Propaganda article posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 25, 2020): Bukas na liham sa mga taong-simbahan, Kristyano at mapagmahal sa kapwa
CHRISTIANS FOR NATIONAL LIBERATION-BICOLNDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 25, 2020
Sa mga taong-simbahan, kapatid nating Kristyano at sa lahat ng mapagmahal sa kapwa,
Isang mapagpalayang araw sa inyo! Nais naming ipaabot ang aming pakikiisa sa inyo at sa lahat ng nagdiriwang ng Pista ng Penafrancia ngayon. Sagisag ng pag-asa si Ina para sa milyun-milyong mamamayang Pilipinong nakararanas ng walang-kapantay na pagdarahop sa panahong ito. Tulad ng libu-libong mamamayang Pilipino, siya rin ay kapwa biktima ng pang-aatake ng mga tirano. Matinding panganib ang kinailangan niyang suungin para lamang protektahan at alagaan si Hesukristo, na siyang tumindig para sa inaapi at pinagsasamantalahan sa kanilang panahon.
Hinahamon tayo ng rehimeng US-Duterte na tularan ang tatag at tapang ni Ina sa pagharap sa mga tirano. Krimen para sa pasistang rehimen ang lahat ng katangiang naglalarawan sa isang Kristyano – tumitindig para sa kagalingan ng nakararami at tunay na kalayaan ng sambayanan. Terorismo ang tingin nito sa tunay na pagmamalasakit sa kapwa at sa walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay para sa makatwirang hangarin ng mamamayan. Kasabay nito, ipinagdadamot ng pasistang rehimen ang kayamanang pinaghirapan mismo ng masang anakpawis at tahasan silang iniiwan upang mamatay sa gutom o higit pang maging bulnerable sa kumakalat na pandemya.
Batid naming kayo rin ay nagngangalit sa pang-uusig at karahasang ipinalalaganap ng rehimeng US-Duterte. Kapwa namin kinukundena ang iligal na pag-aresto kay Pastor Dan San Andres ng UCCP at tatlo pang lider-masa dahil lamang sila ay makabayan at kritikal sa rehimen. Noong mga nakaraang taon, ilang beses na pinagbantaan at mismong naging biktima ng pampulitikang pamamaslang ang mga taong-simbahan sa kamay ng mga berdugong ahente ng estado.
Ngayon, higit kailanman, kailangan nating magkaisa, sama-samang manalangin para sa hustisya para sa ating mga kapatid at kumilos laban sa diktadura. Kayo, bilang mga huwaran at lider na kinikilala sa inyong mga parokya at komunidad, ang ilan sa mga inaasahan ng mamamayang titindig sa kanilang panig. Ito ang legasiya ng taong-simbahan, mula sa hanay nina Jose Burgos, Jacinto Zamora, Mariano Gomez, hanggang sa mga tumindig at patuloy pang tumitindig laban sa diktadurya. Ang iba pa ay tumangan ng armas tulad ni Fr. Antonio Zumel. Huwag kayong matakot, sapagkat kasama ninyo ang sanlaksang mamamayang sawang-sawa sa panunupil at pandarahas mula sa sunud-sunod na pasista’t papet.
Buong-puso nating i-alay ang lahat ng ating panalangin at pagsisikap sa pagpapalaya ng bayan. Ikinalulugod namin kayong makasama, mula sa pagiging kapwa taong-simbahan hanggang sa lubusan namin kayong makasama sa armadong pakikibaka.
Hanggang sa tagumpay,
Christians for National Liberation-Bicol
https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-sa-mga-taong-simbahan-kristyano-at-mapagmahal-sa-kapwa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.