Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 14, 2021): Singilin ang rehimeng US-Duterte sa higit pang pinakitid na akses ng mamamayang Pilipino sa libre, abot-kaya at de-kalidad na edukasyon! Itaguyod ang pambansa, syentipiko at makamasang edukasyon!
KATIPUNAN NG MGA GURONG MAKABAYAN-BICOLNDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JULY 14, 2021
Walang karapatan si DepEd Sec. Leonor Briones at sinumang bayarang alagad ng rehimeng US-Duterte na umastang galit at maggiit ng public apology dahil sa lumang datos umanong ilinabas ng World Bank (WB) na nagsasalarawan ng kalunos-lunos na estado ng edukasyon sa bansa. Hindi ba’t ilang ulit pa ngang mas masahol ang kasalukuyang kalagayan?
Laging nahuhuli at hindi makahabol, kahit ang mga de-kalidad na unibersidad at kolehiyo sa National Capital Region (NCR), sa mga internasyunal na istandard. Sa rehiyon, kulelat ang mga Bikolanong mag-aaral pagdating sa National Admission Test (NAT), laluna sa reading comprehension. Noong 2020, naitala pa ngang 70% ng mga Bikolano ang hindi marunong magsulat at magbasa. Nang maglabasan ang mga modyul para sa modular learning, pinupog ito ng mga puna dahil sa mga naglabasang maling grammar, maling kompyutasyon at iba pa. Nakapanlulumong isipin ang kahahantungan ng mga mag-aaral sa bansa pagkatapos ng pag-aaral sa panahong ito ng pandemya. Laluna’t dati nang nakapaling sa komersyalisasyon at pabrika lamang ng murang lakas-paggawa ang mga eskwelahan sa halip na bigyang-pansin ang pagpapaunlad ng mga kakayahang kailangan ng pambansang pagpapaunlad gaya ng pagpapausbong ng mga propesyunal.
Sa isang malapyudal at malakolonyal na bansa tulad ng Pilipinas, hindi nakapagtataka ang pag-iral ng bulok na sistema ng edukasyon. Nasa interes ng naghaharing-uring panatilihing mangmang ang lahat ng uring inaapi’t pinagsasamantalahan. Maraming bata’t kabataan kapwa sa kanayunan at kalunsuran ang pinagkakaitan ng libre, de-kalidad at abot-kayang edukasyon dahil sa kahirapan at militarisasyon. Higit pa itong tumindi ngayong panahon ng Covid-19, gayong linilimitahan ng palpak na modular learning ang akses ng mga mag-aaral at nais makapag-aral. Hanggang sa kasalukuyan, nakatengga pa rin ang communication allowance na dapat ibigay sa mga guro, laluna’t pamalagiang kinakailangan ng internet connection sa panahon ng modular learning. Malaking potensyal ng kabataan ang sadyang sinasayang at hindi linilinang ng reaksyunaryong estado.
Habang pinananatili ang ganitong abang kalagayan ng sistema ng edukasyon, idinedeklara namang iligal, binabansagang terorista at hinahadlangan ng pasistang estado ang lahat ng pagsisikap ng mga rebolusyonaryo, progresibo at makabayang organisasyong makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon, laluna sa kanayunan. Ipinasara at patuloy pang inaatake ang mga eskwelahan ng lumad. Ang mga makabayang organisasyong nagtutulak para sa libre, abot-kaya at de-kalidad na edukasyon ay tuluy-tuloy na inaatake ng red-tagging at ginagawang iligal. Ang rebolusyonaryong kilusang nagmumulat sa masang anakpawis at nag-aangat ng kanilang kaalaman at pag-unawa sa lipunan ay tinuturing na banta sa seguridad ng bansa at terorista.
Nananawagan ang KAGUMA-Bikol sa lahat ng gurong nagmamalasakit at nagnanais na makahulma ng matatalino’t kritikal na kabataan-estudyanteng magkaisa at palakasin ang kanilang panawagan para sa pambansa, syentipiko at makamasang sistema ng edukasyon. Papanagutin sina Briones, Duterte at iba pang alagad ng pasistang estadong nagkait sa mamamayang Pilipino ng kanilang karapatang matuto at makatamasa ng de-kalidad na edukasyon. Nasa kamay ng mga tunay na makabayan at progresibong guro, kabataan, bata at iba pang aping sektor ang kapangyarihan upang baguhin ang kabuuhang sistema ng lipunan – at kadikit nito, ang pagpapalaya sa sistema ng edukasyon mula sa tanikala ng reaksyunaryong pwersa.
https://cpp.ph/statements/singilin-ang-rehimeng-us-duterte-sa-higit-pang-pinakitid-na-akses-ng-mamamayang-pilipino-sa-libre-abot-kaya-at-de-kalidad-na-edukasyon-itaguyod-ang-pambansa-syentipiko-at-makamasang-edukasyon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.