Sunday, September 15, 2019

CPP/NPA-ST: Paghuhugas-kamay ni Duterte sa kurapsyon sa BuCor, isang desperadong hakbang

NPA-Southern Tagalog (ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 15, 2019): Paghuhugas-kamay ni Duterte sa kurapsyon sa BuCor, isang desperadong hakbang 

JAIME 'KA DIEGO' PADILLA
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG 
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

SEPTEMBER 15, 2019

Naobliga ang hambog na presidente ng reaksyunaryong Gobyerno ng Republika ng Pilpinas na si Rodrigo Roa Duterte na ipag-utos na bawiin ang ginawang pagpapalaya sa 1,900 kriminal na may mga kasong heinous crimes. Nagkandarapa siya sa takot nang kundinahin siya ng buong sambayanan at salubungin ng galit sa pakanang paggawad ng kanyang masugid na alipures na si Nicanor Faeldon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) kahit sa mga may kasong karumaldumal na krimen. Pangitang-pangita rin ang kurapsyon sa hanay ng reaksyunaryong ahensyang Bureau of Corrections (BuCor) dahil siyento porsyentong binayaran ang inutil na ahensya ng mga maiimpluensyang bilanggo sa National Penitentiary.

Para iwasang masingil ng taumbayan, agarang sinibak nito si Faeldon upang isalba ang sariling reputasyon sa publiko. Para kunwang may pangil ang kautusan ni Duterte na ibalik sa kulungan ang mga pinalayang bilanggo, nagbanta siya ng isang milyong patong sa ulo sa bawat mahuhuling bilanggo na pinalaya sa ilalim ng GCTA. Hindi pa nasiyahan, inutusan niya pa ang AFP-PNP na hulihin ng patay o buhay ang mga nakalayang bilanggo sa loob ng 15 araw. Hinamon niya pa ang New People’s Army (NPA) na tumulong sa pagdakip sa mga nakalayang bilanggo at baka maging daan ito sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw na ang pag-aalok ng rehimeng US-Duterte na tumulong ang rebolusyunaryong kilusan (CPP-NPA-NDFP) sa pagdakip sa mga pinalayang bilanggo ng mga kurap na pinuno ng BuCor (Bureau of Corrections) ay pagpapakita na hindi ito nagtatagumpay sa paggamit ng kamay na bakal ng pasismo sa lumalabang sambayanang Pilipino. Malaking kahihiyan ang pa-bastang pananawagan ni Duterte na umupo sa mesa ng kapayapaan ang CPP-NPA-NDFP sa kabila ng kanyang pagmamayabang na tatapusin ang armadong pakikibaka bago matapos ang kanyang termino sa 2022. Kahit hindi hamunin ni Duterte ang NPA, ang NPA ay lagi’t laging handang tumulong at magbigay katarungan sa mga biktima ng mapaniil na sistema ng hustisya sa bansa. Hindi kailangang hamunin ni Duterte ang NPA dahil may sarili itong pinapatupad na rebolusyunaryong hustisya para lamang sa muling pagbuhay sa usapang pangkapayaan. Sa kasalukuyan, hindi na umaasa ang rebolusyunaryong kilusan sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte na muling mabuksan ang nauntol na usapang pangkapayaan. Makakaasa ang mamamayan, laluna ang pamilya ng mga bikitma ng karumaldumal na krimen, sa tulong ng rebolusyunaryong kilusan na mabibigyan sila katarungan at hustisya.

Buong tatag, tapang at determinasyong haharapin ng CPP-NPA-NDFP kasama ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang pasistang pananalakay at karahasan ng mersenaryong tropa ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte sa rehiyon Timog Katagalugan at sa buong bansa. Kaalinsabay na nanawagan ang Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog sa lahat ng mamamayang mapagmahal sa kapayapaan at katarungan na buong pagkakaisang tutulan at labanan ang lumalalang pasismo ng estado sa buong rehiyon at sa buong bansa. Sama-sama nating biguin ang kapalaluan ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte na ipailalim ang bansa sa kanyang kontrol at pasistang paghahari.###

https://cpp.ph/statement/paghuhugas-kamay-ni-duterte-sa-kurapsyon-sa-bucor-isang-desperadong-hakbang/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.