Friday, October 1, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mahihirap na bansa, ibinabaon ng China sa gabundok na utang

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 1, 2021): Mahihirap na bansa, ibinabaon ng China sa gabundok na utang


ANG BAYAN | OCTOBER 01, 2021



Nabunyag sa isang pananaliksik na inilabas noong Martes na umaabot na sa $385 bilyon ang inutang ng 165 bansa sa China para sa mga proyekto sa ilalim ng Belt and Road initiative (BRI). Kabilang dito ang malalaking pautang na hindi iniuulat ng China tulad ng mga special purpose at semi-private loan. Ang pag-aaral ay ibinatay sa apat na taong pag-aaral ng AidData, institusyon sa pananaliksik sa nakabase sa College of William & Mary sa US.

Mula sa dating kaayusan ng pagpapautang na gubyerno-sa-gubyerno, mas malaking bahagi (70%) ng mga pautang nito ngayon ay idinadaan sa pribadong mga intitusyon at mga kumpanya at bangkong pag-aari ng estado para ikutan ang istriktong mga rekisito sa pag-uulat ng mga utang. Ayon sa pananaliksik, hindi lumalabas ang mga pautang na ito sa listahan ng mga pautang ng mahihirap na bansa dahil hindi nila direktang ka-transaksyon ang mga gubyerno.

Napag-alaman na umaabot sa 42 mahirap na bansa ang pinautang ng China ng mahigit 10% sa kani-kanilang gross domestic product (GDP o kabuuang halaga ng lokal na produksyon), kabilang ang Laos, Papua New Guinea, the Maldives, Brunei, Cambodia at Myanmar. Pinakamasahol dito ang pautang para sa $5.9-bilyong China-Laos railway project, na popondohan gamit ang “hindi upisyal” na utang na katumbas na sangkatlo ng GDP ng bansa. Habang tumataas ang porsyentong ito sa kabuuang laki ng kanilang ekonomya, lalong tumataas ang posibilidad na hindi mabayaran ang utang.

Sa buong mundo, marami ang kumukwestyon sa kawalan ng “transparency” o hindi bukas sa publiko na mga transaksyon para sa mga proyekto sa ilalim ng BRI at mga alegasyon ng pagpapatupad ng China sa iskemang “debt trap diplomacy.” Ito ay ang pag-oobliga sa mga estadong nangutang na isuko sa China ang soberanong karapatan sa kanilang mga pag-aari bilang kolateral. Tampok na halimbawa nito ang pagsuko ng Sri Lanka sa Hambantota Port, ang pangalawang pinakamalaking daungan sa bansa, noong 2017. Ipinailalim nito ang pantalan sa kontrol ng China sa loob ng 99 na taon matapos mabigong bayaran ang $1 bilyong utang para sa pagpapaunlad rito.

Isa pang halimbawa ang pagbabayad ng 80% ng mga rekursong langis ng Ecuador sa China matapos ito mabigong bayaran ang $1.68-bilyong utang na ginamit para sa konstruksyon ng Coca Codo Sinclair Hydroelectric Dam. Sa Pilipinas, may katulad na probisyon na nakasaad sa ilalim ng mga kontrata ng ₱4.7-bilyong Chico River Pump Irrigation project sa Cordillera at ₱12.2-bilyong Kaliwa Dam project sa Sierra Madre. Nakasaad dito na kailangang isuko ng bansa ang soberanong karapatan nito sa tinaguriang mga “patrimonial asset” (mga natural na rekurso) nito oras na mabigo itong bayaran sa takdang panahon ang inutang para sa naturang mga proyekto.

Maliban dito, tinukoy din ng ulat na pinaarangkada ng China ang pagpapautang nito sa mga bansang mayaman sa rekurso kung saan laganap ang korapsyon. Ayon sa pananaliksik, nasa 35% ng mga proyekto sa ilalim ng BRI ang kumaharap sa mga isyu ng korapsyon, paglabag sa karapatan sa paggawa, pagpinsala na kalikasan at malawakang mga protestang bayan.

Dumarami ngayon ang mga bansang umaatras sa kanilang mga kontrata sa pangungutang sa China dulot ng labis na pagpepresyo sa mga proyekto sa ilalim ng BRI at korapsyon. Kabilang dito ang umaabot sa $11.58-bilyong halaga ng mga proyekto sa Malaysia na kinansela mula 2013 hanggang 2021; $1.5 bilyon sa Kazakhstan; at $1 bilyon sa Bolivia.

Inilunsad ni Xi Jinping ang BRI noong 2013 bilang nangungunang programa nito sa dayuhang pamumuhunan sa mga proyektong imprastruktura. Pangunahing pokus nito ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay, pantalan at iba pang imprastruktura gamit ang mga pautang para palakasin ang pakikipagkalakalan ng China sa Central at West Asia, at Europe, at upang magamit ang labis na kapital nito, at mabenta ang sobra nitong mga kagamitan sa konstruksyon.

Sa kabuuan, mayroon nang 13,427 mga proyektong nagkakahalaga ng $843 bilyon ang inilatag ng China sa 165 bansa sa ilalim ng inisyatibang ito. Layunin ng agresibong pagpapautang na palawakin ang hegemonya at impluwensyang pang-ekonomya at pampulitika ng China sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hinahamon ito ngayon ng ibang malaking kapitalistang bansa sa ilalim ng G7 sa pangunguna ng imperyalismong US sa tinagurian nitong “Build Back Better World infrastructure initiative.”

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/dinadaganan-ng-china-ng-gabundok-na-utang-ang-mahihirap-na-bansa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.