Interview with Jose Maria Sison posted to the National Democratic Front Philippines (NDFP or NDF) Website (Dec 29, 2019): ITANONG MO KAY PROF: Peace Talks sa 2020
Panayam ni Prop. Sarah Raymundo, KODAO Productions
Paunang pagbati para sa pagsasara ng taon
Isang mapagpalayang pagati sa ating mga tagapakinig. Sa pagtatapos ng taon, hayaan ninyo akong taos-pusong magpasalamat sa inyo para sa inyong masigagsig na pag-unawa sa malalaking pwersa sa lipunang humuhubog sa ating mga personal at pang-araw-araw na buhay. Sinalanta po tayo ng mga sakuna dulot ng mga kalamidad at gayundin ng gobyernong walang planong gawing tahimik at masaya ang buhay ng mga Pilipino at sa halip ay walang habas na extra judicial killings na dala ng war on drugs, arbitraryong panghuhuli, crackdown sa mga progresibong organisasyon, masaker ng mga magsasaka, pagpatay sa mga lider aktibista at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
Sa lahat ng ito, nakasama namin kayo sa pagpupunyaging makapagbigay linaw, pag-asa, at pagbati sa inyo, mga kasama naming nagsisikhay sa pakikibaka para sa mapayapa, maunlad at masayang buhay. Batid din naming dama niyo ang ligayang dala ng ating sama-samang pakikisangkot. Naway maging mas matibay at malalim ang ting pakikitungo sa mga kasama at ating mga organisasyon sa darating na taon. Maligayang bagong taon!
Sarah: Ano pa nga ba ang mas naaayon na pag-usapan sa pagsasara ng taon kundi ang pinakaasam-asam nating kapayapaan? Napakahalaga para sa nakararaming Pilipino ang tahimik at payak na buhay, kasama ang kanilang pamilya, may disenteng tahanan at trabahong nakapagsusustena sa kanilang batayang pangangailangan.
Ang armadong rebolusyon na isisnusulong ng Bagong Hukbong Bayan o New Peoples Army (NPA) sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay rebolusyonaryong tugon ng masang anakpawis sa ligalig at dilim na dala ng walang kapantay na pang-aapi, pandarambong, at pangwawasak na dulot ng mga makapangyarihan na nakapanghahari sa kasalukuyang sistema.
Marahil marami sa inyo ang nagtatanong: Totoo ba na nilapitan muli ng rehimeng Duterte si Prop. Sison at ang NDFP para sa Usapang kapayapaan? Paano ito nangyari, kailan at saan? Totoo bang uuwi ang tagapagtatag na pangulo ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Prop. Sison para sa Peace Talks? Ano ang mga nakasalalay na usapin sa posibilidad na ito? Kapag hindi na naman sumulong ang Usapang Pangkapayapaan, sa pagkakataong ito ano ang mangyayayari?
Walang iba kung hindi ang founding chair ng Partido Komunista ng Pilipinas, isa sa mga mayor na negosyador sa usapang pangkapayapaan at Chair Emeritus ng International League of Peoples’ Struggle upang ibahagi ang kanyang pagtingin sa gobyerno ni Duterte at sa Usapang pangkapayapaan, Magandang Araw , Prof. Joma at happy holidays!
JMS: Magandang araw sa iyo, Prop. Sarah Raymundo. At binabati ko ang lahat ng ating tagapakinig, Maligaya at matagumpay na bagong taon sa lahat ng inyong pagsisikap para sa pamilya at para sa bayan!
Mga Tanong:
1. Prof Sison, maaari po ba ninyong maipaliwanag sa ating mga tagapakinig ang sinasabing magkakaroon daw po ng usapang pangkapayapaan o peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa taong 2020.
