NDF-Bicol propaganda statement posted to the National Democratic Front Website (Sep 8): Hinggil sa magkakasunod na panggigipit at pantutugis sa sibilyan ng kasundaluhan at kapulisan sa Sorsogon
National Democratic Front-Bicol
Setyembre 8, 2017
Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang kasundaluhan at kapulisan sa pagpapakalat ng panibago na namang serye ng malisyosong disimpormasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan at pang-aatake ng kanilang hanay sa mga sibilyan sa prubinsya ng Sorsogon.
Kasinungalingan ang pahayag ng 31st IBPA at 5th PPSB na naroon sila sa Brgy. Antonio, Barcelona kahapon upang maghapag ng warrant of arrest kay Michael Bagasala na diumano’y kasapi ng NPA. Wala ring katotohanan ang ipinagyayabang nilang engkwentrong naganap sa pagitan nila at limang hinihinalang NPA sa kurso ng pag-aresto kay Bagasala. Ang totoo, pawang mga elemento ng kasundaluhan at kapulisan ang walang habas na nagpaputok at iligal na nanghalughog sa mga kabahayan. Walang anumang yunit ng NPA sa lugar sa panahong iyon. Gayundin, sibilyan at hindi aktibong kasapi ng NPA sina Bagasala at Rosalina Equisa na pangunahing target ng kanilang pamamaril.
Hinugot din sa hangin ang mga pangalang sinampahan ng kaso ng kapulisan matapos ang taktikal na opensiba ng NPA-Sorsogon sa Gubat nitong nakaraang buwan. Sa kainutilan nilang pahinain ang NPA sa prubinsya at upang maisalba ang kanilang reputasyon, nagkasya na lamang sila sa pagsasampa ng kaso sa mga sibilyan at sa mga personaheng hinihinala nilang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Kahiya-hiya si PCI Jimi Jeremias at ang buong Inter-agency Legal Assistance Group ng kasundaluhan sa pagpaparada ng mga pangalan ng mga sibilyan bilang utak ng naturang opensiba nang walang ibang batayan kundi kamag-anak ang mga ito ng isang pumanaw nang kasapi ng NPA.
Bilang isang belligerent state ay may karapatan ang CPP-NPA-NDF na magpatupad ng mga aksyong pamamarusa at magsagawa ng mga opensiba laban sa anumang entidad na banta sa kanyang nasasakupan. Walang ligal na merito ang pagturing ng kapulisan sa mga lehitimong opensiba ng NPA bilang kasong kriminal. Taktika lamang ito ng mga ahente ng pasismo ng estado upang siraan ang prestihiyo ng rebolusyonaryong kilusan. Ginagamit din nitong batayan ang mga gawa-gawang kasong tulad ng murder, arson at illegal possession of firearms para bulukin sa kulungan ang mga nasusukol na kasapi ng CPP-NPA-NDF at maging ang mga pinaghihinalaang tagasuporta nito.
Liban sa panggigipit at pantutugis sa mga sibilyan, sunud-sunod din ang ekstrahudisyal na pamamaslang ng berdugong militar at kapulisan sa prubinsya. Umaabot na sa 10 sibilyan ang pinatay at tatlo ang pinagtangkaang paslangin ng kanilang pwersa sa loob lamang ng kalahating taon. Lantaran nilang ibinabaling ang nag-uulol na karahasan laban sa mamamayan sukdulang labagin na ang lahat ng mga batas ng digma. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling matatag ang pagkakaisa ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Pudpod na ang dila ng mga tagapagsalita ng kaaway sa pagpapaulit-ulit ng mga retokadong pakulo at pekeng balita ngunit hindi pa rin nila maideklarang conflict manageable ang prubinsya ng Sorsogon. Kahit ang mga prubinsyang dati na umano nilang nakontrol ay patuloy ding nagpapamalas ng malalakas na bigwas laban sa kanilang hanay.
Habang humahaba ang listahan ng krimen laban sa masa ng AFP-PNP-CAFGU, lalo ring iigting ang paniningil ng mamamayang Bikolnon. Nagkakamali sila kung iniisip nilang kakayanin nilang padapain ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng kanilang pinaglipasan nang saywar at nagdudumilat na karahasan. Dahil nananatiling superyor ang pampulitikang paninindigan ng CPP-NPA-NDF, patuloy nitong tatamasain ang malawak na suporta ng masang api’t pinagsasamantalahan. Patuloy na babagtasin ang kabukiran ng libu-libong pulang mandirigmang handang paglingkuran ang makatwirang digma ng mamamayan para sa tunay na katarungan at kapayapaan.
https://www.ndfp.org/hinggil-sa-magkakasunod-na-panggigipit-pantutugis-sa-sibilyan-ng-kasundaluhan-kapulisan-sa-sorsogon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.