NDF-Bicol Region propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 20): Katarungan para kina Liz Ocampo at Alfredo ‘Ka Bendoy’ Merilos!
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
19 March 2018
Mariing kinukondena ng NDF-Bikol at ng mamamayang Bikolnon ang madugong masaker na isinagawa ng magkakumbinang pwersa ng PNP Camarines Sur sa pamumuno ni Supt. Eymard Gomez at ng mga elemento ng 9th IDPA Intelligence Unit nitong Marso 15 sa Camella Heights Subd., Cararayan, Naga City laban kina Liz Ocampo, isang sibilyan at Alfredo ‘Ka Bendoy’ Merilos, kasapi ng CPP na nagpapagamot sa panahong iyon. Ang pagpatay sa kanilang dalawa ay malinaw na bahagi ng walang pakundangang gera laban sa mamamayan ng rehimeng US-Duterte at mersenaryong hukbo nito.
Ayon sa kapulisan at kasundaluhan, sa palitan ng putok sa panig ng AFP-PNP at nina Ocampo at Merilos nasawi ang dalawa. Wala itong katotohanan. Gasgas na ang boladas ng berdugong kapulisan at kasundaluhan na ‘nanlaban kaya napatay’ ang kanilang mga tinutugis upang bigyang matwid ang karumal-dumal na mga krimen ng estado laban sa mamamayan. Ilang ulit nang ginawang atrasan ng inutil na kapulisan at kasundaluhan ang ganitong kagila-gilalas na kahambugan upang pagtakpan ang kanilang walang pakundangang pagpaslang sa mga sibilyan at walang kalaban-laban. Walang baril ni bala na hawak sinuman sa dalawang pinaslang. Si Liz Ocampo ay isang OFW sa Dubai na napagdesisyunan nang manatili sa bansa at mamasukang empleyado ng lokal na gubyerno ng Camarines Sur. Samantala, si Alfredo Merilos o Ka Bendoy para sa mga kasama at masa, ay nagpapagamot dahil sa sakit sa puso, diabetes at mga kumplikasyong dulot nito. Ang dalawa ay matagal nang magkaibigan bilang mga estudyante at muli lamang nagkaugnayan tatlong araw bago sila pinaslang.
Ayon sa isang sibilyang nakasaksi at nakatakas sa insidente, mag-aalas-9 ng gabi, habang nagkukuwentuhan sila nina Merilos at Ocampo, nagkaroon ng malalakas na katok sa pintuan ng bahay na tinutuluyan nila. Nang buksan ni Ocampo ang pinto, pwersahang pumasok ang dalawang lalaking hindi unipormado at ni hindi nagpakilala. Umalma si Ocampo at hinanapan ang mga ito ng mga papel na batayan sa pagpasok sa bahay. Dahil maingay na si Ocampo at nakatatawag na ng pansin ng mga kapitbahay, pinutukan na ito ng isa sa mga hindi kilalang lalaki. Samantala, mahinahong nakaupo si Merilos nang huling makita ng sibilyang nakapuslit papalabas ng bahay sa gitna ng komosyon.
Walang dalang anumang baril o pampasabog sina Merilos, Ocampo at isa pang sibilyan. Paanong magkakaroon ng palitan ng putok?
Peke ang balitang ipinalalaganap ng mersenaryong AFP-PNP-CAFGU na kumakatok pa lamang sila ay nagpaputok na ng baril si Merilos kaya napilitan silang gumanti ng putok. Wala rin silang dalang papeles taliwas sa sinasabi nilang maghahapag lamang umano sila ng mandamiento de aresto at makikipag-usap. Ang totoo, sapilitan at iligal nilang pinasok ang bahay na tinutuluyan ng dalawa at kagyat na pinaputukan si Liz matapos itong umalma sa paglabag nila sa kanyang mga karapatan bilang sibilyan na naghahanap ng mandamiento de aresto o search warrant man lang. Sa baluktot na pag-intindi ng mga utak-pulburang pulis at sundalo, sapat nang mandamiento de aresto ang dulo ng baril at matatawag na pag-uusap ang pagratrat ng mga punglo sa mga walang kalaban-laban at sibilyan nilang target.
