Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 14, 2021): Paghihimay sa pork barrel ng NTF-ELCAC o ang tinaguriang Barangay Development Program
MARCO VALBUENACHIEF INFORMATION OFFICER
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 14, 2021
Naninindigan kami na ang ₱16.4 bilyong pondo ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay walang dili’t pork barrel ng militar. At tulad ng pork barrel sa kongreso, ang BDP ay pupulpugin ng korapsyon sa porma ng kikbak sa mga proyektong imprastruktura ng gubyerno na ibubulsa kapwa ng mga local na upisyal ng gubyerno at upisyal ng militar sa pakikibagsabwatan sa mga kontraktor.
Tulad nang nauna naming nabanggit, ang programang ito, na gagamitin para akitin ang masang magsasaka na huwag nang suportahan ang Bagong Hukbong Bayan ay hindi hindi tumutugon sa pundamental na problema ng kawalan ng lupa na siyang dahilan ng armadong pakikibaka ng uring magsasaka. Ang malawakang kahirapan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala sa kanayunan ay nag-uugat lahat sa usapin ng monopolyong pag-aari sa lupa. Kabilang dito ang mga problema tulad ng mapang-aping upa sa lupa, labis-labis na patubo sa utang, sobrang pagpepresyo sa mga kagamitang pansaka, pangangamkam sa lupa at pagpapalayas at panghihimasok sa lupang ninuno ng minoryang mamamayan.
Ni isa sa mga usaping ito ay hindi tinutugunan ng NTF-ELCAC. Batay sa pahayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, ang pondo ng BDP ay mapupunta sa konstruksyon ng mga daanan, pagtatayo ng eskwelahan, sistema ng patubig, sanitasyon, reporestasyon at sentrong pangkalusugan. Lilikhain lamang ng mga ito ang pang-ibabaw na ilusyon ng pagbabago ngunit hindi babaguhin sa saligan ang sosyoekonomikong kalagayan ng mamamayan.
Ang pagiging pork barrel ng BDP barrel ay makikita sa paghihimay sa ilang aspeto nito.
1. Malinaw na pinapaboran ng BDP ang Davao City na kung saan mayroong 82 barangay (o 9.97%) na nakalista sa naturang programa. Sunod sa Davao City, ang sampung prubinsya na may pinakamalalaking bilang ng barangay sa BDP ay Bukidnon, Davao de Oro, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Sur, Iloilo, Misamis Oriental at North Cotabato. Bukod sa Iloilo, ang lahat ng ito ay nasa Mindanao.
Halos kalahati (49.9%) ng buong pondo ng BDP ay nahahati sa dalawang rehiyon, ang Rehiyon 11 at Rehiyon 13 (Caraga). Ang natirirang pondo ay hinati-hati sa natitirang 12 rehiyon.
2. Ayon sa NT-ELCAC, ang mga pondong ito ay ilalaan sa tinatawag na “nalinis” na mga barangay, mga barangay na wala na umanong presensya ng BHB. Ngunit hindi malinaw ang batayan ng pagtutukoy sa mga ito. Kung isasaalang-alang ang pabagu-pabagong katangian ng digma, ang presensya ng BHB sa isang barangay ay hindi palagian. Sa patuloy na lumalalim na suporta ng masa, nakalilipat ang BHB mula sa isang baryo tungo sa isa depende sa kalagayan at prayoridad nito.
Batay sa datos simula 2020, mayroong naitalang hindi bababa sa 100 armadong engkwentro sa 46 (5.3%) na barangay na kabilang na kabilang sa nakalista sa BDP ng NTF-ELCAC. Nagkaroon ng 21 insidente sa unang kwarto ng 2020, 35 sa Q2, 15 sa Q3 at 24 sa Q4 sa mga barangay na kabilang sa BDP. Mula simula ng taong ito, naganap ang apat na engkwentro sa hindi bababa sa apat na barangay na kabilang sa BDP, lahat ay sa Bukidnon, sa partikular sa Canangaan, Cabanglasan; Banlag, Valencia City; Mandahikan, Cabanglasan; and Palacapao, Quezon.
