Saturday, August 19, 2017

NDF/NPA-Sorsogon: Tropang 31st IB Phil. Army, Gumagamit Ng Iligal Na Droga Habang Nasa Operasyong Militar

NPA-Sorsogon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 15): Tropang 31st IB Phil. Army, Gumagamit Ng Iligal Na Droga Habang Nasa Operasyong Militar

Pahayag sa Midya
Agosto 15, 2017

Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command ang pagiging hipokrito ng rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng kampanya nitong Oplan Tokhang upang sugpuin diumano ang mga adik at pusher sa ating bansa samantalang ang sarili nitong pwersa ay gumagamit ng droga habang nagsasagawa ng operasyong militar.

Sa matagumpay na ambush ng Bagong Hukbong Bayan laban sa mga elemento ng 31st IBPA, 22nd IBPA at 5th Police Public Safety Battalion (5PPSB) sa Brgy. Casili, Sorsogon noong Agosto 7, 2017, natagpuan nila ang tatlong (3) sachet ng shabu at mga drug paraphernalia sa nasamsam na military pack na pagmamay-ari ni 2Lt. Lee Tremedal. Nakasuksok ang mga ito sa nilukot na medyas ng napatay na commanding officer (CO) ng Alpha Coy, 31st IBPA, AFP.

Malinaw na pagpapakita ito ng pagiging hipokrito ng rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Habang inuutusan niya ang mga sundalo at pulis na maghasik ng pasistang karahasang walang pananagutan sa mga maralita na adik at pusher, ang mismong mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines ay gumagamit at promotor sa paggamit ng droga ng hanay ng kanilang pwersa. Kinumpirma ng pagkatagpo ng iligal na droga sa mga nasamsan na gamit ng tropang 31st IBPA ang matagal ng mga hinala ng masang mamamayan na biktima ng kanilang walang-pakundangan na karahasan.

Liban sa tropang AFP-PNP, di linggid sa mamamayan na embwelto din sa droga ang ilang matataas na opisyal sa reaksyunaryong pamahalaan. Matatandaan na nitong nakaraan ay nasangkot ang Department of Customs sa isang malaking transaksyon o ismagling ng shabu na pinalusot ng nasabing ahensya sa bansa. Bagama’t malaki ang pananagutan ni Customs Commissioner Faeldon sa nasabing transaksyon bilang hepe ng nasabing ahensya ay nagawa pa ni Duterte na ipagtanggol ito. Tila may “double standard” din ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang. Mapahanggang ngayon ay puro maliliit na pusher at adik lang ang nahuhuli o pinapatay habang ang mga malalaki at maimpluwensyang druglord ay patuloy na namamayagpag sa kanilang narco-negosyo. Libre din sa Oplan Tokhang ang mga matataas na opisyal ng AFP-PNP na protektor ng droga sa bansa.

Kundenahin ang paggamit ng diumano’y gera kontra-droga upang patuloy na patayin, takot at abusuhin ng rehimeng US-Duterte ang mamamayan!

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
Celso Minguez Command
New People’s Army-Sorsogon

https://www.ndfp.org/tropang-31st-ib-phil-army-gumagamit-ng-iligal-na-droga-habang-nasa-operasyong-militar/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.