Wednesday, December 9, 2020

CPP/NDF-CPDF-KASAMA: Mga Maralita sa Lungsod: Lumahok sa Armadong Pakikibaka! Sagot sa Kahirapan, Rebolusyon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 8, 2020): Mga Maralita sa Lungsod: Lumahok sa Armadong Pakikibaka! Sagot sa Kahirapan, Rebolusyon!

KRIS S. MADAYAW
SPOKESPERSON
KATIPUNAN NG MGA SAMAHANG MANGGAGAWA-CPDF
BALANGAY WILFREDO 'KA HOBEN' ALUBA
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 08, 2020



Sa panahong mas pinapasahol ng pasistang gobyerno ni Duterte ang abang kalagayan ng mga maralita sa lungsod, sa pamamagitang ng pagtutuloy nito ng kanyang Build, Build, Build libu-libong mga maralita ang mawawalan ng tirahan kaya mawawalay din ang oportunidad na kabuhayan. Katuwang ng pasistang gobyerno ni Digong ang kanyang mga lokal na galamay at mga ahensiya sa pagpapatupad ng mga anti-mamamayang programa.

Sa Metro-Baguio, tuluy-tuloy ang pagpapalawak ng mga kalsada, pagpapatayo ng maraming condominium, malls, subdibisyon, at pag-imbita pa ng mga malalaking kapitalista para mamuhunan kung anong mga pwedeng pagkakitaan sa siyudad. Tuluy-tuloy nitong ipinapatupad ang mga rekisito para sa Jeepney phase out na wawasak sa kabuhayan ng mahigit kumulang 3,000 hanggang 4,000 na opereytor ng dyip. Sa kasalukuyan, may 15 yunit ng mini-bus na magrorota sa Aurora Hill at Trancoville at nagsimula na itong magbiyahe sa Disyembre 4, 2020. Tuliro ang mga drayber at opereytor dahil sa kabila ng maraming mga dayalogo at protesta ay hindi natinag ang pamahalaan sa kanyang Disyembre 31 na dedlayn ng pagkonsolida ng mga prangkisa. May mga isinasagawang experimental kung paano ibalik ang mga manininda kagaya ng night market, mga weekend display sa Session pero marami pa din ang ang hindi na nakabalik sa kanilang dating kabuhayan na nagkukumahog pa rin ngayon kung paano buhayin ang kanilang mga pamilya.

Habang istrikto ang lokal na pamahalaan sa kanyang mga mamamayan kasama ng mga kapit-munisipyo nito, bukas naman ang siyudad sa mga turista. Ito ang ilan sa mga patunay na ang prayoridad ng gobyerno ay ang turismo at interes ng gobyerno ni Digong.

Hindi sapat at akma ang mga programang balik-probinsya o mga handicrafts making dahil nananatiling kulang ang suporta sa agrikultura at walang siguradong market ang mga ito. Lumilipat lang sa iba’t-ibang kamay ang kakarampot na kayamanang pinag-aagawan ng mga mahihirap at api. Dagdag pa, ililipat lang ang problema sa isang lugar kung pauuwiin ang mga ito sa kanilang mga probinsiya na wala ring siguradong kabuhayan. Kaya, hindi patok sa mga apektadong mga maralita ang kampanyang balik probinsiya.

Marami din ang nawalan ng mga tahanan dahil sa mga demolisyon para bigyang pabor ang mga pribado at government housing projects. Nakakapanghinayang na sa kabila ng pagwasak ng mga tirahan ng mga aping sektor ay ang pagtatayo ng maraming subdibisyon, mga condominium, mga hotels, at mga dambuhalang negosyo kagaya ng SM, Robinsons, Puregold, at iba pa.

Sa pagdarami ng populasyon ng siyudad, dumarami na rin ang bilang ng mga maralita sa lungsod na nawawalan ng kabuhayan. Lumala ito sa panahong pandemya at hindi pa bumabalik ang dating kabuhayan ng mga maralitang lungsod. Nanganganib ang kanilang kabuhayan dahil hindi ito prayoridad ng pamahalaang lungsod, dagdag pa ang mga pambansang polisiya at batas na anti-mamamayan.

Sa isang gobyernong nakakonteksto ang programa sa globalisasyon na ini-anak ang liberalisasyon sa ekonomiya, pribatisasyon ng mga batayang serbisyo, at deregulasyon ay hindi kailanman masosolusyonan ang problema ng mga maralitang lungsod sa pabahay at kabuhayan. Ang mga hakbangin ng gobyerno ay hindi akma sa kalagayan habang walang pangmatagalang solusyon sa kabuhayang apektado. Ang mga kabuhayang ipino-proyekto ay pawang nakatali sa turismo. Umiikot lamang ang mga barya sa kamay ng libu-libong mga mahihirap, pero ang mga kabuhayan ay hindi nagsisilbi para sa estratehikong pag-unlad ng lipunan.

Habang tumitindig ang mga mamamayang apektado ng mga anti-mamamayang programang ito, ay gagamitin ng estado ang dahas sa pamamagitan ng kanyang mga pulis at sundalo o sa pamamagitan din ng mga mapaniil na batas kagaya ng pagpapaigting ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti- Terrorism Law na pawang layunin ay busalan ang mga nagpapaabot ng puna o rekomendasyon sa gobyerno.

Ang isang gobyernong kontrolado ng mga imperyalistang bansa, mga burgesya kumprador, at mga dambuhalang kapitalista ay mananatiling pasista at mapang-api sa mga mamamayan.

Nakakatakot ang kumilos sa mga sentrong urban dahil target ng mga elemento ng estado ng “surveillance” at “vilification.” Pinakamainam ang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan para wakasan ang mapang-aping kalagayan ng sambayanan. Sa panahong sinisiil ang ating karapatang mabuhay, at pinapaigting ang pagmamanman sa mga kilos at galaw ng mamamayan, bukas ang malawak na kanayunan at mga kabundukan. Para maisagawa ang Pambansang Industriyalisasyon kung saan makakapagbigay ng trabaho at makakapagpanday ng mga makinaryang kailangan sa pag-unlad ng agrikultura at ekonomiya, at Pambansang Reporma Agraryo kung saan makikinabang ang maraming magsasaka.

Kaya’t sa Linggo ng Maralitang Lungsod, ipinapawagan ng Kalipunan ng Samahang Mala-manggagawa (KASAMA) na lumahok na sa Armadong Pakikibaka!

https://cpp.ph/statements/mga-maralita-sa-lungsod-lumahok-sa-armadong-pakikibaka-sagot-sa-kahirapan-rebolusyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.