Dagdag pang indikasyon ng kwestyunableng paraan ng pagtutukoy kung alin ang “nalinis” na barangay, 9 sa 16 na barangay sa Quezon na nakalista sa BDP ng NTF-ELCAC ay isinailalim sa ilang araw na malawakang operasyong militar noong Pebrero 5, matapos ang armadong engkwentrong naganap sa Catanauan, Quezon.
3. Pantay-pantay na distribusyon sa hindi pantay na pangangailangan. Sinasabi ng NTF-ELCAC na ang listahan ng BDP ay “masinop” na binuo ng mga upisyal ng gubyerno batay sa pangangailangan ng mga barangay. Pero ang pantay-pantay na pamamahagi ng ₱20 milyon kada isa ay nagbubunyag na wala talagang pagtatasa sa partikular na pangangailangan ng mga makatatanggap nito at ang halagang ito ay para lamang mabigyan ng pantay na kikbak ang mga lokal na upisyal. Siguradong ang pangangailangan ng isang barangay ay hindi katulad ng iba pa.
Kung ikukunsidera ang laki ng populasyon ng bawat barangay, mabilis na makikitang walang tunay na plano sa pamamahagi ng ₱20 million sa mga ito. Gamit ang datos ng sensus noong 2015, makikitang iba-iba ang populasyon ng bawat barangay sa listahan, mula 110 sa Barangay Minanga, Rizal, Cagayan; hanggang 43,758 sa Barangay Cabantian, Davao City. Resulta nito, mayroong malaking agwat sa distribusyong per capita ng pondo ng BDP mula ₱457.05 sa pinakamalaking barangay hanggang ₱181,818.18 sa pinakamaliit na barangay.
4. Sinasabi ng NTF-ELCAC na hindi bababa sa 15% ng pondo ng BDP ay mapupunta sa pagtatayo ng mga eskwelahan (o ₱3 million kada barangay). Pero kung gagamitin ang datos ng Department of Education noong 2018, natukoy namin na sa 822 barangay na nasa listahan ng BDP ng NTF-ELCAC, hindi bababa sa 26% o 216 na barangay ang mayroon nang kahit isang paaralan sa kanilang barangay. Sa kabuuan, mayroong 346 na paaralan sa mga barangay na ito.
Sa Rehiyon 11, kung saan nabigay na ang unang bugso ng ₱4.3 bilyong pondo para sa BDP, 89 sa mga barangay dito ay mayroon nang paaralan. Kabilang dito ang 9 na paaralan sa Malabog, Davao City; 6 na paaralan sa Colosas, Davao City; tig-5 paaralan sa Barangay Kingking, Pantukan, at mga Barangay Tamugan at Malamba sa Davao City; ay 4 na paaralan sa Suawan, Davao City. Dagdag pa, sa naturang listahan ng mga barangay sa Rehiyon XI, mayroong 13 barangay na may hindi bababa sa tig-3 paaralan; 18 barangay na mayroong tig-2 paaralan, at 52 barangay na may tig-1 paaralan.
Sa 82 barangay na kabilang sa BDP sa Davao City, 70 (o 85%) ay mayroon nang paaralan, kung saan may 65 baranagay na mayroong tig-1 hanggang 3 paaralan, at 4 na barangay na mayroong hanggang 2 paaralan at isang barangay na mayroong 9 na paaralan.
Maaari pa nating himayin ang BDP at suriin ang iba pa nitong aspeto. Ngunit ang naturang apat na obserbasyon ay sapat na para isiwalat ang kasinungalingan at panlilinlang ng NTF-ELCAC sa usapin ng ₱16.4 bilyong pork barrel nito.
Breakdown of NTF-ELCAC’s BDP: Download
https://cpp.ph/statements/paghihimay-sa-pork-barrel-ng-ntf-elcac-o-ang-tinaguriang-barangay-development-program/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.