Thursday, October 1, 2020

CPP/NPA-Bicol ROC: Lalabanan ng masang Bikolano at ng BHB ang patuloy na pananalasa ng delubyo ng 9th IDPA

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 1, 2020): Lalabanan ng masang Bikolano at ng BHB ang patuloy na pananalasa ng delubyo ng 9th IDPA

RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

OCTOBER 01, 2020



Delubyo, bakong orgullo, an dara-dara kang 16 taong pagtiner kan 9th IDPA sa Bikol. Pinangatawanan nito ang pagiging berdugo at ipinatupad ang sunud-sunod na oplan ng mga papet na rehimeng sinasamba nito. Hanggang ngayo’y nag-uumapaw ang mga krimen nito sa mamamayan – mula sa pambubugbog, panggagahasa, panununog hanggang sa tahasang pamamaslang at pagmasaker. Kaisa ng masang Bikolano ang Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol) sa buu-buong pagtatakwil, paglaban at pagpapanagot sa 9th IDPA at mga pasistang amo nito. Hindi magmamaliw ang Pulang hukbong paglagablabin ang armadong pakikibaka hanggang sa maipagtagumpay ang makatwirang digma ng mamamayan.

Ilang beses mang kumembot sa kalsada ang 9th IDPA, hindi kailanman makakaligtaan ng masang Bikolano ang dinanas nilang pang-aabuso sa panahon ng SOT, RSOT, PDT at ngayon, RCSP. Bawat makasalamuha ng Pulang hukbo sa mga baryo ay nakaranas ng pagmamalupit sa kamay ng militar at pulis sa iba’t ibang antas. Bitbit nila ang walang kasingbulok na kultura ng AFP sa bawat baryong sinasalakay nila. Biktima ng pambubugbog, panghaharas, panggagahasa at pamamaslang ang mga sanggol, kabataan, dalaga, binata, may asawa, mga lolo at lola sa mga baryong kinakampuhan at pinaglulunsaran ng mga operasyong militar. Nananatiling mailap ang hustisya para sa pamilyang Mancera ng Camarines Norte, pamilyang Naris ng Camarines Sur at pamilyang Pepito ng Masbate na walang pakundangang minasaker at libu-libo pang pamilyang biktima ng karahasan ng militar.

Basang-basa na ang papel ng 9th IDPA. Tadtad ng kapalpakan at mga eskandalo ang kanilang 16 taong pamamalagi sa rehiyon. Kabubuo pa lamang noong 2004, nahuli na agad ang upisyal nitong si Lt. Ronaldo Butch Fidelino at isa pang elementong si Pfc. Ronel Nemeno. Mismong mga elemento ng CAFGU ang pumapanig, humahanap ng proteksyon at nagbibigay sa NPA ng matataas na kalibre ng baril dahil sa pagmamalupit ng kanilang mga upisyal. Sariwa pa rin sa alaala ng masang Bikolano ang sukdulang kapalpakan ng pagkaka-Photoshop na litrato ng mga di umano’y sumuko sa Masbate. Hindi rin maloloko ng 9th IDPA ang masang anakpawis na mismong nakakakita sa mga pinupuslit nilang bangkay ng kanilang mga elemento tuwing nagkakaroon ng misencounter sa pagitan nila at ng pulis o kapwa nilang yunit ng AFP. Ilang pamilya na ng AFP-PNP-CAFGU ang pinagkaitan nila ng matinong burol sa takot na sumingaw ang sunud-sunod nilang kabiguan.

Hindi kailanman magagapi ng marahas na gera ng pasistang estado ang superyoridad ng makatwiran at makatarungang digma ng mamamayan. Ibinubuhos ng Pulang hukbo, ng masang sumusuporta sa kanila at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kanilang panahon at lahat ng pagsisikap dahil sa prinsipyo’t paninindigan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Nais nilang bumalikwas at magtaguyod ng isang lipunang malaya sa pang-aapi at pagsasamantala. Ito ang armas na higit na matibay at malakas kumpara sa pinagkumbinang pwersa ng mersenaryong hukbong sinusuhulan lamang ng estado at mabilis sumuko dahil sa walang prinsipyong gera sa kanilang kapwa Pilipino.

Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa masang Bikolanong ibayong suportahan ang makatarungang digma ng mamamayan – ang digmang bayan. Magkaisa’t palakasin ang armadong pakikibaka bilang sandata ng mamamayan laban sa 9th IDPA, mga reaksyunaryo, pasista at imperyalista. Hinihikayat din ng RJC-BHB Bikol ang mga patriyotikong elemento at upisyal ng AFP-PNP-CAFGU na muling suriin kung sino ang tunay nilang kaaway at kapanalig. Tiyak, hindi dapat nakatutok ang kanilang armas sa mamamayang tumitindig para sa katarungan at kalayaang sinumpaan nilang ipagtanggol.

Mayong orgullo sa pagpapasakit sa namamanwaan!
Wakasan ang delubyo ng 9th IDPA!
Palayasin ang militar sa kanayunan at kalunsuran!
Pabagsakin ang rehimeng US-Duterte!
Ibayong palakasin ang digmang bayan!

https://cpp.ph/statements/lalabanan-ng-masang-bikolano-at-ng-bhb-ang-patuloy-na-pananalasa-ng-delubyo-ng-9th-idpa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.