ng magsasaka.

15) Sa kabila ng paulit-ulit na deklarasyong mahina na ang BHB at madudurog bago magtapos ang termino ni Duterte, patuloy na pinararami ng AFP at PNP ang mga kontra-gerilyang pwersang pangkombat nito. Mayroon ngayong 166 batalyong pangkombat ang Army, Air Force, Marines, Scout Rangers, Special Action Force at iba pang yunit ng militar at pulis na nakapakat laban sa BHB, mas marami nang 21 kesa sa nagdaang taon. Sa daming ito, nakapagtatalaga ang AFP ng 5-6 batalyon laban sa prayoridad o pinopokusan nitong subrehiyon o larangang gerilya ng BHB.

16) Halos 60% ng mga tropang pangkombat na ito ay konsentrado sa lima sa 13 rehiyon na kinabibilangan ng Southern Tagalog, Eastern Visayas, Southern Mindanao, Bicol at North Central Mindanao.

17) Lalupang lumaki ang badyet ni Duterte sa militar tungong ₱221 bilyon ngayong taon mula sa ₱217 bilyon noong nagdaang taon.

18) Kasabay nito, patuloy na tinutulungan ng US ang AFP sa pagbubuo nito ng kakayahan sa cyberwarfare upang palakasin ang internal na sistemang pangkomunikasyon ng AFP para sa eksaktong pagsubaybay sa larangan ng mga labanan upang mapalakas ang kakayahan sa pagmando at pagpakilos ng mga pwersa.

19) Habang ang pagpaparami ng lakas-pamutok ng AFP sa tulong ng US ay nagpapalakas sa kakayahang pumatay ng AFP, sa katunaya’y palatandaan ito ng lumalaking estratehikong kahinaan ng naghaharing sistema.

20) (A)ng tulak para sa napakalaking superyoridad sa militar ay nagreresulta sa kabaligtaran nitong kahinaan sa pulitika. Dahil sa lumalaking pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan ng militar, lalong silang nagiging pasaway sa pananagutan, nalalango sa korapsyon at paglaro sa pulitika, at lumalalim ang demoralisasyon sa hanay ng mga karaniwang sundalo na ginagawang pambala sa kanyon.

21) Sa nagdaang anim na taon, naghari ang reaksyunaryong estado sa ilalim ni Duterte gamit ang terorismo at karahasan ng estado laban sa mamamayan, mula sa pekeng “gera sa droga” hanggang sa kontra-rebolusyonaryong gera ng panunupil.
22) Kinasusuklaman ng mamamayang Pilipino ang rehimeng Duterte dahil sa korapsyon nito, sa pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhang kapangyarihan at sa tiranikong paghahari. Sukdulan itong nahiwalay sa mamamayan.

23)Ang mga planong nakawin ang eleksyon para sa kampong Marcos-Duterte ay nananatiling unang plano ngunit lubhang magiging mahirap na isagawa nang hindi magtutulak ng malawakang mga protestang masa at magsasapanganib sa katatagan ng naghaharing sistema.

24) Abala ang mga imperyalistang US na pangasiwaan ang nagriribalang paksyon at buuin ang mga pampulitikang aregluhan upang mapayapang magtransisyon matapos ang eleksyon. Ngayon pa lamang, may namumuong kompromiso sa hanay ng pangunahing mga paksyon ng naghaharing uri na suportahan ang tambalang Robredo-Duterte para pag-aakomodasyo sa darating na eleksyon sa presidente at bise-presidente.

25) Mayroong katiyakan o kaya’y malaking posibilidad na dadayain ni Duterte ang bilangan ng boto at gamitin ang natitirang panahon sa kanyang termino sa Mayo o Hunyo para magdeklara ng batas militar sa tabing ng paglaban sa panggugulo ng oposisyon sa eleksyon at sa mga “teroristang komunista” at hawanin ang daan para sa “swabeng transisyon” tungo sa mapipili niyang mga kapalit.

26) (D)apat matalas na mabatid ng mamamayang Pilipino na kakailanganin nilang ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga pakikibaka upang bawiin ang kanilang mga kalayaan at karapatan, at ipaglaban ang kanilang mga demokratikong hangarin.

27) (K)akailanganin ng sambayanang Pilipino na patuloy na palakasin ang kanilang mga organisasyon

III. Pagtataas sa kakayahan ng BHB na ipagtanggol ang bayan at labanan ang pasistang kaaway

1) Sa nagdaang anim na taon, matagumpay na binigo ng BHB ang brutal at malawakang estratehikong mga opensiba ng kaaway at mga deklarasyong wawakasan ang armadong rebolusyon bago matapos ang termino ng rehimeng US-Duterte. Napreserba nito ang pwersa sa pamamagitan ng pagpupunyagi sa landas ng matagalang digmang bayan at matatag na pagsulong sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

2) (D)umanas ang ilang yunit ng BHB ng seryosong mga pag-atras sa harap ng pinatinding pasistang mga atake ng kaaway. Kailangang tukuyin, punahin at iwasto ang mga pagkakamali, panloob na mga kahinaan, at mga kakulangan na nagpahina sa kakayahan ng mga yunit na ito na epektibong gamitin ang mga gerilyang taktika ng konsentrasyon, pagdispers at paglilipat.

