From the Philippine Information Agency (Dec 31, 2020): Tagalog News: Mga dating NPA member hinikayat ang mga kasamahan na sumuko na (By : PIA Cotabato Province)
MAGPET, Lalawigan ng Cotabato, Dis. 31, 2020 (PIA)---Nanawagan ang mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kanilang mga kasama na sumuko na sa pamahalaan at magbalik-loob sa gobyerno.
Sa isinagawang pulong-balitaan ng mga dating NPA member noong Sabado, sinabi ni Ka Princess, isang surrenderee na nanatili sa rebeldeng grupo sa loob ng tatlong taon, na walang silbi ang prinsipyo at ideolohiya na sinusunod ng NPA. Aniya, niloloko lamang ng rebeldeng grupo ang mga tribo at magsasaka sa pamamagitan ng propaganda. Panawagan niya sa mga dating kasama na ngayon ay nasa rebeldeng organisasyon pa rin na huwag matakot sumuko.
Inihayag naman ni Ka Aguilla, sumanib sa rebeldeng grupo sa loob ng apat na taon, nabago ang takbo ng kanyang buhay mula nang nagbalik-loob ito sa pamahalaan. Giit niya, hindi siya pinabayaan ng gobyerno at binigyan pa ng pinansyal na tulong na siyang ginagamit niya ngayon sa negosyo niyang sagingan. Kaugnay nito, hinikayat ni Ka Aguilla ang mga dating kasamahan na samantalahin ang pagkakataong binigay ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng NPA na sumuko at makapiling ang pamilya.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Col. Potenciano Camba, commanding officer ng 1002nd Infantry Brigade na puspusan ang ginagawang hakbang ng Philippine Army at mga katuwang na ahensya upang wakasan ang insurhensya. Aniya, sinsero ang pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran.
Pinasalamatan din ni Camba ang mga lokal na pamahalaan, maging ang komunidad sa tulong na mapasuko ang mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Nabatid na mula Enero hanggang Disyembre 25, 2020, abot sa 2,666 na mga NPA member ang sumuko sa area of responsibility ng 1002nd Infantry Brigade. (PIA Cotabato Province)
https://pia.gov.ph/news/articles/1062822
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.