Wednesday, February 26, 2020

CPP/NDF-Bicol: Tunay na demokrasya, makakamit sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 25, 2020): Tunay na demokrasya, makakamit sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 25, 2020
Tatlumpung apat na taong nakalipas, pinatunayan ng mamamayang Pilipino ang lakas ng pagkakaisa at pinatalsik ang isa sa pinakamalulupit na diktador sa kasaysayan ng bansa. Sa pagbabalik ng diktadura sa mukha ng rehimeng US-Duterte, higit na nahahamon ang mamamayang ibayong palakasin ang pagkakaisa upang labanan ang anumang tangkang saulain ang mga tagumpay ng pag-aalsang EDSA at alisin ang natitirang hibo ng demokrasyang natatamasa ngayon. Bitbit ang mga aral ng pag-aalsang EDSA, mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipino na higit pang palakasin ang paglaban upang ibagsak ang rehimeng US-Duterte at ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Sa Kabikulan at sa iba pang bahagi ng bansa, sumusuklob ang multo ng batas militar. Umaabot na sa 114 ang ekstrahudisyal na pamamaslang. Kamakailan, mismong mga militar na ang nagsasagawa ng mga seminar sa mga eskwelahan, mga upisyal ng barangay at iba’t ibang sektor ng lipunan upang magpalaganap ng disimpormasyon at pahinain ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan. Sa pamamagitan ng EO 70, gumagalaw ang buong sibilyang burukrasya alinsunod sa militaristang kumpas ng kampanyang kontrainsurhensya. Labis ang mga pabor at pabuyang natatanggap ng sibilyang junta at mga kasosyong burgesya ng rehimen. Lahat ng tutunggali at hindi magpapakita ng suporta sa rehimen ay itinuturing na ‘terorista’, ‘tagasuporta ng mga terorista’, o ‘kalaban ng estado’.

Sa kabila ng lahat ng ito, ihinahambog ni Duterte na ginagawa niya ang lahat ng ito upang mapaunlad ang ekonomya, mapanatili ang seguridad ng bansa at ipagtanggol ang demokrasya. Ngunit para kanino nga ba ang demokrasyang tinutukoy ng isang diktador? Malinaw na hindi ito demokrasya para sa masang anakpawis.

Ilinantad ng rehimeng US-Duterte ang tunay na mukha ng pasismo. Ipinakita nitong higit pa sa pagpapatalsik ng isang diktador, makakamit lamang ng mamamayan ang tunay na demokrasya sa pamamagitan ng pagdurog sa mapang-api at mapagsamantalang sistema. Sa gabay ng Partido, isinulong ng mamamayang Pilipino ang demokratikong rebolusyong bayan at naipamalas sa buong daigdig ang isa sa pinakamalalaki at pinakamalalakas na pakikibakang anti-pyudal, anti-imperyalista at anti-pasista.

Sa kanayunan, nakatayo na ang mga binhi ng organo ng kapangyarihang pampulitika na nagsisilbing pundasyon ng sosyalistang lipunan. Dito, napatutunayan ng mamamayan ang kanilang kakayahang pamunuan ang kanilang mga sarili, malaya mula sa kontrol at pang-uusig ng mga naghaharing-uri. Dito, buu-buong naisasapraktika ng mamamayan ang kanilang mga demokratikong karapatan at natatamasa ang tunay na katarungang hindi bulag sa yaman at impluwensya. Kinikilala ang rebolusyonaryong hustisya bilang isa sa mga pinakamabilis at pinakaepektibong sistema ng pagbibigay-katarungan sa buong mundo. Kasabay nito, iba’t ibang antas ng kolektibong paggawa ang pumapawi sa mga pyudal at malapyudal na porma ng pagsasamantala at napapaunlad ang kakayahan ng mamamayang sumalig sa kanilang sariling lakas.

Ngayong ika-34 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA, nananawagan ang NDF-Bikol sa mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, taong-simbahan, mga kagawad ng midya at iba pang sektor ng lipunan, na muling pagtibayin ang kapasyahang lumaban para makamit ang tunay na demokrasya. Patunay ang kasaysayan sa buong daigdig na walang anumang kalupitan ng pasismo ang dadaig sa lakas ng nagkakaisang mamamayan.

Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Magtalingkas sa pagkaoripon!

https://cpp.ph/statement/tunay-na-demokrasya-makakamit-sa-tagumpay-ng-demokratikong-rebolusyong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.