3) Ang mga kabiguang dinanas ng ilang yunit ng BHB ay nagpapatunay sa pangangailangang isulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Pinagtitibay din ito ng positibong karanasan ng malaking mayorya ng mga yunit ng BHB na patuloy na lumalakas habang kinukumbina at kinukumpas ang tamang balanse ng gawaing militar at gawaing masa (o pangmilitar at pampulitikang mga gawain), pagpapalawak at ekspansyon, pagbubuo ng mga bertikal na yunit batay sa akmang pahalang na latag ng mga yunit ng hukbo at baseng masa, at iba pa.

4) Dapat pandayin ng BHB ang sarili at maghanda sa mas mahirap na pakikibaka habang isinusulong natin ang matagalang digmang bayan tungo sa susunod na antas.

5) Dapat tayong matuto mula sa abanteng mga karanasan ng ilang kumand ng BHB na matagumpay na nasawata ang todong mga atake ng kaaway.

6) Sa mga eryang nasa pokus ng kaaway at mga baryong nasa ilalim ng okupasyong militar, matapang na nakatitindig ang BHB at masa, sinasalag ang mga atake ng kaaway, naglulunsad ng mga kontra-atake at ipinagtatanggol ang kanilang mga sarili.

7) Bilang suporta sa paglaban ng masa sa pasistang paninibasib ng kaaway, ang mga yunit ng BHB ay naglulunsad ng malawakan at magkakasunod na aksyong atritibo sa harap ng makapal na pakat ng kaaway sa pamamagitan ng mga isnayp, paghahagis ng mga granada o molotov, at iba pang operasyong haras.

8) Mayroong malawak na panawagang buhaying muli ang mga yunit na nakabase sa syudad at kanayunan

9) Para magawang talunin ang kaaway gamit ang hawak na armas sa takbo ng digmang bayan, dapat patuloy na palakasin at palawakin ng BHB ang baseng masa sa paglulunsad ng argraryong rebolusyon para ipatupad ang minimum at maksimum na programa ng Partido sa reporma sa lupa.

Dapat ding suportahan ng BHB ang masang magsasaka sa kanilang pakikibaka laban sa patakaran ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas at iba pang produktong agrikultural.

10) Alinsunod sa patakaran ng Partido sa nagkakaisang prenteng antipyudal, sumasandig ang BHB sa mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, at ninunyutralisa ang mayamang magsasaka at ang naliliwanagang panginoong maylupa at itinutuon ang pangunahing bigwas laban sa malalaki at despotikong panginoong maylupa.

11) Sa nagdaang 53 taon ng paglulunsad ng digmang bayan, nakapag-ipon na ang BHB ng hindi mabilang ng naabot at tagumpay sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa isang bansang pulu-pulo. Kumikilos ang BHB sa mga larangang gerilyang nakakalat sa buong bansa sa 13 iba’t ibang rehiyon at tumatamasa ng suporta ng milyun-milyong mamamayan.

12) Ang digmang bayan sa Pilipinas ay kasalukuyang nasa panggitnang subyugto ng estratehikong depensiba na may malinaw na pagtanaw sa pagsulong tungo sa abanteng subyugto at pagkumpleto nito sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga platun at kumpanya.

13) Ang lumulubhang krisis ng naghaharing sistema, kakumbina ang umiigting na terorismo ng estado, ay nagtutulak sa paparaming mamamayan sa landas ng armadong pakikibaka.

IV. Mga tungkulin para itaas ang kakayahang lumaban ng BHB at ng masa

Ipinamalas ng BHB ang lubos na katatagan sa paglaban sa kaaway. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, matagumpay nitong binigo ang anim na taong estratehikong mga opensiba ng kaaway at mga planong durugin ang armadong rebolusyon.

Sa darating na isa o dalawang taon, dapat nating ipatupad ang ilang partikular na tungkulin para itaas ang kakayahan sa paglaban ng BHB at ng masa para sa matatag na pagsulong ng rebolusyon.

1) Palakasin ang pamumuno ng Partido sa BHB.

2) Masiglang ilunsad ang armadong pakikibaka at labanan ang brutal na gerang panunupil ng kaaway.

3) Palakasin ang Bagong Hukbong Bayan.

4) Palaparin at palalimin ang baseng masa ng BHB sa mga larangang gerilya.

5) Iluwal ang malawakang suporta mula sa kalunsuran para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.

6) Dapat sistematiko tayong magpropaganda sa hanay ng kaaway.

7) Agresibong lumikha ng internasyunal na suporta para sa Bagong Hukbong Bayan at rebolusyong Pilipino.

https://cpp.ph/angbayan/mga-tampok-na-sipi-mula-sa-pahayag-ng-partido-sa-ika-53-taong-anibersaryo-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.