JMS: Nagkaroon ng back channel talks kami ni Secretary Bello na pumarito sa Netherlands alinsunod sa utos sa kanya ni Presidente Duterte noong Disyembre 5. Linubos ang pag-uusap namin sa pamamagitan ng exploratory teams ng GRP at NDFP na pinamunuan nina Nani Braganza at Fidel Agcaoili.
Napagkasunduan na magkaroon ng reciprocal ceasefire agreement mula Disyembre 23 hanggang Enero 7 bilang goodwill and confidence building measure para buksan ang daan tungo sa pormal na miting ng muling pagbubukas ng peace negotiations sa ikalawa o ikatlong linggo ng Enero ng 2020.
2. Mayroon po bang mga kondisyon na inilatag sa pagitan ng GRP at NDFP para matuloy ang nasabing peace talks?
JMS: Napagkasunduan na ng exploratory teams na itaguyod muli ang mga dating kasunduan na ginawa ng GRP at NDFP magmula pa sa The Hague Joint Declaration ng 1992 at igpawan o alisin ang mga balakid sa negosasyon, tulad ng Proclamation 360 and 374, Executive Order No. 70 at iba pa.
Napagkasunduan din na sa muling pagbubukas ng negosasyon na itakda ang agenda ng negosasyon at isama sa adyenda ang tinatawag na Interim Peace Agreement na kinabibilangan ng tatlong kasunduan: una, general amnesty and pagpapalaya sa mga political prisoner; ikalawa, pag-apruba sa mga mayor na artikulo tungkol sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER); at ikatlo, coordinated unilateral ceasefire.
3. May ilang nagsasabi Prof Sison, na para daw po matuloy ang peace talks ay kailangang ninyong umuwi at dito ganapin ang usapang pangkapayapaan. Ano po ang inyong masasabi tungkol dito?
JMS: Sa tamang panahon, matapos ang pag-apruba ng magkabilang panig sa CASER, puede akong makipagtagpo kay Presidente Duterte sa Manila at pag-usapan namin kung paano mapahusay at mapabilis pa ang negosasyon, ang implementasyon ng CASER at kung sa Pilipinas ba isasagawa ang pag-uusap tungkol sa political and constitutional reforms, end of hostilities and disposition of forces.
Bago kami magtagpo sa Manila, puede kaming magkita ni Presidente Duterte nang mas maaga sa isang bansang malapit sa Pilipinas matapos maaprubahan ng dalawang panig ang tinawag na Interim Peace Agreement. Sa tulong ng Royal Norwegian Government, madaling ayusin ang mga rekisitong legal, pampulitika at sa seguridad para sa aking pagbiyahe sa Asya.
Hindi tamang basta na lang uuwi ako sa Manila sa kasalukukuyang panahon. Kung gawin ko ito, ibig sabihin na tinatanggap ko at sumusuko ako sa status quo at sa kasalukuyang katangian ng rehimeng Duterte na tiranikal, traydor, berdugo, korap at manggagantso. Hindi ko nais at hindi ko kayang ipagkanulo ang mga ipinaglalaban ng rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino.
Bukod pa riyan, mapanganib ang sinumang magbigay tiwala sa mga death squad ng rehimen. May mga babala sa akin mula sa ilang kaibigan ko sa loob ng AFP at PNP mismo tungkol sa mga panganib. Pero maliit na bagay ang personal kong kaligtasan. Pinakamalaking bagay ang pagtitiyak na hindi mabitag sa kamay ng rehimen ang interes ng sambayanang Pilipino, pati kaligtasan ng mismong proseso ng peace negotiations at negotiating panel ng NDFP.
Alam naman ng lahat ng tao sa daigdig na pumapaslang at arbitraryong nang-aaresto ang mga militar na alipures ni Duterte sa mga tauhan ng NDF sa peace negotiations. Paulit ulit nang linabag nila ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at CARHRIHL. Tandaan ang pagpaslang kay Randy Malayao at pag-aresto kina Vic Ladlad, Rey Casambre, Rafael Baylosis, Adel Silva, Reynante Gamara at iba pa.