Bukod dito, ang sinasabing mandamiento-de-aresto na ihahapag sana ng kapulisan ay hindi dumaan sa tamang proseso ng paghahapag muna ng subpoena na mula sa korte sa sinumang sinasampahan ng mga kaso upang mabigyan ng pagkakataon ang nasasakdal na harapin at ipagtanggol ang kanyang sarili sa harap ng hukuman. Ang basta na lamang pagtukoy kay Merilos na siya rin si Joey Fajardo ay kapos at hindi kailanman papasa sa anumang hukumang may pagpapahalaga sa karapatang-tao at lohika ng mga itinakdang batas. Ibinubukas ng ganito kagarapal at mababaw na mga dahilan ng kapulisan na ang sinuman ay pwedeng hulihin at litisin gamit ang mga mandamiento-de-aresto para sa iba pang nasasakdal nang wala nang proseso ng pagpapatunay na siya nga ang taong binabanggit sa kapirasong papel na ito.
Kahiya-hiya ang PNP Camarines Sur at 9th IDPA sa pagdiriwang ng kanilang pagmasaker sa isang babae at isang matandang may karamdaman at wala sa katayuang lumaban sa kanilang mga kamay. Tuwang-tuwa pa sila sa pagyayabang na nakasamsamsam di-umano sila ng iba’t ibang kalibre ng mga armas at iba pang mga gamit mula sa insidente. Ang totoo, ang mga alahas at iba pang kagamitan at bahagi ng halos dalawang milyong pisong perang nakuha nila ay pagmamay-ari ni Ocampo at bahagi ng kanyang mga naipon sa ilang taon niyang pagbabanat ng buto sa ibang bansa. Ang malaking bahagi din ng kabuuhang halaga ay nakalaan sana para sa heart bypass ni Merilos. Ang perang dapat sana ay pandugtong pa ng buhay ay hawak ngayon ng mga tagapamandila ng pagkitil ng buhay. Hindi na nakuntento ang mga hayok na mersenaryo sa pamamaslang, pinagnakawan pa nila ang kanilang mga biktima. Nasaan ngayon ang pera at mga alahas na ito?
Ang totoo, hindi maitanggi ng AFP at PNP na sa kabila ng kanilang paglalako sa insidente bilang tagumpay, napakalaking kapalpakan at patunay ng kainutilan ng kanilang hanay ang naganap na masaker. Kahit mismo sa harap ng mga korteng hawak nila ay hindi nila maipagkakaila ang dami ng mga paglabag nila sa kanilang sariling mga protocol at sa tamang prosesong nakasaad sa batas. Dahil alam nilang mas malaki ang negatibong epekto nito sa kanila laluna sa gitna ng pagkaipit nila ngayon sa paniningil ng internasyunal na komunidad sa kanilang mga ekstrahudisyal na krimen, napilitan silang magpatupad ng news blackout sa mga unang araw matapos ang masaker.
Walang hangganan ang kapasidad ng AFP-PNP-CAFGU sa pagsasagawa ng mga walang kasingsahol at brutal na pamamaslang sa ngalan ng reaksyunaryong estado. Habang nagpapakalango sa kanilang mga hungkag na tagumpay at tropeyo ng brutalidad ang rehimeng Duterte at kanyang mersenaryong hukbo, nag-iipon ng ‘di matatawarang lakas ang mamamayan na dudulo sa umaalimpuyong bigwas na tatapos sa kanyang tiraniya. Bagamat ipinagluluksa ng buong rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Bikolnon ang pagpanaw ng isa na namang sibilyan at isa sa mga kasamang pinakamatapat na tagapaglingkod ng tunay na kalayaan at katarungan, nananatiling buo ang diwang mapanlaban ng masang Bikolnon. Hindi mapaluluhod ng rehimeng US-Duterte ang rebolusyonaryong kilusan ng brutalidad at terorismo nito – hindi ngayon, hindi bukas at hindi kailanman.
Katarungan para kina Alfredo Merilos at Liz Ocampo, Ipaglaban!
EJK ng PNP at PHIL. ARMY, Imbestigahan at Wakasan!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.