Tuesday, March 5, 2019

CPP/NPA-Camarines Norte: Hinggil sa Engkwentro sa Tuaca, Basud Camarines Norte

NPA-Camarines Norte propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 5, 2019): Hinggil sa Engkwentro sa Tuaca, Basud Camarines Norte

Carlito Cada
NPA-Camarines Norte (Armando Catapia Command)
March 05, 2019

Mariing pinabubulaanan ng Armando Catapia Command-NPA Camarines Norte na may naganap na engkwentro sa pagitan ng kanilang yunit at pwersa ng PNP bandang alas-6 ng umaga noong Marso 3, 2019 sa Purok 1, Tuaca Basud Camarines Norte na ikinasawi di-umano ng isang myembro ng NPA. Ang totoo WALANG yunit ng NPA ang nakasagupa ng pwersa PNP sa lugar, taliwas sa pahayag ng pamunuan ng PNP Camarines Norte.

Ang naganap na engkwentro ay sa pagitan ng pwersa PNP at ng armadong grupong sindikato na hawak mismo ng militar. Ang nasabing grupo ay tinawag ang sarili na “Hukbong Itim” na nagsasagawa ng ekstorsyon sa mga Bayan ng MercedesSan Vicente-San Lorenzo- Daet at Basud na malapit mismo sa mga kampo ng AFP/CAFGU. Ang napatay na si Jonathan Brondia ay myembro ng sindikato. Si Brondia ay labas-masok sa kampo ng 22 nd CAFGU Detachment sa Guinatungan San Lorenzo, Camarines Norte. Patunay ito na konektado ang grupo sa militar. Sadyang pinatay si Brondia para pagtakpan ang koneksyon nito sa militar. Matagal nang inirereklamo ng masa ang presensya ng sindikatong ito na ginagamit ang pangalan ng NPA sa kanilang mga kriminal at anti-sosyal na aktibidad.

Ang mga pekeng engkwentro sa pagitan ng PNP/AFP at NPA ay karaniwan ng ipinalalabas ng military at pulis para pagtakpan ang kanilang mga kaso ng pagpatay tulad ng pekeng engkwentro sa Sitio Malapat, Ba’ay, Camarines Norte noong Disyembre 29, 2018. May mga mga kaso rin ng salvaging o extra-judicial killings tulad ng pagpatay kay Lope Elnar ng Batobalani , Paracale at Ernesto Natada ng Silang 1 Labo Camarines Norte nitong Enero. Dagdag pa, sa mga lugar kung saan may PDT ang AFP ay nagaganap ang panghaharas ng militar sa mga residente ng baryo tulad ng pagkakatok sa bahay sa hating-gabi o alanganing oras at pinapapunta sa kanilang pinagkakampuhan para imbestigahan kaugnay sa NPA. Pagsampa sa mga sibilyan ng mga gawa-gawang kaso matapos ang taktikal na opensiba ng NPA. Dapat malalim na imbestigahan ng pamunuan ng PNP at AFP , at mismo ng nasa hanay ng midya ang nasabing insidente para mapalitaw ang katotohanan at mailantad ang kainutilan ng AFP sa pagbubuo ng mga sindikatong kriminal na nagpapanggap na NPA para siraan ang kilusan. Nanawagan ang ACC sa mamamayan ng Camarines Norte na maging mapanuri at mapagmatyag upang hindi mabiktima ng mga impostor at mga sindikatong kriminal na ginagamit ng militar na dagdag na nagpapahirap sa mamamayan.

Dapat patuloy na ilantad at labanan ang mga pang-aabuso ng AFP at PNP . Asahan na mas lulubha ang mga paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng diktador at tiranyang Rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng EO 70 at Memorandum 32 kung saan umiiral ang de facto Martial law sa Kabikulan, sa pamamagitan ng pagtatambak ng mas marami pwersa ng pulis at militar sa Probinsya layuning kontra-insurhensya.

Sa ganitong kalagayan walang ibang maaasahan ang mamamayan kundi ang kanilang pagkakaisa para sa militanteng paglaban at pagsulong ng armadong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang buhay at karapatan. Rehimeng US-Duterte , Ibagsak!

Sagot sa kahirapan, digmang bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Carlito Cada
Tagapagsalita

https://www.philippinerevolution.info/statement/hinggil-sa-engkwentro-sa-tuaca-basud-camarines-norte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.