4. Hindi na rin daw po ieextend ang martial law sa Mindanao. Ano po ang inyong pagtingin dito, Prof Sison?
JMS: Mabuti kung totoong hindi i-extend ang martial law sa Mindanao. Hindi makatwiran at masama ang pagproklama ng martial law sa buong Mindanao mula sa umpisa. Ginamit lamang ito na lisensiya ng rehimen, mga militar at pulis para labagin ang mga karapatang tao.
Kabilang sa paglabag ang maramihang pamamaslang, pagkidnap, pagbomba sa mga komunidad. pag-agaw ng lupa at likas yaman mula sa mga lumad at mga mahirap na magsasaka, pangingikil sa mga checkpoint at raket ng mga opisyal ng militar sa mga pekeng proyekto, pekeng pasurender at pekeng engkwento. Ginamit pa ng rehimen ang martial law sa Mindanao para dayain ang proseso at resulta ng eleksyon noong Mayo.
5. Sa panghuli Prof Sison, ano po ang inyong pabaon sa ating mga tagapakinig na umaasa ng malaki sa usapang pangkapayapan.
JMS: Sisikapin ng National Democratic Front ng magkaroon muli ng peace negotiations, alinsunod sa interes at kagustuhan ng sambayanang Pilipino at mga organisasyon at institusyon na nagtataguyod ng makatarungang kapayaaan. Subalit maaga pa, may prekondisyon na ang rehimeng Duterte na sa Pilipinas isagawa ang peace negotiations. Hindi papasok ang NDF sa ganitong maliwanag na bitag.
Kung hindi matuloy ang peace negotiations. Ibig lang sabihin na ipagpatatuloy ng sambayanang Pilipino ang lahat ng anyo ng pakikibaka laban sa rehimeng Duterte. At kahit na may peace negotiations, hindi mawawala ang karapatan ng sambayanang ipaglaban sa ibat ibang anyo ng pakikibaka ang pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal at lahatang-panig na pag-unlad. Lagi nating itinataguyod at ipinaglalaban ang makatarungang kapayapaan!
Sarah: Lubos na pasasalamat at masayang bagong taon sa inyo Prop. Sison! Napakahalaga ng naibahagi ninyong perspektiba hinggil sa Usapang Kapayapaan. Nararapat lang nating suportahan ang pagtatagumpay nito at laging sumandig, may peace talks man o wala, sa tibay ng hanay ng batayang masa at ng ating pakikibaka.
JMS: Nagpapaalam ako kay Prop. Sarah Raymundo at sa lahat ng kababayan! Maraming salamat sa inyo at sa lahat ng ating tagapakinig. At inuulit ko ang aking pagbati, Maligaya at matagumpay na bagong taon sa lahat ng inyong pagsisikap para sa pamilya at para sa bayan! Hanggang sa susunod na panayam.
Sarah: Ang Usapang Pangkapayapaan o Peace Talks ay patunay na ang masang api ay mayroon ding sistematiko at organisadong lunduyan ng kapangyarihan na kayang makaengkwentro ang estado at dalhin ito sa isang platapormang makapagtutulak ng mga tunay na reporma para sa kapakanan ng mga nakararaming magsasaka, pamalakaya, manggagawa, mala-mangggawa, pambansang minorya maralitang lungsod, kababaihan, LGBTQ, kabataan.
Mahalagang ituring natin ang Usapang Pangkapayapaan o Pistok sa katawagan ng ordinaryong mamamayan, bilang isang porma ng kapangyarihan ng sambayanan na kinikilala ng estado.
Manigong bagong taon, kapayapaan at mas maraming tagumpay para ating lahat. Dito nagtatapos ang Itanong Mo kay Prop para sa taong 2019. Hanggang sa muli!
https://ndfp.org/itanong-mo-kay-prof-peace-talks-sa-2020/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.