From the Philippine Information Agency (May 13): Tagalog news: Walang presensya ng Abu Sayyaf sa Palawan, ayon sa WESCOM
Tiniyak ng Western Command (WESCOM) na wala pang nakakapasok na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ginanap na press conference kasabay ng inter-agency meeting na pinangunahan ng WESCOM kasunod ng ipinalabas na travel advisory ng embahada ng Estados Unidos noong Mayo 9, binigyang diin ni Lt. General Raul del Rosario, commander ng WESCOM na base sa kanilang pagbabantay na ginagawa, negatibo ang lalawigan sa presensya ng ASG.
“Base sa intelligence report, walang presence ng ASG sa Palawan”, pahayag ni del Rosario.
Sa ipinalabas na abiso ng embahada ng Amerika, nagbabala ito sa kanilang mamamayan na nasa Palawan na mag-ingat sapagkat may banta ng terorismo sa lugar, kung saan partikular na binanggit ang Puerto Princesa Underground River (PPUR).
Magugunitang nagdeklara ng heightened alert status ang WESCOM kasunod ng nangyaring engkuwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at grupong Abu Sayyaf sa Bohol, pero mas lalo pang hinigpitan ngayon ng pinag-samang lakas ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang seguridad sa lalawigan dahil sa ipinalabas na babala.
Naniniwala ang pamahalaan sa ulat na posibleng makapasok ang ASG sa lalawigan, pero tiwala rin ang WESCOM na sapat ang kanilang maigting na pagababantay at pagpapatrolya sa mga posibleng daanan upang hindi magtagumpay ang bandidong grupo.
Dagdag pa ni WESCOM Commander del Rosario, may babala man o wala ang ibang bansa, nananatiling nakataas ang kanilang alerto dahil kinakailangan nilang protektahan ang mamamayan ng Palawan at ang industriya ng turismo dito na siyang pinagmumulan ng pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan.
Siniguro rin ng mga awtoridad na hindi na mauulit ang insidente ng pangingidnap noon ng ASG sa Dos Palmas Resort ilang taon na ang nakalilipas.
http://news.pia.gov.ph/article/view/3321494548127/tagalog-news-walang-presensya-ng-abu-sayyaf-sa-palawan-ayon-sa-wescom
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.