Wednesday, January 6, 2021

Mga sumukong miyembro ng NPA na student activists, iniharap sa media +63.3.0

From the Philippine Information Agency (Jan 6, 2020): Mga sumukong miyembro ng NPA na student activists, iniharap sa media (By PIA NCR Reportorial Team)



LUNGSOD CALOOCAN, Enero 6 (PIA) -- Iniharap sa media ng grupong SAMBAYANAN ang mga sumukong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na kabilang sa mga hanay ng student activists.

Ang seremonya ng pagsuko ay ginanap Lunes ng hapon sa National Press Club, sa Intramuros, Manila na dinaluhan ng mga surrenderees kasama ang ilan sa kanilang mga magulang at ilang kasapi ng grupong Hands-of-Our-Children o HOOC, na binubuo ng mga magulang ng mga kabataang nabiktima umano ng child recruitment ng NPA, na ang iba ay sumuko na sa pamahalaan, samantalang ang iba nama'y nananatili pa rin sa kilusan.

Kabilang din sa dumalo sina National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) Undersecretary Joel Egco at ang mga sumukong estudyante na sina Sherry May Ibao na tubong Borongan, Samar at Rey Christian “Chan-Chan” Sabado na miyembro ng grupong SAMBAYANAN at parehong dating estudyante at na-recruit ng NPA sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Kabilang sa mga magulang na dumalo at nagbigay ng kanilang testimonya sina Mang Rody at Tess Ibao, mga magulang ni Ka Sherry at sina Luisa Espina at Jacqueline Mendoza.

Pinasalamatan din ng grupo si Army Brigadier General Audrey L. Pasia, ang commander ng 702nd Infantry Brigade ng Philippine Army, na naging isang malaking instrumento sa pagsuko ng ilang kabataang estudyante na nagbalik loob sa pamahalaan.

Idinetalye naman ni Pasia ang paraan ng pagsuko ng mga dating rebelde na nakita umano ang mga panlolokong ginawa ng NPA sa kanilang mga kabataan.

Kaugnay nito, nanawagan din si Chan-Chan Sabado ng grupong SAMBAYANAN sa mga kabataang estudyante na "huwag magpagamit at magpalinlang sa grupong ANAKBAYAN, KABATAAN, LFS at Makabayan Bloc sa Kongreso," na tinutukoy umano na legal fronts ng NPA upang makapag-recruit sa mga unibersidad.

Hinikayat din ni Ka Sherry Ibao ang kaniyang mga kasamahan sa kilusan, maging ang ama ng kaniyang dinadalang sanggol na magbalik-loob na sa pamahalaan, dahil wala nang kinabukasan at patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.

Ayon kay Usec. Egco, na dati ring miyembro ng NPA noong kanyang kabataan, importanteng bantayan ang mahalagang papel ng mga administrador ng mga eskwelahan upang matutukan ang aktibismo sa mga paaralan.

Ani Egco, kailangan itong gawin upang matuldukan na ang mapanlinlang na NPA recruitment sa mga kabataan.

Bukod pa rito, aniya, mahalagang magkaroon din ng tiwala sa pamahalaan, gayundin sa Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya na nangangalaga sa seguridad at kapayapaan ng bansa.

Dagdag pa niya, importante rin na mabigyang-pansin ang kahalagahan na manatiling buo ang mga pamilya dahil ang mga kabataang galing dito ang puntirya umano ng NPA sa ginagawa nitong recruitment sa mga menor de edad. (PIA NCR)

https://pia.gov.ph/news/articles/1063115

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.