Sunday, April 25, 2021

Kalinaw News: “Kabsat Ko, Ipateg Ko (Kapatid ko, Mahalaga sa akin)- Lamesang Bayan” ng 5ID, umarangkada!

Posted to Kalinaw News (Apr 25, 2021): “Kabsat Ko, Ipateg Ko (Kapatid ko, Mahalaga sa akin)- Lamesang Bayan” ng 5ID, umarangkada!



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Umarangkada na ang “Kabsat Ko, Ipateg Ko (Kapatid ko, Mahalaga sa akin)– Lamesang Bayan” ng 5th Infantry Division (5ID), Philippine Army sa ilalim ng kanilang Command Social Responsibility na kung saan, nabahagian ng ayuda ang ilang mga residente sa syudad ng Ilagan at bayan ng Naguilian, Isabela ngayong ika-24 ng Abril taong kasalukuyan.

Sa pamamagitan ng boluntaryong ambagan ng bawat sundalo ng 5ID, pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ilang non-government organizations, nakalikom ng sari-saring mga gulay, bigas, mga pampalasang tulad ng sibuyas, bawang, suka, toyo, seasoning, at maging mantika. Mayroon ding mga itlog, noodles, delata, kape, asukal, bitamina at mga damit na naipamahagi sa mga residente na kinabibilangan ng mga katutubong Agta sa Barangay Cabisera 10, isa sa mga liblib na lugar ng Ilagan City at sa Barangay Burgos, Naguilian, Isabela.

Nabili ang mga gulay mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at Isabela Agri-Pinoy Trading Center (IAPTC) na binabagsakan ng produkto ng mga magsasaka sa Cordillera at Lambak ng Cagayan. Habang binili naman mula sa mga Former Rebels ang mga itlog na galing sa kanilang livelihood program mula sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster ng Regional Task Force-End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ng Rehiyon Dos. Layunin nito na matulungan ang mga magsasaka at mga former rebels na mabili ang kanilang mga produkto. Upang matulungan naman ang mga negosyanteng nagsisimula pa lamang sa kanilang negosyo, sa kanila naman bumili ng mga ipinamahaging noodles, mga delata at iba pang kailangan sa pagluluto. Nakiisa rin sa bayanihan ang sektor ng simbahan sa pamamagitan ng Church of Christ mula sa Roxas, Isabela na mamahagi ng mga bitamina at mga damit.

Malaki ang naging pasasalamat ng mga residente sa ipinaabot na tulong ng kasundaluhan lalo pa’t nararanasan pa rin nila ang hirap na dulot ng pandemya. Ayon kay Barangay Chairperson Dominico Lelina ng Barangay Burgos, ilan sa kanyang mga kabarangay ang nawalan ng hanapbuhay mula nang magkaroon ng pandemya na naghanap ng temporaryong mapagkakakitaan. Ibinahagi rin ng kapitan, ang kahirapan ng transportasyon sa kanilang barangay dahil sa mahigpit na pagsunod sa mga inilatag na health protocols kontra CoVID-19. “Hindi po madali ang pagbyahe ng mga gustong pumunta ng bayan upang makapamili ng kanilang pangangailangan dahil sa hirap ng transportasyon. Napakalaking tulong para sa amin ang ipinamahagi ng ating kasundaluhan dito sa aming barangay. Kaya labis po akong nagpapasalamat lalo na kay Maj. Gen. Mina dahil hindi nila nakalimutan ang aming barangay.”

Tuwang-tuwa naman si Lola Lorita Lazaro, residente sa barangay Burgos nang makakuha ng sapat na mga gulay para sa kanyang ilang araw na pagkonsumo. Aniya, napakaswerte nila sa kanilang Barangay dahil bagamat may kalayuan ang kanilang lugar, nagawa pa rin silang mapuntahan ng kasundaluhan upang makapag abot ng ayuda para sa kanila.

Malaki rin ang naging pasasalamat ni Joefer Areola ng kaparehong barangay dahil sa pagsisikap ng kasundaluhan na marating ang kanilang Barangay. Wala rin umano siyang narinig na reklamo mula sa sundalong nagbuhat ng sako-sakong mga gulay, bigas, at ilang mga sangkap panluto hanggang sa makakuha ang mga residente sa Lamesang Bayan. “Itong mga gulay at bigas ay napakalaking tulong para sa aking pamilya.

Hiling naman ni Lean Bielgo, Barangay Secretary ng San Antonio, Ilagan City ang proteksyon ng bawat kasundaluhan sa pagganap ng kanilang tungkulin upang mas marami pa ang maabot ng tulong na ipinagkakaloob sa mga mamamayan. “Nawa’y bumalik din sa inyo ang tulong na inyong ipinamahagi sa amin. Hindi po namin lubos akalain na sa kabila ng kalayuan ng aming lugar ay narating pa ito maabutan kami ng tulong.”

Bago pa man ang pamamahagi ng tulong sa mga nabanggit na lugar, nabahagian na ng tulong mula sa Lamesang Bayan ng 5ID ang mga Former Rebels at kanilang mga pamilya na sa kasalukuyan ay nasa Happy Farm Ville, Upi, Gamu, Isabela.

Samantala, nakiisa rin ang kasundaluhan ng 503rd Infantry Brigade sa itinayong Lamesang Bayan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat residente sa Tabuk City, Kalinga. Nakipagbayanihan din ang kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion sa inilunsad na Lamesang Bayan sa bayan ng Lagawe, Ifugao. Nabuo ang nabanggit na proyekto nang magbahagi ang mga residente ng kanilang tulong para sa mga nangangailngan.

Nagpasalamat naman si Maj. Gen. Laurence E Mina, Commander ng 5ID sa bayanihan ng bawat sundalo na boluntaryong nagbigay ng bahagi ng kanilang sahod upang mabigyan ng tulong ang mga pamilya na lubos na naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng proyektong “Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan (Kapatid ko, Mahalaga sa akin)” ng 5ID.

Ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa mga ahensya ng pamahalaan at non-government organizations na nagtiwala sa 5ID upang maihatid sa mga mamamayan ang kanilang ipinagkaloob na tulong. “Ang proyektong “Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan (Kapatid ko, Mahalaga sa akin)” ng 5ID na ating inilunsad ay naglalayong makapag-ambag sa hapag-kainan ng ating mga kababayang higit na naapektuhan ng pandemya at mas nangangailangan ng tulong. Ito ay nagpapakita ng pagdadamayan, pagtutulungan, pagmamalasakit at bayanihan ng mga Pilipino. Sa ating mga kababayan, sama-sama nating labanan ang pandemya sa pamamagitan ng pagkakaisa. Kung makikipagtulungan ang bawat isa sa atin, mas magiging matibay tayo hanggang sa matalo natin ang mga hamong dulot ng pandemyang ito.”



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/kabsat-ko-ipateg-ko-kapatid-ko-mahalaga-sa-akin-lamesang-bayan-ng-5id-umarangkada/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.