Saturday, January 25, 2020

CPP/NPA-Camarines Norte: Operasyong militar ng AFP-PNP sa ilalim ng JTF-ELCAC nagkamit ng kaswalti sa Camarines Norte

NPA-Camarine Norte propaganda article posted on the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 25, 2020): Operasyong militar ng AFP-PNP sa ilalim ng JTF-ELCAC nagkamit ng kaswalti sa Camarines Norte

CARLITO CADA
NPA-CAMARINES NORTE
ARMANDO CATAPIA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
JANUARY 25, 2020

Isang opisyal ng 96th Infantry Battalion ang napatay sa isang sagupaan sa pagitan ng yunit sa ilalim ng Armando Catapia Command-NPA Camarines Norte at Pinagsanib na pwersa ang 96th IB Philippine Army at 2nd Provincial Mobile Force Company, umaga nitong Ika-22 ng Enero 2020 sa Barangay Malaya Labo, Camarines Norte. Ang nasawi na si 2nd Lt. Jose Henry Nupueto Jr. ay pangalawa na sa opisyal ng 96th IB PA nasawi sa pakikipagsagupaan sa Bagong Hukbong Bayan. Matatandaan na noong Mayo 13, 2018 nauna nang nasawi si 2nd Lt. Teddy Calibayan sa isang engkwentro sa yunit ng BHB sa Patalunan Ragay, Camarines Sur nang noo’y bagong- buo pa lang na 96th IB PA.

Mananatili ang patakaran ng BHB na magpursige sa opensibang postura sa harap na walang-tigil na operasyong militar. Walang ibang pagpipilian ang bagong Hukbong bayan kundi patatagin ang hanay at patuloy na maglunsad ng mga aktibong depensa para mapagpasyang harapin ang opensibang militar ng Joint Task Force ng AFP at PNP. Nitong Enero walang habas ang operasyong panunugis ng AFP at PNP sa yunit ng BHB na nagresulta ng sunod-sunod ang labanan sa Camarines Norte. Sa mga labanang ito, isang pulang mandirigma ang nagbuwis ng buhay. Lubos ang pagsaludo ng ng Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong pwersa sa kasamang namartir dahil sa walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay.

Taros ng bawat kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at mamamayan sa Camarines Norte na ang mga sagupaang nagaganap sa pagitan ng reaksyunaryong pwersa ng AFP-PNP at Bagong Hukbong Bayan ay hindi lang iskoran o padamihan ng mga napapatay at nakukuhang armas sa magkabilang panig, kundi ito ay ang ubos-kayang pagsusulong ng rebolusyonaryong digma laban sa kontra-rebolusyonaryo at di-makatarungang digma ng AFP at PNP sa ilalim ng Joint Task Force to End Local Communist Armed Conflict ( JTF-ELCAC). Lubos na mapanupil at mapangwasak ang mga operasyong militar ng AFP- PNP JTF-ELCAC. Nagdudulot ito ng labis na takot sa mamamayan ng Camarines Norte dahil sa di na mabilang na mga paglabag sa karapatang-tao. Duguan ang kamay ng 96th IB PA sa malagim na kaso ng pangmamasaker sa tatlong magsasaka sa Patalunan Ragay, Camarines Sur na noong Mayo 2018 matapos silang magkamit ng kasalwati sa isang engkwentro laban sa BHB. Sa ngayon ang 96th IB PA ay siya ring pangunahing tumutugis sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Camarines Norte para di umano’y padapain ang rebolusyonaryong pwersa. Subalit batid ng mamamayan na ang layunin nito ay ang pangalagaan ang interes ng mga naghaharing-uri , ang proteksyunan ang operasyon ng mga malalaki at dayuhang mina at supilin ang paglaban ng mga mamamayan sa Camarines Norte para sa kanilang mga lehitimong kahilingan at panawagan.

Patuloy na bibiguin ng mamamayan ng Camarines Norte , buong rebolusyonaryong pwersa at Bagong Hukbong bayan ang di-makatarungang digma ng reaksyunaryong AFP/PNP sa ilalim ng tuta, pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte. Ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema na nagdudulot ng laganap na kagutuman at labis- labis na kahirapan na nararanasan ng malawak na bilang ng mamamayan, ang kawalan ng lupa at kakarampot na kita ng masang magsasaka dahil murang produktong agrikultural , kawalan ng desenteng hanapbuhay at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo ay nananatiling puno’t dulo ng rebolusyonaryong digma. Anumang pagtakip sa katotohanang ito ay ang pangangarap ng gising para sa pagkamit ng tunay na kapayapaan.

AFP-PNP JTF-ELCAC, Biguin!
Isulong ang Matagalang Digmang Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Carlito Cada
Tagapagsalita
Armando Catapia Command
BHB-Camarines Norte

https://cpp.ph/statement/operasyong-militar-ng-afp-pnp-sa-ilalim-ng-jtf-elcac-nagkamit-ng-kaswalti-sa-camarines-norte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.