Wednesday, October 14, 2020

Mga residente ng San Vicente, binawi ang suporta sa NPA Oct 14, 2020

From Panay News (Oct 14, 2020): Mga residente ng San Vicente, binawi ang suporta sa NPA Oct 14, 2020  (By Alex Baaco)

Iniharap sila sa publiko at kay Mayor Amy Alvarez sa covered gym. Ang mga dating na-organisang masa ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, manggagawa, mga kabataan, at mga katutubo.



Larawan mula kay Alex Baaco

SAN VICENTE, Palawan — May 66 residente ng bayan na ito ang nagbawi ng kanilang suporta sa New People’s Army (NPA), araw ng Martes.

Iniharap sila sa publiko at kay Mayor Amy Alvarez sa covered gym. Ang mga dating na-organisang masa ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, manggagawa, mga kabataan, at mga katutubo.

Ayon sa kanila, sila ay napangakuan ng NPA na bibigyan ng tulong pinansyal, tulong pangkabuhayan, at tulong para magmay-ari ng lupa.

Lumagda ang mga ito sa kasunduan at pagpapatunay ng pagbabalik-loob sa gobyerno at pagbawi ng kanilang suporta sa mga layunin at gawain ng NPA.

Sa pagbabalik-loob ay sinabi ng mga ito na handa silang makipagtulungan sa 3rd Marine Battalion Landing Team at iba pang tanggapan na kasapi sa Peace Law Enforcement and Development Support (PLEDS).

“Nandito lang kami sa LGU to help you para maibalik ang tiwala niyo sa goberno,” sabi ni Alvarez.

Sinabi naman ni MLGOO Rustico Dangue na ang withdrawal of support ang tamang sabihin para sa kanila at hindi surrenderees.


Larawan mula kay Alex Baaco

“Sila po ang nag-withdraw ng kanilang suporta laban sa mga teroristang NPA. Sila ay hinikayat para sa mga pangako na tutulong sa mga gawaing black propaganda, tutulong sa pagre-recruit. Pero ang grupong ito ngayon, to correct, tamain hindi po kayo surrenderees kayo ay nag-withdraw lamang ng inyong suporta sa kanila,” sabi ni Dangue.

“Sila po ay nandito upang baguhin ang kanilang commitment sa NPA. Alisin ang pangako nilang suporta sa mga miyembro ng NPA, at muli ay Ibalik nila ang simpatya at pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pamumuno ng ating mayor sampu ng Armed Forces of the Philippines, MBLT 3, PNP at iba pa na nagtutulong-tulong upang palakasin ang Municipal task Force ELCAC,” dagdag ni Dangue.

Siniguro naman ng gobyerno na mabibigyan sila ng livelihood at suporta mula dito.

Sabi naman ni MSWDO Jen Laro, may maitutulong sila sa mga nag-withdraw ng suporta.

Aniya, pupuwede sila sa cash-for-work program.

“Marami pong maitutulong and, in fact, yong iba sa inyo ay beneficiaries ng ating cash for work program ngayon. May iba akong kilala dito kasali sa program ng LGU na cash for work program. So after dito ay mayroon po kaming gagawing profiling at doon namin ma-assist kong ano yong pangangailangan niyo. Kailangan akma sa pangangailangan niyo ang livelihood na ibibigay natin sa inyo,” sabi ni Laro.

https://palawan-news.com/mga-residente-ng-san-vicente-binawi-ang-suporta-sa-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.