Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 4, 2021): Pilipinas, pinakakulelat na naman!
ANG BAYAN | OCTOBER 04, 2021
Sa 53 bansa, pinakamahina ang Pilipinas sa paglaban sa pandemyang Covid-19 ayon sa Bloomberg Covid Resilience Ranking na inilabas noong Setyembre 28. Numero uno ang bansa bilang pinakamasamang mapaglalagiang bansa sa panahon ng pandemya. Ito ay matapos ang “tuluy-tuloy na pagsama ng tugon nito sa buong taon ng 2021.” Ang pagraranggo ay isinasagawa ng Bloomberg, isang kilalang burges na magasin na nakabase sa US na nakatuon sa mga usapin sa ekonomya at pulitika sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang paghahanay ay nakabatay sa mga pamamaraan na ipinatupad upang harapin ang pagkalat ng bayrus at ang epekto nito sa panlipunan ang pangekonomyang kalagayan ng bansa.
Bagsak ang bansa sa apat na sukatan na inilatag ng Bloomberg. Una, bumagsak nang 74% ang kapasidad nito na magbyahe sa himpapawid (air travel) at sarado pa rin ang mga hangganan nito sa mga dayuhan. Sa usapin naman ng pagkontrol ng bayrus, binigyang-pansin ng Bloomberg na umaabot sa 27% ang nagpopositibo sa mga sumasailalim sa Covid-19 testing. Ibig sabihin, kulang ang testing at nalilimita lamang sa mga nagpapakita ng sintomas, at hindi sapat ang contact tracing. Kung gayon, malaki ang posibilidad na mas marami ang hindi naibibilang na nahawa sa mga komunidad.
Ayon pa sa institusyon, malaki ang naging epekto ng pandemya sa kalidad ng buhay ng mamamayan ng Pilipinas, hindi pa rin malayang nakakikilos ang mamamayan at mabagal ang pag-usad ng ekonomya na tinatayang lalago lamang nang 4.5% sa taong ito, mas mababa kaysa unang target bago kumalat ang baryant na Delta. Matindi pa, lugmok ang imprastrukturang pangkalusugan ng bansa kumpara sa ibang lugar.
“Peklat sa ekonomya” bilang epekto ng pandemya
Pahayag naman ng United Overseas Bank, magkakaroon ng pangmatagalang “economic scarring” o pagpeklat sa ekonomya ng bansa ang pandemya at makaaapekto ito tiyak sa pag-abante ng ekonomya ng bansa pagkatapos ng pandemya. Dagdag pa sa ligalig na ito ang paparating na eleksyong 2022.
Sa taya ng Oxford Economics, lalago lamang ng 3.5% ang bansa, malayong mababa sa target ng gubyerno. Anila, apektado ang pagrekober ng ekonomya ng Pilipinas sa ikatlong kwarto ng 2021 dahil sa biglaan na namang pagpataw ng mas mahihigpit na lockdown sa National Capital Region at iba pang syudad.
Napilitan nang umamin ang National Economic and Development Authority na aabot sa 10 taon bago makarekober ang lokal na ekonomya. Ito ay matapos paulit-ulit na pagmamayabang na makababangon na ang ekonomya sa 2022 o kahit sa huling kwarto ng 2021. Ipinalalaganap ng mga heneral sa IATF na magkakaroon ng “masayang pasko” sa pangakong “bubuhos” ang bakuna sa huling kwarto ng taon.
Sinisisi ng NEDA ang mga lockdown ng IATF sa pagkalugi ng maraming negosyo at kawalan ng hanapbuhay ng milyun-milyong Pilipino. Tinataya ng ahensya na P41.4 trilyon ang halaga ng nawala sa bansa dulot ng mga lockdown. “Mararamdaman ang pagkalugi na ito sa susunod na 10 hanggang 40 taon,” aniya.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/pilipinas-pinakakulelat-na-naman/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.