Wednesday, October 16, 2019

Tagalog News: Operatiba sa paghuli ng 7 hinihinalang NPA, pinarangalan

Posted to the Philippine Information Agency (Oct 16, 2019): Tagalog News: Operatiba sa paghuli ng 7 hinihinalang NPA, pinarangalan



Binigyan ng Palawan Task Force-ELCAC ng pabuyang nagkakahalaga ng P50,000 ang ‘informant’ kung saan dahil sa mga impormasyong ipinaparating nito sa mga awtoridad upang maaresto ang pitong pinaghihinalaang miyembro ng NPA sa Palawan. Itinago naman ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasabing ‘informant’. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan -- Pinarangalan ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) kamakailan ang mga tagapagpatupad ng batas na nanguna sa operasyon upang maaresto ang pitong pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Palawan.

Ang mga binigyan ng pagkilala ay ang Joint Task Force Peacock ng Western Command (WESCOM), PNP-Palawan Provincial Police Office at PNP-Puerto Princesa City Police Office. Ang mga ito ay miyembro ng Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster ng PTF-ELCAC.

Pinangunahan nina Wescom Commander Rene V. Medina, Department of Interior and Local Government (DILG)-Provincial Director Engr. Rey S. Maranan, 3rd Marine Brigade BGen. Charlton Sean Gaerlan at Provincial Administrator Atty. Joshua Bolusa bilang kinatawan ni Governor Jose Ch. Alvarez ang pagbibigay ng pagkilala na isinagawa sa Victoria J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.

Binigyan naman ng PTF-ELCAC ng pabuyang nagkakahalaga ng P50,000 ang ‘informant’ kung saan dahil sa mga impormasyong ipinaparating nito sa mga otoridad ay naaresto ang nasabing mga suspek. Itinago naman ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasabing ‘informant’.

“Nais po naming ipaabot na ang pagkahuli ng pitong NPA ay dahil po sa pinaigting na ugnayan ng mga mamamayan, sangay ng lokal na gobyerno ng Palawan at mga tagapagpatupad ng batas na bumubuo sa Palawan Task Force-ELCAC. Ang mga mamamayan po ang siyang nagbigay ng impormasyon sa mga alagad ng batas sa lokasyon ng nasabing mga NPA,” bahagi ng pahayag na inilabas ng PTF-ELCAC.

Pagkatapos ng pagbibigay ng pagkilala sa mga tagapagpatupad ng batas ay sinundan ito ng press conference upang bigyang-linaw ang ilang mga detalye kaugnay sa pagkakahuli ng mga pinaghihinalaang miyembro ng NPA sa Palawan.

Muli namang nanawagan ang PTF-ELCAC sa mga makakaliwang grupong NPA sa Palawan na magbalik-loob na sa pamahalaan para sa kanilang magandang kinabukasan.

“Para po sa mga kasamahan ng mga nahuling NPA, kami po’y nananawagan sa inyo na ang Palawan Task Force-ELCAC ay handang tumulong sa inyong pag-surrender. May naghihintay pa sa inyong magandang bukas kasama ang inyong mga mahal sa buhay,” panawagan ng PTF-ELCAC. (OCJ/PIA-MIMAROPA/Palawan)

https://pia.gov.ph/news/articles/1028756

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.