Sunday, October 10, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mabuhay ang Workers’ Party of Korea!

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 10, 2021): Mabuhay ang Workers’ Party of Korea!


ANG BAYAN | OCTOBER 10, 2021



Binati ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Workers’ Party of Korea (WPK) sa ika-76 taong anibersaryo nito ngayong araw, Oktubre 10. Sa pahayag na inilabas ng National Executive Council, ipinaabot ng NDFP ang pakikiisa nito sa uring manggagawa at mamamayan ng North Korea. Ipinahayag nito ang “malalim na pagrespeto at paghanga” ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas sa WPK, ang partidong “namuno sa pakikibaka ng isang bansang malaya sa imperyalismo at ngayon ay naglalatag ng sosyalismo.”

Umusbong ang WPK mula sa Down-with-Imperialism Unuion (DIU) na itinayo noong Oktubre 17, 1926, sa panahong nakapailalim pa ang Korea sa okupasyong militar ng Japan. Kinatawan nito ang uring manggagawa sa bansa na siya ring pinakamatatag na lumaban para sa pambansang paglaya at para sa sosyalismo. Nakibaka ito laban sa imperyalismong Japanese kasabay ng pakikipaglaban ng mga manggagawa at mamamayan sa buong mundo laban sa kolonyalismo at imperyalismo.

Pinamunuan ng DIU ang mga manggagawa at mamamayan ng North Korea sa mahaba at matagalang pakikibaka para sa isang malaya at sosyalistang bansa. Pagkatapos nitong madaig ang imperyalismong Japanese, itinatag nito ang WPK noong Oktubre 10, 1945. Sinuong nito ang mahihirap na hamon at ipinakita sa mga manggagawa at mamamayan ng Korea at ng mundo ang mga kongkretong benepisyo ng pambansang kalayaan at sosyalismo, sa pagtakda ng sariling hinaharap at paggamit ng mga rekursong bayan para sa sariling pagpapaunlad. Ipinatupad nito ang repormang agraryo, isinabansa ang mga mayor na industriya, ipinatupad ang mga progresibong patakaran sa paggawa at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian. Itinigil nito ang paggamit ng mga manggagawang bata, nagbigay ng libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa lahat. Marami pa itong ginawa para sa kapakanan at kagalingan ng mamamayan.

Binigo ng WPK ang samutsaring mga banta at atake ng imperyalismong US, “sa pamamagitan ng mahigpit na pagtangan at mapanlikhang paggamit nito sa Marxismo-Leninismo sa pamamagitan ng kaisipan nina Kim Il Sung, Kim Jong II at Kim Jong Un,” ayon pa sa NDFP. Nanaig ang WPK dahil din sa pagsusulong nito sa interes at mamamayan ng Democratic People’s Republic of Korea at mahigpit na ugnay nito sa masa. Mula 1945 hanggang ngayon, matagumpay nitong nalabanan at nabigo ang iba’t ibang pakana ng imperyalismo.

Ikinagagalak ng NDFP ang paglulunsad ng ika-5 Sesyon ng Supreme People’s Assembly ng DPRK noong Setyembre 28 kung saan nilatag ng kasalukuyang lider nito na si Kim Jong Un ang kalagayan at mga kagyat na tungkulin ng WPK. “Nakikiisa kami sa DPRK sa pagiging mapagbantay sa mga pagkakatangka ng US at ng papet nitong gubyerno sa South Korea na maglunsad ng mga aksyong miltiar sa peninsula ng Korea at palabasang masama ang DPRK,” ayon sa NDFP.

“Kinukundena namin ang mga pagtatangkang ito at itinatakwil ang pakanang nagsusulong ng “regime change” (pagbabago ng liderato) sa DPRK para palitan ito ng bansang sunud-sunuran sa imperyalismo, nakapailalim sa diktadura ng burgesya at mga panginoong maylupa,” dagdag pa ng NDFP.

“Ang mga manggagawa at mamamayan sa Pilipinas at sa buong mundo ay nagpupugay, at natututo, sa rebolusyonaryong kasaysayan ng (WPK),” anito.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/mabuhay-ang-workers-party-of-korea/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.